395Please respect copyright.PENANAp8DLahCYqS
Mula noong ako'y isang bata, maraming nagtatanong, bakit daw puno ako ng sugat at pasa sa katawan? kada makikita raw nila ako ay may panibagong sugat nanaman akong natamo. Madalas sariwa pa at umaagos ang dugo, hindi ginagamot.
Ngayon ko lang napag-isipan ang sagot sa tanong, lumipas na ang halos sampung taon bago ko ito nagawang aminin, kung kailan hindi na mahalaga at wala nang nagtatanong.
Kahit na araw-araw nakikita ang peklat na naiwan ay hindi ko nakikita ang halaga ng bawat mantsya sa aking katawan. Siguro iniwasan ko siyang tignan dahil sa pagka-awa sa aking sarili.
Hindi ko kayang tignan noon ang mga sugat. Imbis na kwento ay mga dahilan na nagbibigay katwiran sa aking kalungkutan ang nababasa. Isang paalala ng malungkot at kahiya-hiyang gyera na paulit-ulit kong nabigo.
Sampung taon na akong mas matanda kaysa sa batang ako na tinanong noon. Mas madali na sa akin nang konti na tignan ang sugat. Mas malinaw na sa akin ang ilan sugat kahit na humilom na. Nilandas ko ang aking daliri sa aking kamay at kinausap ang sugat na pakupas ngunit nag-iwan ng kulay kapeng mantsya.
Ano ang kwento sa likod ng mga sugat na ito? paano kita nakuha? Kailan ka pa gumaling? gaano ka na katagal sa aking katawan? Pero Hindi namin alam ang sagot dahil hindi ko na rin maalala.
Pero alam ko na dapat hindi sila nandito sa aking katawan.
Hindi ko man maalala ang pakiramdam ngunit naiwan sa aking isip ang takot sa tuwing makikita ang pag-agos ng dugo palabas sa nabukas na sugat. Kaya sa tanda kong ito ay takot pa rin ako sa dugo.
Naaalala ko na kalungkutan ang nararamdaman sa tuwing nakikita ang makinis na balat ng mga ibang bata na madalas pang napapahidan ng mabagong losyon. Kaya nawalan ako ng respeto sa aking sarili.
Ang pagtitiis ng init sa pagsuot ng long sleeves para itago ang sugat at pasa. Para iwasan ang atensyon at mga matang nagtatanong na may bahid ng awa, dahil lalo lamang akong lumulubog pailalim sa kanilang pagpansin. Kaya iniwasan ko ang mga tao at binukod ko ang aking sarili.
Pagtitiis, Pagtitiis, Pagtitiis, at walang katapusang pagtitiis, ang naiwan na salita at nanuot sa aking buto. Kaya hindi ko alam kung kailan dapat tumigil at kung ano ang salitang 'tama na'.
Bakit puno ako ng nakakadiri at kasuklam-suklam na sugat at pasa? Tanong mo sa aking Ina.
Nagsisisi ako na hindi ko sinagot ang kanilang tanong. Minsan nagbabakasakali pa rin ako kung papaano kung sinabi ko, may tutulong kaya? papakinggan kaya nila ako?
Paano kung...paano kung...
sa tuwing natatalo sa sugal, sa akin binubuntong ang kanyang galit. Swerte na kung paghampas ng kaldero ang aking matatamo dahil madalas ay sampal, kurot, at bugbog ang binabato sa akin.
sa tuwing nag-aaway sila ni Ama, pag-alis ni Ama papunta sa trabaho binubugbog ako ni Ina hanngang sa mangitim ang aking mga balat. Walang pakealam kung saan dadapo ang kanyang kamao. Basta mapawi ang himutok.
Ang paglubog ng kanyang mga kuko sa aking balat sa tuwing nagkakamali sa kanyang pinag-uutos hangang sa magpaibabaw ang konting dugo
At ang kanyang paboritong pagwagayway ng malutong na sinturon bago dumapo sa aking balat. Paulit-ulit na pinapalo kung saan pinakamasakit.
Iba't iba ang paraan ng pagkatamo pero iisa lamang ang intensyo, saktan ako.
Gusto ko rin tanungin ko bakit niya iyon ginagawa? Pero tulad ko hindi na siya ang dating Ina na nakilala ko. Natutunan ko siyang kamuhian habang pinag-aaralan niya kung paano ako mahalin.
Huli na para sa pagsisisi.
Ang sugat sa aking katawan ay simbolo ang kasalanan na hindi na matutubos, ang kalungkutan, at ang aking Ina.
Natanggap ko ang lahat ng ito ng hindi nalalaman ang dahilan.
Ngayon, ayoko nang magtanong.
January 26, 2023
Yoshio Tomoe
ns 15.158.61.20da2