Si Rael, Raycaelian Lauchengco Wenceslao ang buong pangalan, ay ipinanganak noong Nobyembre 02, 2002. Araw kung saan nahulog ang isang bus habang binabalagtas ang tunay sa Roxas, Isabela. Siyam ang namatay. Subalit ano ang kinalaman ng pagkamatay ng ibang tao sa kapanganakan ni Rael? Wala. Kailangan ba niyang magluksa para sa ibang tao sa kanyang kaarawan? Ang sagot hindi rin. Hindi kasalanan ni Rael na namatay ang mga tao noong panahon na iyon. Alam niya. Pero hindi niya magawang magdiwang sa kanyang kaarawan. Tila lamay kung magluksa ang mga tao at laging laman ng usapan ang aksidente sa harap ng hapag. Tinuring iyon ni Rael bilang parusa sa bagay na hindi niya kontrolado. Ang konsensya na nakasunod sa kanyang pagsilang.
Noong Pitong taon gulang palang si Rael madalas niyang isipin na sana nauna o nahuli ang kanyang kaarawan ng kahit isa lamang na araw. Pero dahil imposible, naging laman ng kanyang hiling sa bawat pag-ihip ng kandila ay makalimutan ang trahedya at mapalitan ng kasiyahan ang laman ng pagdiriwang. Pagdating ng kanyang ika-sampung taon pinilit niyang kalimutan ang kanyang kaarawan. Kinamuhian niya ang Roxas. Lumaki siyang malungkutin.
Pagtungtong niya sa edad na labing-dalawa, madalas niyang mapanaginipan ang pagkamatay ng kanyang alagang isda sa loob ng aquarium. Ang isdang iyon ay regalo ng kanyang ama noong sampung taon gulang siya. Nadatnan niya na lang isang araw na lumulutang ito at hindi na gumagalaw. Halos ilan oras niyang tinitigan ang patay na isda na walang bakas ng anumang emosyon sa kanyang mukha. Matapos ang insidente lagi nang laman ng kanyang panaginip ang malinaw na imahe kung paano siya unti-unting nalubog sa malamig na tubig at kung paano niya hinayaan ang sarili na lumubog nang hindi lumalaban. Naramdaman niya ang hindi maipaliwanag na kapayapaan sa ilalim ng tubig.
At Isang linggo matapos ang panaginip, muntik siyang namatay mula sa pagkalunod, kung hindi lang siya niligtas ng lalaki ay malamang patay na siya. Subalit walang nakakaalam ng pangyayari dahil tinago ni Rael ang naganap sa kanyang magulang. Hindi na nila kailangan malaman, depensa niya.
Kinamuhian niya ang Roxas at minsan ring sinumpa, ngunit heto siya ngayon, nakatira ilan kilometro lamang ang layo mula sa Roxas. At mukhang nagugustuhan na niya ang kanyang bagong kwarto na meron balkonaheng nakaharap sa luntiang dagat ng mga palay na kumikinang ng kulay dilaw tuwing umaga dahil sa sinag ng araw. Bihira lamang siya makakita ng palayan, kaya gayon na lamang ang kanyang pagkamangha sa payapang tanawin. Nakalakhan niya kasing makita ang mga naglalakihang gusali sa BGC o magulong kalsada ng Quiapo. Kumpara sa mga lugar na iyon ay mas nakakahinga siya ng maluwag dito.
Pagsapit ng alas sais y media nakatayo na sa harap ng pintuan si Rael, hinihintay ang pagtawag sa kanya ng katulong para kumain ng agahan, tulad ng kanyang nakasanayan sa NCR. Alam niyang hindi magandang ang nakagawian subalit hindi niya mabago.
Ang kanilang agahan ay binubuo ng tocino, itlog, tapa, at sinangag na kanin. At tulad ng mga nakaraang araw tahimik lamang silang kumain habang walang umiimik. Walang nais magsikap na kilalanin ang isa't isa o magsimula ng usapan. Alam ni Rael na tulad siya ng puting damit sa kumpon ng mga dekolor na labada. Ang presensya ay sapat na upang maging hindi komportable ang tao sa tirahan kaya't ayaw na niyang dagdagan. Hinatid siya ni Kuya Alec sa kanyang paaralan matapos magsipilyo.
Ang kanyang paaralan ay matatagpuan sa Roxas. Iyon ang pinakamalaking pampublikong paaralan ng sekondarya doon, alumni rin ng paaralan ang kanyang lolo at lola. Ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit pinili niyang mag-aral doon. Sa katunayan mas gusto ng kanyang mga magulang na mag-aral sa pribadong paaralan kung saan mas kaunti ang estudyante. Pero gusto niya lamang maranasan ang normal na buhay, at hindi kailangan makipagsabayan sa anak-yaman. Gusto niya lamang mabuhay nang pangkaraniwan.
Dalawang linggo bago christmas break noong lumipat si Rael, masyadong huli para sa mga transferee. Pero hindi iyon naging kaso sa kanyang sitwasyon dahil kaklase ng kanyang ina sa sekondarya ang principal ng paaralan. Tulad ng madalas na sinasabi ng kanyang ama, "Pera at koneksyon ang solusyon sa lahat ng problema," at napatunayan na naman na tama ang kanyang ama sa pagkakataon na iyon.
Maliit lamang ang paaralan at maraming estudyante. Siksikan sa loob ng silid at walang sapat na kagamitan at pasilidad. Meron sariling banyo sa loob subalit hindi gumagana kaya't kung nais gumamit ng palikuran kailangan pa munang daanan ang dalawang gusali at gymnasium. Subalit ang kapintasan at kakulangan ng lugar ay nagbigay sa kay Rael nang kakaibang ginhawa, tila lumuwag ang lubid na nakapalibot sa kanyang leeg.
Sa loob ng maikling panahon naging sentro na siya ng atensyon sa paaralan ngunit nanatili pa rin siyang walang kaibigan at wala rin may lakas ng loob ang kanyang kaklase upang lapitan siya't kausapin. Meron kakaibang hangin na nakapalibot kay Rael na dahilan para magdalawang isip sila, isang malungkot at malamig na hangin. May hangganan na namamagitan na hindi p'wedeng lagpasan. Kaya hindi bumagay sa klase si Rael kahit na anong galing at talino nito, naulit lamang ang kanyang sitwasyon tulad ng nangyari sa kanyag pinanggalingan.
Kahit na gaano kakongkreto ang daan na nakahanda sa kanyang harapan, isa lamang rin siyang batang nalilito sa papupuntahan ng kanyang buhay, madalas rin naliligaw dahil walang siguradong destinasyon. Isang manok na walang ulo na patuloy pa rin lumalaban. Kaya Hindi niya maintindihan ang inggit maging ang mga papuring natanggap. Isa rin siyang taong tulad nila. Isang tao na maraming kapintasan at bahid.
Pansin ng lahat ang kakaibang katangian na taglay ni Rael, bagama't hindi ito napapasok sa anumang gulo. Madalas siyang napapalapit sa aksidente, o mas tamang sabihin na hinahanap niya ito. Isang siyang gamu-gamu na lumilipad sa paligid ng lampara upang hamunin ang apoy. Hindi iyon simpleng kuryosidad dahil hindi naman siya kailanman nagpakita ng interest sa anumang bagay, kung nagpakita man ay bihira lamang iyon at palipas. Isa itong kontrolado at sadyang kilos na nakatagilid sa delikadong intensyon. Ang kanyang mga guro ay nagsimulang mag-alala para kay Rael pero wala rin silang naitulong. Natatakot silang makialam.
Ang araw ay lumipas tulad ng malamig na hangin at tinangay ang lahat ng naganap na parang walang nangyari. Natapos siya sa Junior High na nangunguna sa klase kahit hindi valedictorian. Nakatanggap rin siya ng maraming medalya. Ngunit napansin ng lahat ang isang bakanteng upuan sa pangkat ng mga magulang at nawawalang imahe ng mga magulang ni Rael. Naging sentro si Rael ng usapan sa araw na iyon, napansin nila ang malungkot na parte ng kumikinang na buhay ni Rael.
--------
Yoshio Tomoe
17/07/2022 7:09 pm
193Please respect copyright.PENANAMet9SKzpK4