Sabado ngayon. Papalapit na ang paglubog ng araw sa maaliwalas na dapit-hapon ng aking buhay. Noon, inaaksaya ko ang aking oras sa mga gawain sa kapilya, na karaniwang nangangailangan ng malalayong paglalakbay sa karatig-bayan para lang magbigay ligaya sa mga tao habang pinapaunawa sa kanila ang aming pananampalataya. Subalit noon yun. Napagod na akong maging… paano ba to ilalagay sa mga titik… mapagkunwari? Di ko maisulat ng banayad itong damdamin ko tungkol dito. Pero mabalik tayo sa aking Sabado.
Nandito ako ngayon sa lokal naming paliparan. Itinayo ito kung sakaling may sakunang maganap sa aming bayan at mga kalapit nitong lokalidad. Tunay nga itong naging kapaki-pakinabang noong tumama sa aming probinsya ang malakas na hagupit ng Bayong Odette. Subalit kung hindi naman ito ginagamit para maging daungan ng mga elesi ng gobyerno ay mainam rin ito bilang pasyala’t pahingahan. Oo, wala itong puting buhangin o asul-berdeng dagat subalit meron itong sariwang hangin na kay sarap langhapin. May mga nagsikalat na bubog na tanda ng kalasingan o kalokohan ng mga kabataan, subalit sino ako para humusga sa mga taong naghahanap lamang ng kasiyahan. Malimit itong maging lugar para sa mga nag-eehersisyo o di naman kaya sa mga magkatipan na nais lamang makahanap ng kapahingahan mula sa mapanghusgang mundo na ginagalawan nila. Subalit walang lugar na sadyang sakdal panghabambuhay, lalo na kung iyong mababatid ang bilang ng mga taong nahuli na dito salik ng iligal na droga, isang suliranin na kaakibat ng papalagong ekonomiya ng aming bayan.
Sa dulo ng aming paliparan ay makikita ang daan na maalikabok tuwing tag-init at tila pugad ng mga baboy tuwing binubuhusan ng malakas na buhos ng ulan. Sa gawing kanan nito ay may tatlong puno ng bugnay, apat kung isasama ang maliit na punong sumasalinsing ng hiwalay sa tatlong malalaking puno. Bagong tubo pa ang mga dahon nito, palibhasa’y ngayon pa lamang ito nakatikim ng ulan simula noong huling bahagi ng Marso.
Sa pangatlong puno sa kanan doon ako malimit na nakasandal ang aking katawan. Marahil nakita mo na ako sa lugay na iyon, siguro nga’y naisip mo na may sira ako sa pag-iisip. Marahil tama ka, subalit hindi, hindi iyon ang katotohanan. Nakasandal ako sa punong iyon sa isang anggulo na kinasisiyahan ko, sa anggulo kung saan pag binabaling ko ang aking paniningin sa kaliwa ay nasasaksihan ko ang mga tao na nagsisidaan sakay sa kanilang motor ng minsan ay maingay. Dito ko rin nakikita ang mga taong naglalakad o nag-eehersisyo sa aspaltong paliparan, na kung minsan may nakakakilala sa akin at binabati ako sa malayo, na aking binabalikay ng pagyuko o di naman kaya pagtataas ng aking kaliwang kamay habang nakayuko. Sa bandang kanan ay aking nakikita ang isa sa mga puno na mas maliit pa sa aking sinasandalan, subalit di kasing pandak ng nalalayong puno sa aking likuran. Ang mga bali nitong sanga ay tanda ng kaligayahang idinulot nito noong inaakyat pa ito ng mga maliliit na paslit, na kung minsan, ay minamalas sapagkat nababali ito. Subalit ang pinaka magandang tanawin sa aking paboritong sandalan ay ang katapat kong puno, na sadyang kay lalim ng pagiging berde, tanda ng kanyang katandaan. Sa ibaba nito ay ang maliit na punso, o maliit na burol ng lupa na sapat na upang ipangtakot ng mga matatanda sa kanilang mga paslit. Higit ko itong iniibig, hindi dahil sa mga dahon nito, iniibig ko ang punong iyon sapagkat ang lilim na hatid into sa hapon ang siyang naging silungan ng aming mga nasusunog na balat, mahigit isang taon na ang nakakaraan.
Tagpuan kung akin itong tawagin, marahil ito ang katotohan maliban sa sira sa aking isip. Sariwa pa sa akin ang hapong iyon. Abril 23, Linggo, walang ibang tao sa lugar iyon, tanging siya lang… at ako. At dito nagsimula ng aking sanga-sangang tula at kuwento.
61Please respect copyright.PENANADApiipPIro