“Bad trip! Akala ko pa naman may pag-asa na ako. Iyon pala isinama lang ako para pagtakpan ang lihim na relasyon nila ni Ana. Bwisit ka talaga sa buhay ko!” Nanggagalaiting sigaw ni Alex na ibinunton ang lahat ng inis sa nadaanang `di kalakihang bato.
Ubod-lakas niya itong sinipa dahilan para lumipad iyon patungo sa direksyon ng mga puno na nasa gilid ng kalsadang nilalakaran niya ng gabing iyon. Kung bakit kasi ang bilis niyang mahulog sa mga lalaki. Nagpakita lang ng kabaitan, `di na talaga siya nagtanda.
“Aray!” Daing ng kung sino dahilan para mapahinto siya sa paglilitanya ng kanyang mga sama ng loob kasunod ng mga kaluskos. Kaya napalingon siya sa gawing kanan kung saan naroon ang mga puno ng mapansing may gumagalaw na anino doon. Hindi niya alam kung kakaripas ba siya ng takbo o ano.
“Nananahimik ako rito tapos bigla ka na lang mambabato.” Nanlaki ang mga mata niya ng may lumabas na isang matangkad na lalaki mula sa gilid ng isang puno. Napansin niyang sapo nito ang kaliwang bahagi ng noo at may likidong umaagos sa may pisngi nito na tinatamaan ng mapusyaw na liwanag ng buwan.
“H-ha? A-ano…” Hindi siya makapagsalita dahil para siyang nabato-balani sa itsura nito kasabay ng malakas na pagkabog ng dibdib.
“Tititigan mo na lang ba ako?”
Natauhan siya ng muling marinig ang malalim at buong-buo nitong boses.
“P-pasensiya ka na, hindi ko naman sinasadya.” Natatarantang nilapitan niya ito para alamin kung malaki ba ang naging sugat pero dahil sa pagmamadali ay natalisod siya sa mga nagkalat na bato at nawalan ng panimbang dahilan para tumumba patungo sa direksyon nito. Napapikit na lang siya hanggang sa tumama siya sa mala-pader sa tigas na dibdib nito kasunod ang pag-igik ng lalaki ng bumagsak ito pahiga sa lupa habang nakaibabaw siya.
347Please respect copyright.PENANAKGM7FhKstn
“Ang lampa mo, `no? Tapos ako ang napapahamak.” Nahihirapang sabi nito.
Mabilis siyang napadilat at napaangat ng mukha para sana muling humingi ng paumanhin pero muling napatulala ng magtapat ang kanilang mga mukha at doon niya napagmasdan ng malapitan ang mapupula nitong mga labi at ang mapungay nitong mata na may malalantik na pilik na hindi natatakpan ng kamay.
“Hindi ko sinasadya. Gusto ko lang sanang alamin kung malaki ba ang sugat.” Naiilang niyang sagot dahil napansin niyang nakatitig na rin ito sa kanya.
“Ayos lang ako…” usal nito.
Napalunok siya dahil sa kaba lalo na nang pumalibot ang kanang braso nito sa kanyang bewang dahilan para mag-init ang buong mukha niya kaya sinubukan niyang tumayo pero lalo lang humigpit ang braso nito.
“Ahm… tayô na tayo. Gamutin natin `yang sugat mo sa bahay…” Wala sa sariling sabi niya at huli na para bawiin ang kanyang alok.
“Hindi na kailangan,” sabi nito at walang kahirap-hirap itong tumayo habang nakakawit pa rin ang braso sa bewang niya.
“A-anong ginagawa mo? Teka lang!” Bulalas niya ng bigla siyang pangkuhin kaya pilit siyang kumakawala sa mga bisig nito pero kahit anong gawin niya ay parang bakal ang mga iyon na hindi matinag kahit na hindi naman nagkakalayo ang laki ng kanilang katawan.
“`Wag kang mag-alala hindi kita sasaktan. Narinig ko ang mga hinaing mo, matagal na kitang sinusubaybayan at pinagmamasdan.”
“Anong pinagsasasabi mo? Ibaba mo `ko. Sasapakin kita kapag nakawala ako dito,” naiinis niyang sabi rito kahit na nakakaramdam na siya ng kaba dahil patungo ito sa loob ng kakahuyan at dahil gabi na ay hindi na niya makita ang kanilang dinadaanan pero parang hindi ito apektado at tuluy-tuloy lang ang paglalakad.
Napasinghap na lang siya ng tumambad sa kanya ang napakagandang lugar.
347Please respect copyright.PENANAM7sDWOm0uA
Para siyang nasa paraiso sa dami ng mga bulaklak pero wala siyang makitang ibang tao.
“Nasaan tayo?”
“Sa tahanan ko.”
“Paanong nagkaroon ng ganitong lugar sa gitna ng kakahuyan? Ilang beses na akong dumaan dito pero hindi ko ito nakita.”
“Iyon ay dahil hindi ko basta-basta ipinapakita sa iba ang tirahan ko.”
Inilapag siya nito sa isang tila kama na sing-lambot ng bulak na halos lumubog na siya. Hindi na niya nagawa pang makapagsalita dahil sa pagkamangha.
“Simula ngayon dito ka na titira.” Narinig niyang sabi nito kaya natauhan siya.
“A-anong sabi mo? Hindi p’wede, hahanapin nila ako.” Nagmamadali siyang tumayo para sana umalis sa lugar na iyon pero kahit ilang beses na siyang nagpaikot-ikot ay wala siyang makitang labasan. “Nasaan ang daan palabas? Uuwi na ako!” Matigas na sabi ko dito.
“`Wag mong lokohin ang sarili mo, alam naman nating pareho na walang maghahanap sa `yo, hindi ba?” Halos pabulong na sabi nito habang naglalakad palapit sa direksyon niya kaya wala sa sariling napaatras siya hanggang sa muli siyang mapaupo sa ibabaw ng kama pero hindi ito tumigil sa paglapit kaya namalayan na lang niya na nakahiga na siya at nakadagan na ito sa kanya. “Dito wala nang mananakit sa `yo. Aalagaan kita, iingatan…”
“Ano bang pinagsasabi mo? Sino ka ba? Kanina lang tayo nagkakilala…”
“Ako si Blaire at matagal na kitang kilala… alam ko lahat ng kabiguan at sakit na naranasan mo…”
Natahimik siya sa mga sinabi nito at pakiramdam niya ay nakahanap siya ng kakampi sa katauhan nito.
Nasalubong niya ang mga titig nitong nagbigay kilabot sa buo niyang katawan at sa unang pagkakataon ay sigurado siya sa sariling hindi siya sasaktan nito.
Napapikit siya ng maglandas ang kanang hintuturo nito sa kanyang pisngi at huminto sa ilalim ng kanyang baba kaya napadilat siya kasabay ng paglapat ng mga labi nito sa nakaawang niyang mga labi dahil sa pagkabigla. Tila may kuryenteng tumulay sa kanyang mga labi patungo sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan at wala sa sariling pumulupot ang kanyang mga braso sa batok nito upang palalimin pang lalo ang halik.
“Hindi ko maipaliwanag ang nangyayari pero ramdam ko na totoo ang mga sinasabi mo. At sa unang pagkakataon sigurado akong hindi na ako masasaktan…”
“Tama ka… dahil kapag nagmahal kaming mga engkanto, minsan lang sa buhay namin at walang kahati kaya sa ayaw at sa gusto mo hindi na kita pakakawalan.”
At muling naglapat ang kanilang mga labi para sa isang makapugto-hiningang halik.
Wakas.
ns 15.158.61.5da2