Labing pitong taon siya nang makilala ang kanyang unang pag-ibig. Subalit hindi ito tulad ng nasa telenobela o 3rd rated na libro na madalas basahin ng mga katulong sa mansyon. Hindi nakakasabik, walang sparks, walang slow motion, at sa kanyang dismaya, walang nakakakilig na konprontasyon sa ulan. Dumating ito na parang kidlat sa mapayapang tanghali na nasundan ng hindi inaasahan na malakas na ulan. Sa kanyang obserbasyon isa itong maputik, makalat, nakakainis, pero payapa at nakakakilabot. Isang karanasan na hindi maipaliwanag sa isang salita dahil sa kanyang mababaw na bokabularyo.
Madalas siyang humihiling sa kanyang bathala na sana 'di na tumigil ang ulan, kahit hindi niya ito gusto. Alam niya na sa huli ay kailangan lumisan ng ulan pero bulag-bulagan pa rin umasa na baka magkaroon ng himala sa kanilang k'wento. Alam niya rin na hindi totoo ang himala. Alam niya rin na niloloko niya nalang ang kanyang sarili. Anong magagawa niya maliban sa umasa?
Subalit may hangganan din ang kanyang kahibangan. At masakit itong nagwakas. Ang kanyang pag-ibig ang pinaka mainam na representasyon ng pag-ibig sa maling oras, isang malinaw na trahedya. Isang ligaw na salita sa isang pahina, kung kanyang ilarawan.
Hindi siya handa sa pagdating nito dahil labing pitong taong gulang lamang siya at napakalupit ng mundo.
Yoshio 12/06/22