Chapter 2
"Ang tanga, Giana! Diyos ko ka talaga," anang ko sa sarili habang hinahanap ang wallet sa loob ng backpack. Bumabalik na naman sa isipan ko ang nangyari kanina sa locker room kung saan nahuli ako ng damuho na 'yon.
Hindi ko alam kung dapat ba akong makampante na hindi niya ako tinuro sa mga kaibigan niya kanina dahil paniguradong sa sobrang kadaldalan no'n ay naikwento rin naman niya nung wala na sila sa locker room.
But I should be happy, right? He spared me from all the stress! Kahit hindi naman ganoon ang katauhan ng Draven na 'yun dahil madalas siya pa nga ang pasimuno ng mga pang-aasar sa akin.
Nagpapakawala ako ng malalim na paghinga bago nakisuyong ipaabot ang pamasahe ko. Papunta ako ngayon sa Poblacion para kuhanin ang inuutos sa akin ni Mama na binili niyang mga damit sa kumare niyang taga-Santa Luciana. Kanina niya lang 'to tinawag bago ang dismissal namin at abonado pa ako. Wala nga akong perang dala at nangutang pa ako kina Celene para mabuo 'yung pambayad ko.
Tinatanaw ko ang tinatahak na daan ng sakay kong jeep. Puro ancestral houses ang parteng ito ng Maravilloso at hindi ko maiwasang mamangha dahil sa kagandahan ng mga bahay, minsan lang ako mapadpad dito kaya alam kong malayo na ako sa bahay namin. Ramdam ko na kaagad ang pagod ko mamayang pag-uwi dahil sa rush hour.
May masasalubong kaming jeep habang nakasilip ako sa bintana na mayroong malaking 'Dennis' na nakasulat sa may hood nito. Natameme tuloy ako at imbes na i-appreciate ang tanawin at masarap na hangin, lumipad ang utak ko papunta sa 'king crush.
I shake my head to throw away the unrealistic scenarios I'm starting to make inside my head. Pinapakilig ko na naman ang sarili sa pamamagitan ni Dennis na walang malay. Normal ba talaga na kapag nag-space out ay automatic lilipad ang isipan sa taong nagugustuhan? Hindi naman sa nagrereklamo ako, pero bakit kaya hindi na siya nawawaglit sa isipan ko?
"Hi, I'm Celene Estrada and I'm twelve years old! I like to read books and solving problems. Thank you!" Pumalakpak lahat ng nakarinig kay Celene matapos niyang magpakilala.
It was our first day as freshmen students, and like usual, the teacher asked us to introduce ourselves.
"I am Louis delos Reyes but you can call me Luigi for short, I'm the Mayor's son but I'm not proud of it, ha?"
"Share niya lang?" binulong ng katabi kong katatapos lang din magpakilala.
Napatingin tuloy ako sa kaniya kahit busy akong manood sa mga bago naming kaklase noon. Tanda ko ang pagkibit-balikat nito na may kasamang pag-irap.
"I really love Science to the point na when I was a little boy, I wanted to be a scientist... but you know, some things-"
"Daldal mo naman!" sigaw ng isang lalaki na susunod na sana sa kaniya.
Nagtawanan noon ang buong klase at kabilang na rin ako. Totoo naman kasi na madaldal 'yung bata.
"Mr! Wait for your turn," pagsaway ng aming teacher pero ang lalaking 'yon ay masyadong pabida kaya kahit nasa harap pa si delos Reyes ay umakyat na ito sa platform.
"This is Draven Velasquez speaking, and I'm from Canada, but I'm going to live here now. Thank you." Nag-bow pa ito na akala mo'y napakahaba ng sinabi niya.
Hindi ko nakuha ang kaniyang pangalan at ni hindi nga nag-function sa utak ko ang sinabi niya. Ngunit nung mga oras na iyon, batid kong matatandaan ko kaagad ang kanyang pagmumukha dahil tila punong-puno ito ng... ewan ko? Kayabangan?
"Uhm, okay? I...t-that's all," nagkanda utal na anang anak ng mayor sabay ayos sa kanyang salamin.
"Mr. Draven... hindi ka naman nagmamadali, are you?" pagbiro ng teacher namin na nagmukhang tensyonado. Bago pa makasagot ang kausap nito ay may kumatok sa pintuan namin at nung magbukas ito'y may iniluwa na isang teacher at isang lalaking naka-uniporme na halos kasing-tangkaran niya lamang.
"I'm sorry, Ms. Serrano? May hahabol pa daw na estudyante sa'yo. Cruz? Son of..." sabay nilang tinignan 'yung lalaki na nakatingin na sa loob ng classroom namin. Napalunok ako nung isang beses kaming nagkatinginan ngunit agad din itong lumipat ng tingin.
"Ah, oo! We were just waiting for you. Pasok ka..."
Kinilatis ko ang bagong lalaki na umagaw ng atensyon naming lahat. Matangkad siya at mayroong mapupungay na mga mata, parang bagong gising pa nga ito. May nakasabit na headphones sa leeg at ang mga kamay ay nasa loob ng bulsa ng kaniyang pantalon. Malinis siyang tignan at kahit hindi ako ga'no kagaling kumilatis ng tao, alam kong mayaman ito dahil sa kutis niya. Madilim nga lang tumitig, pero napakagwapo.
"Would you mind introducing yourself to your classmates, hijo?" nakangiting anang ng teacher namin. Sinilip ko si Yna sa gilid ko nung may nahulog siyang ballpen sa lapag ngunit agad ko rin itong binalik sa gwapong lalaki sa harap.
He smiled a bit before he talked. "Zup? Dennis Cruz."
I find myself reminiscing the first time I laid my eyes on him. Dennis.
Kung ano siya noon ay ganoon pa rin naman hanggang ngayon. I mean, nagbago naman na ang kaniyang itsura — syempre nagbinata na siya kaya mababago talaga 'yon, pero ang tinutukoy ko ay ang pananatili niyang misteryoso kahit ilang taon na ang lumipas.
Kung hindi lang din dahil sa mga kwento ni Anika (na kaklase niya at isa sa mga best friends ko) ay hindi ko naman siya makikilala kahit papaano.
Sobrang sarado ng pintuan ng buhay nito...
Kaya nga naiisip ko minsan kung kailan ako magiging parte ng buhay no'n. 'Yung hindi ko na kailangang sumilip kasi kusang-loob niya akong pagbubuksan ng pinto papasok sa puso niya.
Harot!
Mula sa babaan ng jeep ay lumalakad ako papunta sa direksyon ng simbahan. May trenta minutos pa akong bakante bago dumating ang kikitain ko sa isang sikat na fast food chain, wala naman akong pera para um-order kaya rito na lang ako magpapalipas ng oras. Baka sakaling ma-revoke na rin ang mga kamalasan na nararanasan ko sa araw na ito.
Tumatawid ako sa isang pedestrian crossing at nilalampasan ang hilera ng street foods sa gilid lamang ng simbahan. Paulit-ulit kong sinasabi sa isipan ko na wala akong pera at hindi ako pwedeng matakam sa masasarap na pagkain na 'yan.
Dumire-diretso ako sa loob ng simbahan at sa bungad pa lamang ay makikita na ang dami ng tao na bumibisita kahit weekday. Maswerte rin naman pala ako kahit papaano dahil nasaktuhan ko na walang kinakasal ngayon dito. Noong huling punta ko kasi e muntikan na akong mang-gatecrash sa pag-iisang dibdib ng dalawang inosenteng tao. Sikat kasi ang simbahan ng San Ildefonso sa mga taga-Maravilloso dahil ito ang pinakamatandang simbahan sa lugar namin.
Tahimik akong pumupwesto sa sulok malayo sa mga tao at piniling dito na lamang taimtim na magdasal. Inabot din iyong ng ilang minuto at kalaunan nang matapos ako at nagmulat ng aking mga mata ay saktong tumama ito sa isang pamilyar na lalaki.
Umuuwang ang aking bibig at halos magluwaan pa ang mga mata. What are the odds that I will get to be with him in one place two times in a row?
Na-manifest ko ba na mapunta siya kung nasaan din ako? Is he real?
Sinusundan ko ng tingin ang crush ko na naglalakad sa gitna ng simbahan papunta sa unahang mga upuan. Pinanonood ko ang bawat galaw niya at nang makitang naupo ito sa isang bakanteng hilera ay tumayo na rin ako kaagad para bahagyang lumapit sa pwesto n'ya.
Isang upuan lamang ang pagitan namin dahil ayoko namang masyadong lumapit. Baka mamaya bigla siyang mapalingon habang nakatitig ako sa kaniya!
Manghang-mangha ako sa mga nangyayari. Ngayon ko na lang ulit siya nakita sa labas ng campus namin. Alam ko nga ay malapit lang dito ang tirahan niya!
Nililingon ko ang isang matandang babae na nakaluhod sa gilid ko at medyo umusod para hindi siya maistorbo sa pagdadasal. Inaayos ko pa ang aking pagkakaupo, sunod ang buhok at damit. Kinakapa ko na rin ang mukha ko kung tao pa ba ang anyo ko. Okay pa naman!
Ginagaya ko ang ginagawa nitong pagluhod ngunit imbes na yumuko rin ay diretsyo lang ang titig ko sa likod niya. He's still wearing our uniform. Kahit nakatalikod e napakalinis pa rin niyang tignan, ni walang lukot sa polo niya at animo'y pinaliguan ng fabric detergent dahil kahit malayo ay alam mong mabango!
Halos maisubsob ko ang sarili nang biglang tumayo si Dennis. Namawis kaagad ang palad at noo ko dahil doon!
Nagulat ako, aba!
Gumigilid ako para itago ang aking mukha. Ang tulin naman kasi ng Dennis na 'to, e! Or baka lutang lang ako at 'di na namalayan ang paglipas ng oras?
Bahagya akong sumisilip para i-check kung nasaan na ba siya habang hinihiling na sana nakaalis na ito nang hindi ako napapansin.
Fail! Hindi pa rin siya umaalis!
Sinusuot pa lang niya ang kaniyang bag at napapansin ko pang nasa 'king gawi ang kaniyang mga mata. Nanlalamig ako lalo nung nagsisimula na itong maglakad ngunit hindi pa rin inaalis ang kaniyang atensyon dito sa pwesto ko.
Ano? Lalapitan ba niya ako? Namukhaan ba niya ako? Ano?
I shut my eyes tightly.
"Ang tibay mo rin talaga, 'no? Nahuli ka na kanina, uulit ka pa?" Mahinang anang ng isang lalaki na sinundan ng halakhak sa bandang likod ko. Hindi ko iyon pinansin kahit parang nakikilala ko ang boses. Masyado akong kinakabahan sa paglapit ni Dennis para punahin pa ito.
May mabigat na kamay na pumapatong sa aking likod dahilan para mapaigtad ako. Nililingon ko kaagad iyon at saka tinitingala ang lalaking may malaking ngisi sa labi. Akala ko manyak kaya marahas kong itinataboy ang kamay niya sa balikat ko.
Ikaw rin?!
Nangungunot ang kaniyang noo at nawawala na ang bakas ng kasiyahan sa mukha. "Aray ko! Denn-" mabilis akong tumatayo para takpan ang bibig nito.
"Ang lakas ng boses mo," sinasambit ko nang may panggigigil. Kaunting panlalaban lang nito ay agad din siyang nakawala sa hawak ko.
"Ano ba 'yan, Giana! Ang dumi ng kamay mo! Ew!" maarteng pagrereklamo ni Draven.
I roll my eyes and sneer at him. Pinupunas ko sa damit niya ang nahawakan kong laway nito dahil sa panlalaban niya kanina. Hindi ako katulad nitong feeling malinis at napakaarte!
"Dra," Dennis calls his name.
Nakangiwi pa ako ngunit automatic ding bumait nang tuluyan nang nakalapit sa amin ang crush ko. Tinititigan ko nang masama si Draven na na-activate na naman ang mapaglarong ngisi sa mukha. Kinukuha ko na lang ang bag ko bilang paghahanda sa pag-alis habang si Dennis ay nakatayo sa dulo ng upuan kung nasaan ako.
"Dennis! 'Tol! Nandiyan ka pala?" Draven playfully nudges me before chuckling.
Gusto kong balugbugin si Velasquez, 'yung tipong 'di na siya makakabangon pa!
"Kasama ko nga pala girlfriend ko. Say hi naman diyan, mahal ko," he teases.
Pwede naman sigurong pumatay ng tao kahit once lang?
"Mahal mo mukha mo." I roll my eyes again sabay aksidenteng napatingin kay Dennis.
Natutulala ako nang slight nung mapansin ang malapad na ngiti ni Dennis na nakikita ang naka-braces niyang ngipin. I bite my lips inward to contain my feelings! Diyos ko! Napakagwapo lalo na sa malapitan!
Umiiling-iling ito. "Baka hinihintay ka na nina Kyle. Mauna na muna ako sa inyo. Giana..." tumatango pa siya sa akin bilang pamamaalam.
Kung wala lang siya sa harapan ko siguradong kanina pa ako hinimatay dahil sa mga paa kong kulang na lang ay bumigay rin! Ngumingiti lang din ako sa kanya.
"Sige. Alis ka na. Bye," ani Draven sa kaibigan habang kinakalabit ako.
Sinusundan ko ng tingin si Dennis at hinintay muna siyang makalabas ng simbahan bago ko binalingan ang katabi kong mapapel at pinaghahampas ito.
Napaka walang hiya! Naiirita ako sa pagkatao niya!
Patawa-tawa pa siya habang sinasanggi ng braso ang mga medyo bayolenteng hampas ko.
"Ako? Girlfriend mo?" Nililinga ko ang mga tao sa simbahan to make sure na hindi nakakaagaw ng atensyon ang boses ko. "Umayos ka! Kapag si Dennis naniwala sa'yo, sinasabi ko lang talaga!" asik ko at nagsimulang maglakad paalis.
Kailangan ko nang lumayo sa Draven na 'to bago pa ako mamisikal nang todo!
He sneers at me. "Sus, Giana. Hindi 'yon maniniwala saka wala naman siyang pake kung tayo talaga. Kasi, bukod sa wala siyang pake sa'yo, wala talaga siyang gusto sa'yo, saka wala siyang pake sa'yo. Ay, nasabi ko na pala 'yon."
Sinusundan ulit iyon ng halakhak niya kaya pinanlilisikan ko siya ng mata. Halatang gustong gusto nito na inaasar ako. Kakaiba ang nabibigay nitong kasiyahan at contentment sa mukha niya.
Buti hindi ito nagiging abo sa loob ng simbahan, ano?
"Tse! Umalis ka na nga rito! 'Di naman tayo close!" pagtataboy ko sabay lakad palabas ng simbahan. Naririnig ko ang pagmamadali nitong sumunod sa akin.
"Ay, sus. Gaano ba ka-close gusto mo?" Dumidikit siya sa akin at sinasabayan pa sa paglalakad.
Yuck!
Tinutulak ko siya. Para siyang lasing na hindi ko mawari dahil sa ulo niyang paiba-iba ng direksyon habang tumatawa.
"Arte mo talaga. Ikaw nga ang dapat kong paalisin dahil isa kang malaking stalker!" Nag-make face pa ang lalaking matured matapos sabihin iyon.
Tinutulak ko ulit siya nang may nanlalaking mata. Bumabalik na naman sa akin ang pagkikita namin kanina sa loob ng locker room. I knew it! Akala niya talaga stalker ako!
"Excuse you! I am not a stalker!" I say, defensively. "Natataon lang na nasa iisang lugar kami ni Dennis!"
Umiiling ito kahit nakangisi pa rin. Humihinto kami sa paglalakad ilang metro palabas ng gate. "Sinabi ko bang si Dennis ang sinusundan mo? Ako kako!"
Umaakto ako na nasusuka dahil sa sinabi ng mayabang na Draven na ito. Still so full of himself!
"Asa ka, Draven. The world does not revolve around you. Nasa iisang lugar lang tayo kaya malamang magkikita talaga tayo!"
Umaarko ang kaniyang kilay habang ngumunguso. Ang mga mata niya'y may pinaparating at tila ba nang-aasar.
"Hindi nga ako stalker!" pagtatanggol ko sa sarili. He's teasing me even more by making annoying faces. "Coincidence lang nga!"
"Ba't ang defensive mo kung ganoon?" he mocks.
"Kasi totoo naman 'yung sinasabi ko!" I defend.
Pinaglalaruan nito ang dila niya at lumilinga sa paligid bago muling ibinabalik ang mga mata sa akin.
Hindi ko rin alam bakit kinakausap ko pa ang baliw na 'to.
"Okay, sabi mo e," aniya pero ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha, nang-aasar. "Gusto mo bang isumbong na kita? Hanggang ngayon crush na crush mo pa rin si Dennis. Pasalamat ka riyan hindi kita binubuking."
Hindi raw binuking pero dati pinagsigawan niya pa sa classroom habang nagre-recite ako!
"Kahit ipagkalat mo pa ngayon," binubulong ko sabay iwas ng tingin.
Pinipirmi ko ang mahabang buhok sa aking dibdib at pinagkrus ang mga braso. Ayokong magtunog defensive at magpaliwanag pa dahil lalo niya lang akong pagbibintangan.
"Ano kamo? Ipagkalat ko?" Hinahabol niya ang tingin ko. "Ay, sige... gusto ko 'yan!"
Agad akong umiiling. "Joke lang!"
"Walang joke-joke!" Humahakbang na siya kaya mas nauna 'to sa akin. Wala sa sarili ko siyang sinusundan.
Hindi ko na maalala kung paano nalaman ng Draven na 'to na may gusto ako sa kaibigan niya. Basta isang araw, inaasar na lang niya ako kay Dennis tapos bina-blackmail niya ako na ipagkakalat niya na may gusto ako ro'n.
Hanggang ngayon, 'yun pa rin ang pinanghahawakan ng panget na 'to. Hindi na ako naniniwala! It's been three years na kaya! Kung gagawin talaga niya, dapat dati pa.
"E 'di ipagkalat mo na talaga! Wala namang maniniwala! Ang tatanda na natin!"
"Walang maniniwala na syota kita? Ipagkakalat kong girlfriend kita, hindi ba iyon ang inaalala mo kanina?" he says while grinning boyishly.
I look at him with disgust. "Bahala ka na nga sa buhay mo."
Naalala ko bigla 'yung kikitain ko.
Nasa labas na kami ng simbahan malapit sa mga street vendors at wala akong makitang orasan. Nililingon ko ang lalaki sa aking gilid para silipin kung may suot ba itong relo ngunit mas napansin ko na hindi na pala siya naka-school uniform. Naka-basketball shorts na siya at may pantaas na gray na t-shirt na hapit... pero wala namang bumabakat.
Wala!
Iniiwas ko ang tingin ko sa kanyang katawan. Matangkad sa akin ang lalaki pero hindi naman sobra na nagmumukha na akong dwende. He has the same height as Dennis, medyo mas malaki lang ang katawan nitong mayabang sa tabi ko.
"Anong oras na?" pagtatanong ko dahil siya ang may hawak ng cellphone.
"Bakit?" he asks while playing with his tongue. He still has that playful look on his face.
Dami namang commercial nito!
"Sabihin mo na lang!" iritado kong asik.
Iniismiran ako nito pero sumusunod din naman. "Mag-a-alas singko. Bakit nga?"
Nagsisimula na akong maglakad papalayo sa kanya nang hindi nagpapaalam. Patay ako kapag hindi ko nakuha 'yong pinapakuha ni Mama!
"Hoy, hintay!"
Lakad-takbo ang ginawa ko hindi para maabutan 'yung kikitain ko kundi para matakasan si Draven! Nakasunod na naman!
"Wait up!" sinisigaw pa niya.
Never!
"Giana, saglit lang! Wallet mo, nahulog!" he yells.
Napapahinto niya 'ko dahil do'n. Lumilingon ako sa kanya nang hingal na hingal. Hawak-hawak niya nga ang pink na coin purse ko na sa pagkatatanda ko'y nasa bulsa lamang ng aking bag. Paano mahuhulog 'yon?!
I motion my hand. "Akin na!"
Humahakbang ako pabalik at siya nama'y umatras palayo sa akin. He then gives me an evil grin.
"Habulin mo muna ako," he says in a lilting voice at tumatakbo na pabalik sa simbahan.
Nasapo ko ang noo ko sa inis. Doon nakalagay lahat ng perang dala-dala ko! Hindi ko mababayaran 'yung inutos ni Mama!
"Draven! Akin na 'yan!"
Ang hirap talagang makipag-asaran sa sira ulo. Ang dumi niyang maglaro!
Nakikipaghabulan ako kahit alam kong imposibleng maabutan ko siya. Nasa gilid kami ng kalsada at may mga dumadaan pang sasakyan! Hindi pa ako handang mamatay lalo na kung siya ang dahilan!
"Ang bagal!" pang-aasar niya habang winawagayway ang coin purse sa ere at tumatakbo pa rin,
Maabutan ko lang talaga ang isang 'to at sisiguraduhin ko na hindi na siya makakauwing buhay.
Umiikot ito at tumatakbo na papunta sa 'king direksyon. Akala ko'y ibabalik niya na sa akin at napagod na siya kaya binagalan ko ang galaw hanggang sa tuluyan nang huminto.
Pero imbes na tumigil siya ay nilalagpasan lamang ako! Huli na bago ko pa mahawakan ang abnormal na 'yon!
"Magnanakaw!"
Maraming taong napapalingon sa amin pero ni isa ay walang sumasaway. Wala man lang ni isang concerned citizen!
"Siguro bakla ka talaga! Akin na nga 'yan!" I shout.
Pinapanood ko itong tumatakbo habang humahabol din sa kanya. Humaharap ito sa akin nang may nangungunot na noo. His hair is bouncing in the air as he runs.
He looks so offended dahil sa tinawag ko sa kanya. "Anong bakla? Whatever, Giana! Ikaw naman, stalker!"
Nagpapadyak ako sa galit. "Bakla ka talaga! 'Di ka na naawa sa akin! Akin na 'yan at napapagod na ako, Draven! May babayaran pa ako. May kikitain ako! Bilis na kasi!"
Matigas ang ulo nito at nagawa pang tumawid papunta sa kabilang kalsada papuntang palengke. Kinakapos na ako ng hininga nung huminto ako sa pagtakbo at dinuro siya.
"Akin na 'yan! I-a-uncrush ko na si Dennis kung iyon ang gusto mo!"
Tuloy-tuloy na dumaraan ang mga sasakyan sa gitna. Rush hour. Hindi ko magawang tumawid dahil ang bibilis nilang magpatakbo at baka mahagip ako. Tumitingin ako sa paligid at mukhang nakakaistorbo na 'ko ng mga taong dumaraan at nagtitinda ng gulay sa bangketa.
"Tumawid ka, bilis!"
Mapang-asar na dumila sa akin ang Draven na 'yon nung ibinabalik ko ang tingin sa kanya. Naiisip ko na kung gaano siya kademonyo at kung gaano niya talaga ako gustong patayin!
I groan in frustration. "Naiinis na ako sa'yo! Gusto mo ba akong patayin, ha!?"
Iiyak na talaga ako rito. Isang technique na proven and tested.
Dumidila pa ito lalo. Para siyang bata na walang pwedeng umawat. Sayang ang itsura nito dahil sa babaw ng utak niya!
"Tumawid ka muna saka ko ibibigay sa'yo!" he teases.
Confirmed! Papatayin niya talaga ako!
"I hate you!"
Nagkikibit-balikat siya habang ibinabato sa ere ang aking wallet. Pinaglalaruan niya na 'yon. Kinakagat ko ang aking labi nang sobrang diin habang tinititigan nang masama ang lalaki.
Chine-check ko muna ang kalsada kung may sasakyan bang daraan at nung masiguradong cleared na ang lahat ay isinusugal ko na ang buhay ko.
Nakakadalawang hakbang pa lamang ako nang may biglang may bumubusina sa akin na halos magpahiwalay ng kaluluwa ko sa aking katawan. Tumitili ako at kaagad na umatras habang nanlalamig ang buong katawan.
"Magpapakamatay ka ba!?" sinisigaw ng babaeng nagmamaneho.
What?!
S'ya itong humaharurot! Tumatabi ako at pinakiramdaman ang puso na triple ang pagtibok!
"Giana!"
May isang likod na biglang humaharang sa aking paningin. "Miss, hindi 'to highway! Kitang-kita ko kung paano kayo humarurot. Pedestrian lane 'yan, oh! Magdahan-dahan kayo't hindi niyo pagmamay-ari ang kalsada!"
Sumisilip ako at nakita 'yung babae kanina na nanlilisik ang mga mata. Kinakapitan ko ang damit ni Kuya at hinatak iyon.
"Hala, Kuya? Awat na, okay lang ako!"
Hindi ako pinapansin ng kapatid ko na parang kabuteng lumitaw.
"Ayusin niyo ho 'yang pagda-drive ninyo. Hindi 'yung kayo pa may ganang manigaw e kayo na nga 'tong muntikang makapatay!" Galit na pakikipag-usap ng kapatid ko sa babaeng nakalawit ang ulo sa bintana ng sasakyan.
Mas lalo kong hinahatak ang kanyang damit at kinukurot na rin sa braso para tumigil na siya.
Eskandaloso rin, e!
"Halika na, Giles. Buhay pa naman ako," anas ko sabay paghingi ng tawad sa driver. "Pasensya na po! Hindi na po mauulit!"
"Huwag mo 'kong ma-Giles diyan, Giana. Bakit ka ba nandito?!" Ako na ngayon ang pinanlilisikan ng mata ng kuya ko nung humarap siya sa 'kin.
Bago ako mag-inarte ay nakita ko pa ang pag-alis ng sasakyan na iyon. Napapayuko na lang ako. Bakit ba nandito rin s'ya? Isusumbong lang ako nito kay mama e!
"Kaya dapat lang talaga na hatid-sundo ka na sa school!" pabulong na anang nito pero may diin.
I immediately react. "Kuya, ano ba?! Buhay pa nga ako!"
Hinahawakan niya ako sa braso kaya hindi na ako nakapalag pa. "Paano kung wala ako rito? E 'di kinayan-kayanan ka ng babaeng 'yon?"
Sumisimangot ako.
Wala akong kasalanan dahil bago ako tumawid, tumingin muna ako sa kaliwa at kanan pati sa harap kaya inosente ako! Si Draven, siya ang may balak na patayin ako!
Nililingon ko ang pwesto niya kanina at kung sinuswerte ka nga naman ay na-hit-and-run ako ng lalaki.
Mahina akong binabatukan ng aking kapatid kaya bumabalik sa kanya ang atensyon ko.
"Nasaktan ka ba? Ba't ka ba kasi nandito? Sino'ng kasama mo? Nasaan sina Yna? si Celene? si Anika? Bakit mag-isa ka?"
May hint na ng pag-aalala ang kaniyang boses. Namumutla nga rin ito kanina.
"Isa-isa lang tanong mo. Mahina kalaban," I joke, but he takes it too seriously kaya nakakatikim na naman ako ng pamamatok pero mas malakas na ito ngayon.
"One, Giana," pagbabanta niya.
Agad akong sumasagot. "Inutusan ako ni Mama na kunin 'yung binili niya. Late na nga ako, eh..."
"Ano naman 'yon?"
Inilalabas niya ang kaniyang phone samantalang ako'y ibinabalik ang mga mata sa kabilang kalsada. Nawala bigla si Draven!
Mag-a-alas sais na nang makababa kami ng jeep. Nauuna akong maglakad papasok sa isang street kung saan nando'n ang aming tahanan. Hanggang sa loob ng jeep pinagsasabihan ako ni kuya, kulang na lang tirisin niya ako dahil sa gigil niya sa nangyari.
Katulad ng lagi kong ginagawa ay iniiwasan kong tumingin sa bakanteng lote na maraming puno ng mangga sa tabi ng aming bahay. Ayon kasi sa chismis ng kapitbahay, madalas daw silang nakakakita ng lalaki na nakaupo sa taas ng puno at nagmamasid. Kinikilabutan ako diyan magmula bata ako at hindi na natanggal pa sa akin.
Pagkabukas ng gate ay tumatahol na kaagad ang aso naming si Archie na nakaupo sa may pintuan.
"Hi, Archie!"
Ngumingiti siya sa akin at mukhang masaya na makita ako. Tama lang iyan kasi ako ang nagpapakain sa kanya!
"Nag-behave ka ba habang wala kami? Baka may sinira ka na naman sa loob, ha?"
Nauupo ako sa harap nito at pinanggigilan ang balahibo sa kaniyang mukha. Tumatahol naman siya bilang sagot. Madalas siyang mapagkamalang masungit dahil sa lahing siberian husky pero mabait naman siya lalo na kapag nilalaro at nilalambing.
Nakalawit ang dila nito habang nakikipagtitigan sa 'king mata. Hinahalikan ko siya sa ulo bago tumayo.
Mukhang pumanik na kaagad si Kuya sa kwarto niya na medyo nakapagpaluwag sa paghinga ko. Naabutan ko si Papa na as usual ay nakaharap sa kaniyang laptop habang ang TV ay naka-on at nanonood ang bunso kong kapatid ng cartoons. Si Mama naman ay malamang nasa garden o kusina.
Nagmamano ako kay Papa pero busy siya sa harap ng laptop niya kaya hindi na niya ako nililingon. Si Giselle naman ay dumidila lang sa akin kaya gumaganti rin ako sa kaniya.
Nagpasya akong pumanik nung maalala na may dahilan para mapagalitan ako nina Mama, kaso pinababa lang din nila ako matapos ang ilang minuto at sabay-sabay nagpangaral sa akin.
Such a lovely day for me.191Please respect copyright.PENANAVNsFuT5zxi