Lahat ng tao sa mundong ito ay nagmahal na, aminin man natin o hindi. May mga taong nabiyayaan ng isang magandang nobela ng pag-ibig, na sadyang kay tamis at kay sarap basahin habang gumugulong ang papel ng tadhana. Subalit may mga tao naman na, sa kasamaang palad, ay pinatawan ng mahabang yugto na pinupuno ng sakdal pagdurusa at pagluha. May mga tao, na kahit anong pilit na itugma ang lahat ng maliligayang ala-ala ng kanilang pag-ibig sa tula ng kanilang buhay, ay hindi magawang mailathala ito sa habang panahon na kanilang iisang buhay. Isa ako sa mga taong iyon.
Sa loob ng mahigit isang taon ng kalungkutan na aking pinapasan, pinipilit kong itugma ang lahat ng taludtod na may kinalaman sa kanyang paglisan. Naglakbay ako sa malalayong bahagi ng aking isip at naglakad na ng ilandaang milya, sinunog ang di mabilang na mga oras kakaisip saan ako nagkamali. Sa loob ng mahigit tatlong daan animnapu’t limang araw, pilit kong pinapawi ang aking kapanglawan sa pamamagitan ng pagsira sa aking buhay, at sa pagtula ng paulit-ulit na ipinahahayag ang aking mga katanungang di rin naman masasagot. Sa bawat gabi na nagdaraan, hindi ko maiwasang lumingon sa mga tala, habang tinatanong sa aking sarili kung naiisip niya rin aba ako sa tuwing natingin siya sa mga tala. Ilang beses na rin niya akong kinausap, sinulatan ng liham, at inaaliw sa mga salitang “Naaalala pa rin kita.” Subalit narito ako, nakakulong sa karimlan ng pag-iisa. Nilayo ko ang aking sarili sa madla, at kung makikihalubilo man ay patungkol lamang sa pag-aaral o mga proyekto sa komunidad. Pininta ko ang sarili kong Spolarium, isang pagkukunwari na sa pag-iisa ay nahahayag habang ang aking isipan ay hinihila ang lugmok kong puso sa kalinawan. Marahil tanga lang talaga ako, subalit walang kamangmangan na nagdudulot ng labis na hinanakit. Tanging katotohanan at ang kaalaman hinggil rito ang nagdudulot ng labis na sakit sa isang taong nais pang magkunwari at mamuhay sa kasinungalingan. At hindi na kataka-taka, isa ako sa mga taong iyon.
Marahil ito ang salik ng aking pagsulat ngayon. Ang kapighatian, ang mga hirang guni-guni, mga tanong na walang patutunguhan, mga kathang-isp na walang kabuluhan. Marahil ikaw pantas na bumabasa ay hindi na matiis ang kasukuiang iyong binibigkas sa labi o sa isip, subalit pahintulutan mong isalaysay ko sayo ang aking hira’t pasanin, baka sakaling masabayan mo rin ang mabagal na tugtog ng aking kahinaan. Ipagpapauna ko na rin sayo , hindi ako perpekto, maging itong basahin na ito. Subalit sa ganang akin, ito ang dahilan kung bakit mas nagiging madamdamin at mas pinahahalagahan ang isang tao, hindi lang dahil sa kanyang kahusayan sa isang piling larang, kundi sa kanyang kakayahang tanggapin at baguhin ang kanyang mga pagkukulang, kahinaa’t kamalian. Marahil sa pagbasa mo saking katha, magawa mong maitugma ang iyong tula sa aking gawa, at maranasan mo rin ang maikling kwento ng aking natamong pag-ibig, at ang dinaranas kong pagkawala.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging ganito, o kung matatapos ko man ang librong ito, subalit sana’y sabayan mo ako sa aking paglalakbay. Matatapos rin ito, manalig ka. At kung matapos ko man ang aking takbuhin at mabigkas mo na ang huling saknong nitong aba kong babasahin, pakiusap ko lang na huwag ka nang kumapit pa rito. May iba pang mga kwento na nangangailangan ng isang masigasig at mapang-unawang mambabasang tulad mo. Kung may natutunan man ako na pinipilit kong isabuhay sa aking bawat paghinga ay may mga bagay na dapat manatili sa ating yamang gunita, mga bagay na maaring balikan sa isip subalit di na pwede pang muling isagawa. Kung kaya’t magpatuloy ka sa iyong daan, at kung maisipan mong bumalik para maranasang muli itong katha, maging malaya ka sa pagbasang muli,
Nawa’y kalugdan mo ang pagbasa nitong aking libro. Lagi mong alalahanin, ang sinag ng araw sa dapit-hapon ay nakalaan para sa mga handang harapin ang matinding unos.
- Ang Nagsulat, Buwan
62Please respect copyright.PENANAjZ3uW9dXYx