Ika-7 ng Oktubre, taong 1855.
I. Unang Pahina
343Please respect copyright.PENANAmbMQiWC72u
Maraming tao ang dumadaing sa kalaliman ng aking mga sulat gayundin ang mga nais nitong iparating. Ngunit isa lang ang aking nanaisin, nawa ay magsilbi itong pagpapala sa lahat ng nakauunawa at masamang panaginip sa lahat ng isinumpa.
Isa akong manlalakbay. Ginugol ko ang aking oras at buhay na may hawak na mapa sa aking mga kamay. Nasimulan kong naisin ang ideyang paglalayag magmula nang tahakin ko ang daang hindi ko inaasahang babago sa aking pananaw.
Kailanma'y hindi ko binigyang pansin ang kahulugan ng salitang tadhana. Maaaring namumuo na sa iyong isipan na ito ang dahilan upang buksan ang liham na walang tiyak na pinagmulan. Ngunit, wari mo ba'y hindi ito makararating sa iyo nang walang kinauukulang intensiyon? Hindi tadhana, marahil ay pagtatakda. Isang pagtatakda mula sa akin na nanaisin mong sundin ang daan ng mga susunod na letrang iyong masasaksihan. Katulad ng pagsulong ko sa daang kailanma'y hindi ko malilimutan. Nais kong ibahagi ang kauna-unahang lugar na aking nilakbay.
II. Ikalawang Pahina
Sampung taon na ang ibinaon ng oras sa nakaraan nang madatnan ng aking mga mata ang buhos ng ulan na walang sawang nililisan ang mga ulap sa himpapawid. Isang oras ang aking pinalipas matapos dungawing muli ang kalawakan ng labas. Wala na ang ulan ngunit ang pinta sa langit ang namumutawi. Labing tatlong taong gulang na bata na may puno ng makukulit na imahinasiyon, isang bagay ang naglalaro sa aking isipan. Ginto. Ang naaayon sa aking pandinig ay may kayamanan raw sa paanan ng bahagharing binabantayan ng mga nilalang na puting kabayo na may sungot sa bandang gitna ng ulo.
Walang pag-aalinlangan na nilusong ko ang maputik na lupain upang tahakin ang daan patungo sa dulo ng mga kulay. Mas binilisan ko pa ang aking mga hakbang. Dinala ako ng aking mga paa sa isang masukal na gubat. Nang tingalain ko ang langit, binalot ako ng malamig na pawis. Nawala na ang bahaghari! At naririto ako sa pusod ng kagubatan na walang kaalaman sa mga daang tatahakin upang makabalik sa pinanggalingan. Inilibot ko ang aking mga mata. Huni ng mga ibon at nagsasayawang puno ang aking nasaksihan. Ngunit sa bandang Silangan, sa likod ng malalagong damuhan ay nakakita ako ng liwanag na hindi nakasisilaw ngunit nakakaakit.
Hinawi ko ang ilang matatayog na halaman upang masaksihan ang itanatago nitong liwanag. At doon, sa ilalim ng sikat ng araw ay ang isang nakamamanghang isla ang sumalubong sa akin. Bagama't nasa gitna ng kagubatan, hindi maitatago ang mga gusali na animo'y galing sa hinaharap. Makikita ang nagliliparang sasakyan na mayroong kakaibang hulma kumpara sa ngayon. Naroroon din ang iba pang imprastraktura na minsan ay hindi ko nasilayan sa aking lugar. Pakiramdam ko ay nasa iba akong mundo. Umabante pa ako papalapit dahil sa lubos na pagkamangha. At dito na nagsimula ang sunod-sunod na kaganapan na aking nasaksihan.
III. Ikatlong Pahina
Mainit ang naging pagtanggap sa akin ng mga tao sa islang iyon. Napag-alaman ko rin na tinatawag nila itong isla ng Lubtaw, at silang mga naninirahan ay kilala sa katawagang Amsik. Silang mga Amsik ay matagal nang nalalagay sa tahimik gamit ang nakatagong kayamanan ng kanilang lupain at marahil ay siya ring dahilan ng kaunlaran. Araw ang binilang ng aking pagtatagal sa islang iyon. Ang kanilang pinuno na kilala bilang Haring Magnaah ay ginalakan ako ng tirahan, binihisan ng magagarang kasuotan at hinainan ng masasarap na pagkain. Pakiramdam ko ay isa ako sa mayayamang nakaupo sa kaginhawahan ng pangangailangan. Ngunit sa tuwing sasapit ang dilim, sa loob ng aking silid ay maririnig ang mga palahaw na animo'y galing sa kailalim-laliman ng lupa. Binalaan ako noong una pa lang na huwag lumabas o kahit sumulyap sa aking bintana. Ipagpalagay ko na lang raw ang aking sarili sa masarap na tulog. At ganoon nga ang aking ginawa sa sunod pang mga gabi.
Isang araw habang binabagtas ko ang Kanluran ng Lubtaw ay may nakilala akong lalaki na wari ko ay kasing edad ko lamang. Tawagin ko raw siya sa pangalang Asmaka. Kasama ko siyang binaybay ang kanluranin hanggang sa mapadako kami malapit sa Timog. Doon ay napatigalgal siya at pinigilan ako. Hanggang doon na lang raw ang matatahak namin sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ng Hari ang pagpasok sa gawing bahagi ng islang iyon. Nais ko mang itanong kung bakit, ngunit bakas sa mukha niya ang pagkabagabag. Subalit laking gulat ko na lang nang ibahagi niya sa akin ang mga nalalaman niya, at gayundin ang aking pagkabahala sa aking natuklasan. Ang marikit na taglay ng islang kinahahantungan ko ay may masangsang na sikretong itinatago.
Ang mga Amsik na naninirahan raw dito ngayon ay walang iba kundi mga dayuhan galing sa dakong isla. Noong una ay bumibisita lamang ang mga ito sa Lubtaw upang maki-pagpalit ng mga ginto, pilak at kung ano pa mang maaaring maipagpalit sa mga orihinal na nag mamay-ari ng lupa. Ngunit lingid sa kaalaman ng mga naunang nanirahan, unti-unti nang inangkin ang lupaing sagana sa kayamanan sa kabila ng walang hanggang mga pangako na payayabungin ang lupain. Hanggang sa tuluyang mapasakamay na ng mga Amsik ang Lubtaw, dito na nagsimula ang hindi makasikmurang pagsasalaysay ni Asmaka.
IV. Ika-apat na Pahina
Ang mga taong unang nanirahan ay nasa gawing Timog, ilang hakbang lang galing sa aming kinauukulan. Sa parteng iyon raw ay mayroong mga selda at may sampung katao ang bawat isa. Ang mga taong ito ay kilala bilang mga Hatotokanan o 'Hatoto'. Walang araw na hindi nakararanas ng paghihigpit ang mga Hatoto mula sa kamay ng mga Amsik. Hindi sila maaaring lumabas ng Timog hangga't hindi dumarating ang gabi. Ito lamang ang oras na kaya nilang baybayin ang labas ng Timog hindi upang maglakbay sa pansariling interes kundi maglingkod sa ninanais ng mga Amsik. Pinagpupunas sila gamit ang dila sa mga maruruming upuan sa labasan, pinagbubuhat ng napakabibigat na bakal at kagamitan sa konstruksiyon. Datapwa't maunlad sa larangan ng teknolohiya, hindi ko mawari ang intensiyon ng mga Amsik. Gayun na lamang ang labis na pagkagulat ko sa mga salitang binibitawan ni Asmaka. Ang mga panaghoy na naririnig ko sa gabi ay hindi dala ng imahinasiyon at lalong lalo na ng mga ligaw na hayop na naglalakbay kundi tao mismo! Mga tao na itinatratong parang hayop.
Nais kong lusungin ang Timog, iyan ang wika ko kay Asmaka. Nais kong masaksihan ang kinalalagyan ng mga Hatoto. Ilang minuto bago niya sagutin ang katanungan ko, kasama ang isa pang rebelasiyon. Isa siya sa mga Hatotokanan at naninirahan dito sa loob ng isang taon at dalawang buwan. Sanggol pa lamang ay ipinaanod na siya ng kaniyang ina sa katubigan na lumilibot sa isla upang maiwasan ang hirap na dinaranas ng kaniyang mga kasama. Napag-alaman niya ang tunay na kinabibilangan dahil sa nakaukit na animo'y balat sa likod ng kaniyang palad na pagkakakilanlan ng mga Hatoto matapos niyang masaksihan isang gabi ang tunay nilang ginagawa. Ngayon ko lang napagtanto ang puting tela na nakatali sa kanang kamay niya. Ito lang raw ang maaari niyang gawin upang itago pansamantala ang pagkakakilanlan habang kumakalap ng sapat na impormasiyon. Lumaki raw siya sa lugar na pinanggalingan ko at sa kasamaang palad, hindi na niya maaari pang lisanin ang isla upang makahingi ng tulong sa labas. Dahil sa kaunlaran ng teknolohiya sa lugar na ito, mayroong linya ang bawat gilid ng isla na mga Hatoto lang ang makakakita at sa isang kasuklam-suklam na kahihinatnan, ang mga linyang ito ay kamatayan. Mabuti na rin lang raw at naisagawa ang batas na ito isang taon pa lang ang nakalilipas.
V. Ika-limang Pahina
Dalawang oras bago ang gabi ay tinahak namin ang daan patungo sa Timog. Nasa bunganga pa lamang kami ay nakuha na ng ilong ko ang nakasusulasok na amoy sa bawat selda. Naroroon ang mga katawang gumagalaw pa ngunit makikita sa kanilang mga mata ang ipinagkait na buhay. Makikita ang mga pigtas ng kanilang kasuotan na animo'y pinaglumaan na ng panahon. Lahat ng kanilang dumi ay naka-umpok lamang mismo sa loob ng selda. Mas masahol pa ang trato sa kanila kesa sa tunay na preso. Nag-uumapaw ang galit sa aking puso sa bawat pagsisid ng aking mata sa lugar na ito. Walang dumadaloy na hustisiya. Napag-alaman ko na ang susi sa mga selda gayundin sa bakal na nasa leeg nila ay matatagpuan sa bahaging Hilaga ng Lubtaw. Pati ang linya na nagtitigil sa kanilang kalayaan ay mai-aalis rin. Kung kaya't wala na akong sinayang na oras at tinungo ang lugar na iyon.
Ako lang at iba pang mga Amsik ang may kakayahang makakuha ng susi dahil sa linyang nagpipigil sa mga Hatotokanan. Napag-tagumpayan ko ang pagkuha sa susi gayundin ay napakawalan ang ibang mga Hatotokanan. Subalit kasabay nito ay ang pagkitil ng buhay kay Asmaka. Napagtanto ng mga Amsik ang aming ginagawa. Dahil dito, nawawari ko na buhay ko na ang isusunod. Ngunit hindi, nailabas ko ang aking sarili sa isla. At iyon marahil ang isa sa mga ikinagagalit ko. Nailabas ko nang tuluyan ang sarili ko ngunit hindi ang mga taong mas may karapatan sa kalayaan. Noon ko rin nalaman na ang Lubtaw ay inihango sa salitang Lubog at Litaw. Sa pag-litaw ng susi ng Hatotokanan sa Hilaga ay ang pag-lubog ng gawing Kanluran at Silangan. Kasama ako sa pag-lubog ng Silangan matapos akong ikulong sa isang selda. Subalit bago nila makuha ang susi sa aking mga kamay, tuluyan nang nilamon ng tubig ang lupaing iyon.
VI. Ika-anim na Pahina343Please respect copyright.PENANAFgwZjc7lAS
Nang idilat ko ang aking mga mata, bumungad sa akin ang pamilyar na lugar. Ito ang totoo kong tirahan. Nalaman ko mula sa aking ama na dalawang linggo na akong nawawala. Hinanap niya ako sa buong baryo hanggang isang araw ay binalikan niya ang kagubatan. Doon nga ay nakita niya ako sa tabi ng ilog at walang malay. Ang unang lumabas raw sa aking mga labi ay Lubtaw at Hatotokanan. Ikinuwento ko ang lahat sa kaniya, sa aking mga kaibigan, maging sa aking mga kasamahan sa tubuhan, ngunit isang reaksiyon lang ang nakuha ko sa kanila. Ako raw marahil ay nahihibang. Sinubukan kong muli na ilabas ang aking tinig paukol sa Isla ng Lubtaw. Ngunit ito ang naging dahilan upang bigyan ng ideya ang aking ina na ipadala ako sa ospital ng mga nasisiraan ng bait. Kung kaya't tinikom ko na lang ang aking mga bibig.
Pinakikiramdaman ko ang malamig na bagay sa aking bulsa. Alam kong ito ay kulay dilaw at kahit sino man ang makakita ay mahuhumaling at masisilaw sa halaga. Gintong susi ng mga Hatotokanan. Nilakbay ko muli ang kagubatan ngunit ang bumungad sa akin ay ang ilog na kalmadong dumadaloy sa ihip ng hangin. Walang matatayog na gusali at nagliliparang sasakyan. Ako nga ba ay nahihibang? Kelan ma'y hindi ko pa nasisilayan ng buo ang susi na nasa bulsa ko. Hinugot ko iyon palabas at nakita ang kumikinang na bagay dahil sa sikat ng araw. Lubtaw. Iyon ang mga letrang naka-ukit sa susi. Sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Totoo ang isla, ang mga Amsik, si Asmaka at ang mga Hatotokanan. Ngunit bakit kahit isang bakas ay wala akong masilayan sa harapan? Lumubog na nga ba ito nang tuluyan?
VII. Ika-pitong Pahina
Hindi. Naniniwala akong nakatayo pa rin ang Timog at Hilagang bahagi ng Lubtaw sapagka't ang mga ito ay nakasalalay sa susi. Tuluyang nasira ang linya ng kamatayan kaya naniniwala akong may iilang Hatotokanan na nakaligtas at nakatakas bago gumuho ang ilang bahagi ng isla. Sa kabila nito, ay may iilan pa ding nasa loob ng selda at tinitiis ang hagupit ng mga Amsik sa Hilaga. Ang susi na isang beses nang napasa-akin ang magbubukas sa kayamanan ng Lubtaw. Kamay lamang ng isang Hatotokanan ang makapagbubukas sa pinto ng mga ginto kaya't ginawa nila itong mga alipin at puwersahang pinasunod sa kanilang nanaisin. At ngayon ay ibinabahagi ko sa iyo ang sikretong nakalap ko sa aking paglalakbay. Sa paggugol mo ng oras sa pagbabasa ng talaarawang ito, nais kong sabihin na nasa kamay mo na ang susi ng Lubtaw.
At ang pagtatakda ko ay nagsimula na. Kung may paghihinala at takot sa iyong puso, balikan mong muli ang lahat ng nakatala at suriing mabuti ang bawat salita. Nasa harap mo na ang mapa tungo sa pagkakakilanlan. Inuulit ko, nasa iyo na ang susi ng Lubtaw. Marahil ako ay nasa ilalim na ng lupa, nililisan na ng mga uod sa pagkaubos ng mga laman habang hinahagod mo ang mga mata sa bawat titik dito. Sa kalaunan ng panahon, ano pa kaya ang mga taong nasa selda ngayon sa Timog? Ano pa kaya ang mga panaghoy sa gabi-gabing paghihinagpis ng mga taong inalipin na dapat ay nagmamay-ari sa tunay nilang karapatan? Lisanin mo ang iyong kinalalagyan. Lakbayin mo ang kahabaan ng daan ano pa man ang humarang. Tahakin mo ang lugar na kinauukulan ng nararapat. Ilabas mo ang iyong mga tao sa matagal nang pagkakagapos sa malamig na mga bakal.
'Sa dulo ng bahagharing binabantayan ng mga nilalang na puting kabayo na may sungot sa bandang gitna ng ulo.'
Maglakbay ka katulad ng mga manunulat na humahanap ng tamang salita para sa isang aklat. -Marie Audelia
ns 15.158.61.51da2