Dalawang buwan matapos mamatay ng kanyang lolo, napag-desisyunan ng mga magulang ni Rael na ipadala siya sa Isabela, ang lugar kung saan lumaki ang kanyang Ina. Upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral pero ang pangunahing dahilan talaga ay para batayan ang kanyang lola na may sakit. Hindi niya kailangan na personal na alagaan ang kanyang lola, kailangan lang may masabing malapit na pamilya sa kanyang tabi. Pero hindi siya malapit sa kanyang lola at sa katunayan limang beses pa lamang sila nakita, ang ikalima ay noong libing pa ng kanyang lolo. Walang may gusto na alagahan siya dahil ang lahat ng kanyang anak ay may kanya-kanya ng mga pamilya at ang iba ay nasa estados unidos na nagtatrabaho. Kaya si Rael ang naging sakripisyo sa responsibilidad na ayaw tanggapin ng mga matatanda.
Hindi nagreklamo si Rael at tahimik na tinanggap ang desisyon. Iniisip niya na magandang oportunidad na rin iyon para umalis sa Manila. Dahil kung tutuusin hindi siya nababagay sa Manila, hindi niya maintindihan ang trip ng mga tao doon pati na rin ang kanilang paniniwala sa buhay. Iniisip niya na baka mas mainam na sa probinsya siya mamalagi, mas makakahinga siya nang maluwag doon. Mas makalalayo, makalalaya.
Tatlong oras lamang ang naging byahe ni Rael papunta sa Isabela dahil sumakay siya ng eroplano subalit pakiramdam niya ay sobra-sobra siyang napagod. Hindi matahimik ang kanyang diwa sa panginginig ng eroplano at hindi niya mahanap ang komportableng posisyon. Nanginginig ang kanyang tuhod at nangangawit ang kanyang leeg, dahil sa kasisilip sa labas ng bintana. Isa iyon sa pinakamahabang tatlong oras sa buhay ni Rael.
Ang kanyang isang maletang damit na kanyang hila-hila ay sobrang bigat para sa kanya, ngunit napakabata niya pa para maintindihan ang kanyang nararamdaman. Isang estrangherong pangalan para sa labing-limang taon gulang na lalaki pero napakapamilyar ng pakiramdam. Pinagmasdan niya ang dagat ng mga tao na umaalis at dumadating, ang mga maletang hinihila, mga pamilyang nagyayakapan, at ilan tulad niya na may hinihintay. Naghintay si Rael kahit hindi niya alam kung ano ang dadating.
Maya’t maya pa ay sumulpot ang isang matanda na mala-oso ang laki, nakatayo sa gitna ng labasan habang hawak ang malaking karton kung saan nakasulat, sa magulong hagod ng panulat, ang kanyang pangalan. Saglit na napatanga si Rael habang pinagmamasdan ang matandang lalaki na nakasuot ng damit sa pagsasaka at meron pang balangot sa ulo. Palingon-lingon pa ang matanda sa paligid habang may malawak na ngiti sa kanyang labi. Noong nag salubong ang kanilang mga mata ay humahalakhak siya ng malakas habang sinisigaw ang palayaw ng kanyang Ina, “Nariyan lang pala ang batang Rizel!”, “Rizel!”.
Pamilyar ang mukha ng matanda at sigurado siyang nakita niya ang ginoo sa lamay ng kanyang lolo. Alam niya na siya ang tinutukoy nito. Pero hindi siya gumalaw o kumibo, hindi rin siya kumilos papalapit. Hindi niya iyon pangalan. Hindi siya si Rizel. Pero kusang lumapit sa kanya ang matanda. Malalaki ang bawat hakbang. Nagpakilala ang matanda bilang si Tata Berto, isa sa mga tagasilbi sa kanilang malawak na gulayan, ay nandoon para sunduin siya at ihatid sa kanyang magiging bagong tirahan, sa Hacienda Lauchengco.
Hindi tumitigil sa pagsasalita ang matanda at hindi nabigyan ng pagkakataon na umibabaw ang kapayapaan sa loob ng sasakyan. Hindi nakinig si Rael sa kanyang mga kwento tungkol sa kanyang kabataan at mga karanasan sa bukid, at tahimik na pinagmasdan ang mga palayan at mga bundok na nadadaanan. Iniisip na hindi na nila kailangan kilalanin ang isa’t isa dahil hindi magtatagal kusa rin siya at lahat ng makikilala niya ang lalayo mula sa kanya.
Tinitigan na lang ng lalaki ang makulimlim na kalangitan habang hinihintay ang pagbuhos ng ulan. “Bumuhos ka ng malakas,” bulong niya sa sarili. Binuksan niya ang bintana at nilanghap ang hangin na may kasamang alikabok.
Dumating siya sa kanyang magiging bagong tirahan pasado alas-quatro ng hapon, sinalubong siya ng kanyang lola na nakaupo sa wheelchair kasama ang kanyang katulong, si Tiya Josie. Hindi mainit ang naging pagtanggap sa kanya, wala naman siyang pakialam, sanay na siya sa trato ng kanyang mga magulang. Sa katunayan mas magpapasalamat pa siya kung ititigil na lang nila ang pagkukunwari, gusto na niyang magpahinga.
Matapos ang maikli at walang kabuhay-buhay na pagbati, kumain sila ng simple ngunit mainit na hapunan nang walang umiimik. Tila ang paggawa ng inggay ay isang paglabag sa batas. Subalit masyadong magaling si Rael sa kanilang laro. Alam na niya ang dapat gagawin.
Hirap si Rael na lasapin ang pagkain. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Hindi siya makalunok. Pero hindi niya inalis ang tingin sa kanyang plato na paubos na ang laman dahil hindi rin naman karamihan ang kanyang nilagay na pagkain. Pinilit niyang ubusin.
“Nakakasakal,” bulong ni Rael sa kanyang isip.
Pero sanay na siya kaya’t hindi na siya malulungkot.
Tama, sanay na siya.
ns 15.158.61.8da2