Chapter 9
"Mama!"
Sa pang-ilang pagkakataon ay muli kong pinagpipipindot ang doorbell at kinakalampag ang gate ngunit tanging pagtahol lang ni Archie ang naririnig ko mula sa loob.
"Mama, pagbuksan niyo po ako! Giselle!"
Gigil na gigil kong pinipindot ang doorbell sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Wala pa rin. Usually magte-text sa akin si Mama kung aalis ba siya dahil alam niyang iniiwan ko talaga ang kopya ko ng susi sa bahay dahil lagi naman silang nandito.
"Mama, si Giana po ito!"
Napaupo ako sa lapag pagkatapos ang ilang minuto ng patuloy na pagkatok. Kung alam ko lang na wala akong aabutang tao pagkauwi e 'di sana hindi muna ako umuwi at tumambay muna sa school. Kakamutin ko sana ang ulo ko dahil sa iritasyon ngunit nakaramdam ako ng kaunting kirot doon kaya pinipigilan ko.
Pinili ko na lang na huwag sabihin sa mga magulang ko ang nangyari dahil hindi naman ito gano'n ka-big deal, saka kapag nalaman pa 'to ng kuya ko, baka dalhin lang ako no'n sa ospital dahil sa sobrang praning niya.
Gusto kong maiyak habang tinitignan ang gate namin na nakasarado. Trenta minutos na magmula nung makauwi ako pero hindi pa rin ako nakakapasok! Kung saan-saan na napapadpad ang utak ko kakaisip kung nasaan ba sila o kung may nangyari na ba kahit malamang ay umalis lang talaga sina Mama at nakalimutan ako.
Nakanguso ako habang binubunot ang mga ligaw na damo sa harap ng bahay namin. Marami naman akong pwedeng puntahan kaysa nagpapasipsip ako sa mga lamok. Inaayos ko na lamang ang aking sarili bago naglakad papunta sa sakayan ng tricycle.
"Kuya, sa may Santa Miranda po," sambit ko sa tricycle driver at prente nang nauupo sa loob.
Matagal ko nang pinaplano na bumalik sa paborito kong tambayan pero hindi ko inaasahan na ngayong araw na ito mismo. Kinukuha ko ang aking cellphone upang magtipa ng mensahe para sa kaibigan ko. Wala pang dalawampung minuto ay nakarating na agad ako sa aking destinasyon.
Tahimik ako habang tinatanaw ang malaking gate na pinagbabaan sa akin ng driver. Mukhang wala namang masyadong mga tao sa loob ng garden dahil nga weekday ngayon. Tinatalikuran ko ang entrada para harapin naman ang malaking lupa sa 'di kalayuan na hinaharangan ng mga metal fence — palatandaan na nasa pinakadulo na kami ng aming bayan.
Tuluyan na akong tumatawid at naglalakad papasok sa isang kalye. Limang minuto rin akong naglakad mula sa kanto bago ako nakarating sa isang restaurant na dinadayo rito sa Maravilloso. Agad kong nginingitian si Tita Hillary pagkapasok sa restaurant na mukhang nagugulat pa sa pagkakakita sa akin.
I wave my hands.
"Gi!" Ibinababa niya ang hawak na puting basahan para masalubong ako ng yakap. "Ang tagal mong 'di nakadalaw!"
Yumayakap na rin ako pabalik kahit medyo nahihiya na. Malapit na kaibigan ng mga magulang ko si Tita Hillary na may-ari ng restaurant na ito.
Sinisipat nito ang mukha ko nung magkahiwalay kami na parang naghahanap ng mga nagbago sa akin. Mas lalo pang lumalapad ang ngiti ko. "Sorry po, Tita. Busy na po kasi ako sa school..."
Ito ang unang beses sa taong ito na dumalaw ako sa kanila. Lahat kasi ng oras ko ay napupunta na sa pag-aaral o hindi kaya sa pagpapahinga.
She purses her lips while still looking at me with awe, like she's remembering something. "Kamukha mo na lalo si Mindy, Giana. Ang ganda-ganda. Na-miss kita dito. Ano'ng year mo na ulit? Teka, maupo ka muna riyan at tatawagin ko si Nanay para makita ka. Lagot ka roon at matagal ka na niyang hinahanap!"
Tumango-tango naman ako at 'di sinasadyang napapatingin sa mga customer na parang hinuhusgahan ang presensya ko. Agaw-atensyon pala ang entrance ko kaya nauupo na lang ako sa isang two-seater table at dito naghihintay. Hindi naman nagtagal nung lumabas na rin ang ina ni Tita Hillary mula sa kusina para bumati sa akin. Pinanggigigilan pa ako nito dahil nga sa ngayon lang ulit kami nagkita-kita, at katulad ng sinabi ni Tita ay pinunto rin ni Nanay Edith kung gaano ko kakamukha si Mama.
"Naaalala ko tuloy noong pinagluluto ko ang barkada nila, si Mindy lang iyong tahimik at 'di makabasag-pinggan pero kahit ganoon tila palagi pa rin siyang napapansin!"
Ngumingiti ako habang nakikinig sa mga kwento ng matanda. Siya na rin ang nagsilbing lola ko rito sa Maravilloso since wala na ang mga totoo kong lolo at lola sa parehong side ng mga magulang ko.
At dahil alam nila kung gaano ko kapaborito ang mga pagkain dito, nilalapagan ako nina Tita at Nanay ng kung ano-anong mga pagkain sa lamesa ko.
Parang okay na pala na wala si Mama sa bahay!
"Nicolasia!" rinig kong pagtawag sa akin ng isang lalaki na kakapasok pa lamang sa pintuan ng resto.
Ngumunguya pa ako nung lumalapit ito at agad akong ikinukulong sa bisig nya. Naririnig ko pa ang pagsaway sa kanya ng mga matatanda pero parang wala lang iyon sa kanya dahil sa higpit kung yumakap!
"Troy!" Hindi ko magawang ibalik ang intensidad ng yakap nito kaya tinutulak ko na lang siya. "Ano ka ba! Na-miss mo naman ako masyado!" panghahamak ko.
Humaharap siya sa akin nang may malapad na ngiti. "Sobra, pare! Ang dami kong ikukwento sa 'yo! Ngayon ka lang kasi dumalaw na impaktita ka!" aniya pagkatapos ay kinukurot naman ang aking pisngi.
Pinagmamasdan ko ang mukha ng nag-iisa kong lalaki na matalik na kaibigan. Matangkad ito at payat ang pangangatawan, para bang stick kung pagmamasdan sa malayo.
"Galing kang school?" Inaayos ko ang magulo nitong kwelyo. May sinasabi sina Tita na hindi ko masyadong marinig dahil kay Troy na maligalig sa upuan.
"Umuwi ka ba kaagad dahil nag-text ako? Ikaw talaga, mahal na mahal mo ako, ah?" Sinusundot ko pa siya sa tagiliran kaya napaiigtad ang loko.
"Tungaw. Alam ko kasing papakainin ka ni Nanay kaya manginginain din ako. Alam mo bang never ako nalibre dito?!" aniya habang nagtatanggal ng backpack. Bumabaling ito kina Tita Hillary at Nanay Edith na may pinag-uusapan habang nakatayo sa harap ng lamesa namin. "Nay! Pahingi din naman ako ng pagkain! Pahingi ng kare-kare, sige na, please?"
Natatawa na lang ako habang pinagmamasdan pa siya. Mas matanda ito nang isang taon sa akin kaya nasa kolehiyo na siya. Kahit hindi kami madalas magkita nang personal, palagi ko naman itong nakakausap sa text, chat, at paminsan-minsan sa call kapag bored siya at may gustong ikwento o ipakwento sa akin.
Dahil nga magkaibigan ang mga magulang namin ay parang kapatid ko na ito.
"Marami kang utang na kwento sa akin," aniya habang nakakapit ako sa kanyang braso. Naglalakad na kami papunta sa garden para magpababa na rin ng kinain.
Inilalagay ko lahat ng bigat ko sa kanya. Nahihirapan ako maglakad dahil sa sobrang kabusugan.
I raise an eyebrow. "Ano namang ikukwento ko, aber?"
"Tungkol sa crush mo? Ano ba'ng pangalan no'n? Daniel?" anito na hindi ko malaman kung nagbibiro o talagang hindi niya maalala.
Umiikot ang aking mga mata. Sa daming beses kong nakwento sa kaniya si Dennis ay hindi pa rin niya matandaan ang pangalan nito!
I emphasize my crush's name. "Dennis! Napakalayo naman ng Daniel, ha!"
Tinitingala ko ang kaibigan kaya't nakikita ko ang kanyang pag-ngisi. "Ah, oo. Si Dominic."
Mahina ko siyang itinutulak dahilan para mapahagikgik naman ang loko.
"Alam mo ba na nakasabay ko siya sa elevator nung nakaraan," paninimula ko ng kwento habang kinikilig akong tumatawa. "Take note, kaming dalawa lang!"
Inaabangan ko ang magiging reaksyon niya habang abala rin akong bitbitin ang bigat na sanhi ng madami kong pag-kain.
He sneers at me. "Ang landi mo. Buti hindi mo 'yon napagsamantalahan."
Mabilis kong hinahampas ang braso nya at mas lalo pa siyang ginigitgit kaya pagewang-gewang na ang lakad namin. "Tangengot! Ano'ng 'kala mo sa akin?"
Nagtatawanan kaming dalawa sa gilid ng kalsada na parang mga baliw. Madalas napagkakamalan kaming magkasintahan dahil siguro ganito kami kalapit sa isa't-isa, as in 'yung literal na magkalapit.
Bumitiw na lamang ako sa pagkakakapit sa kaibigan nang nakarating na kami sa gate ng public garden. Jardín de Miranda ang nakasulat sa itim at malaking gate na halos matakpan na ng mga baging.
Dumaan kami sa maliit na gate sa gilid na nagsisilbing entrance. May iilang tao agad akong nakita na nasa loob, karamihan dito ay mga batang naglalaro o hindi kaya magkakasintahan na naglalampungan sa mga bench.
Puno ang lugar na ito ng mga bulaklak na iba't ibang klase. Maayos na nakakalat ang mga halaman at napakaraming mga puno sa gilid-gilid. Ang lapag ay puro damo ngunit sa entrance lang ang naiiba kung saan nakasemento.
May kalawakan ang garden na ito. Isa sa pinakamaganda, kung hindi ang pinakamaganda, na tanawin sa maliit naming bayan. Halos kalahati ata ng lupain sa Maravilloso ay bakanteng lote, gubat, o hindi kaya ginagamit pang-agrikultura. Pero itong garden na ito ang natatanging lupa sa Maravilloso kung saan pinapahalagahan ang mga halaman. Sa pinakagitna ay may rebulto ng isang babae na pinangalanang Miranda, ayon ito sa nakaukit sa paarkong bato sa may paanan niya.
Ayon sa sabi-sabi ng matatanda, pinagawa raw ang lugar na ito ng isang lalaki para sa kasintahan niya. Hindi raw nagkatuluyan ang dalawa kaya inabandona na ang lugar na ito. Ginawa na lang pampubliko para hindi tuluyang masayang. Kung ano mang panahon nangyari iyon ay hindi ko na alam.
Hindi ko mapigilang malungkot kapag naaalala ko ang kwento kung bakit nagkaroon ng hardin na ito. I hate love stories with sad endings. Ayoko ng nakakaramdam ng sakit.
Naglakad kami ni Troy palapit sa isang bench malapit sa rebulto ng babae.
"Medyo madaming tao ngayon," puna ni Troy habang tumitingin sa paligid bago inililipat ang mga mata sa kanyang relo.
"Madami na ba 'yan?" Sinusubukan kong bilangin ang mga tao. Hindi ganoon karami na kayang bilangin sa isipan, pero dahil malawak nga ang garden kaya nagkakalat sila, animo'y kokonti lang tuloy.
"Oo kaya, Nicolasia. Madalas walang tao rito. Lalo na kapag Monday hanggang Wednesday. Wala talaga as in."
"Meron," pagtutol ko.
Kumukunot ang noo ni Troy habang naghihintay sa susunod kong sasabihin. Tumitingin muna ako sa mga batang naglalaro sa isang swing bago muling ibinubuka ang aking bibig.
Umaangat ang sulok ng labi ko. "Ikaw, kasi alam mong walang tao. Paano mo malalaman kung 'di ka nagpupunta dito, 'di ba? Chismis lang, gano'n?"
Bigla nya akong binibigyan ng pitik sa braso dahilan para mapahawak ako roon dahil sa sakit. Natatawa na rin naman ako kalaunan nung makita ko siyang humahalakhak. Kita mo 'tong kaibigan ko, nasisiyahan rin sa kabaliwan ko e.
"Kahit kailan ka talaga! Syempre nadadaanan ko 'to kapag pauwi. Naiwan mo na naman ang utak mo sa bahay ninyo, e."
Nauuna akong maupo sa bench para titigan ang rebulto habang sinasagot-sagot siya.
"Malay ko ba kung trip mo palang tumambay dito mula Lunes hanggang Miyerkules!"
Pinapasadahan ko ng tingin ang buong katawan ng babaeng bato. Kung totoong tao siya ay siguradong napakaganda niya.
Ayon sa pagkakadetalye rito, mukha siyang nakasuot ng bestidang hanggang tuhod at may takong na sapatos. Ang buhok niya pa ay nakatirintas at nakapatong sa kanyang balikat. Nakangiti siya pero syempre, wala iyong buhay dahil bato nga ito.
Pumapasok bigla sa isip ko ang itsura ng aking ina noong kabataan niya.
Maganda si Mama at hindi ko ito sinasabi dahil nanay ko siya kundi dahil totoo namang maganda siya.
Meron silang picture ni Papa sa bahay na naka-display, kapwa nakasuot ng school uniform katulad ng akin at magkaakbayan pa. Ganitong-ganito ang itsura ni Mama habang nakangiti sa camera, naiba lang sa damit.
Kamukha ko nga raw siya, sabi ng mga nakakakita. Parehas kami ng hubog ng mukha at tangos ng ilong pati na rin ng labi. Miski ang diretsyo at brownish black kong buhok ay sa kanya galing.
Nagkakaiba nga lang sa mata dahil namana ko ang akin kay Papa, at kutis dahil mas maputi si Mama kumpara sa akin. Maputi rin naman ako pero katamtaman lang. Siya kasi ay namumula pa.
Nga lang ay naniniwala pa rin ako at naninindigan na mas maganda siya sa akin. Parang ang babaeng bato na ito.
"Ano'ng nangyari nung nagkasabay kayo sa elevator?" tanong ni Troy na nakaupo na sa gilid ko at umiinom ng soft drinks.
Napapanguso ako.
Aba, interesado na siya.
Umaayos ako ng pagkakaupo para hindi ako mangalay sa pagkukwento sa kanya. Ang chismoso ko namang kaibigan ay tahimik na nakikikinig hanggang sa matapos akong magsalita at idetalye ang mga pangyayari, pati na rin 'yung kay Whatever.
"E, ba't 'di mo gantihan?"
Sunod-sunod akong umiiling saka umiismid dahil sa nasabi nito tungkol kay Draven. "Bakit ko naman gagantihan? Papansin lang 'yon. Sinabihan ko na nga siya na layuan ako... pero pagkatapos ng ilang araw sasabihin niya ayaw niya raw? Hindi niya raw gagawin. May sapak din sa ulo e!"
Naiinis ako habang inaalala 'yon.
Troy clears his throat. "Baka naman kasi kinakaibigan ka lang. Ikaw naman kasi, Nicolasia, huwag puro si Junjun ang iniisip mo. Hindi 'yun magseselos, wala ngang pake sa'yo," anito habang kumakain ng chicharon na hindi ko alam kung saan niya nakuha.
Masyadong diretsyo ang pagkakasabi ng kaibigan ko kaya medyo nasasaktan ako sa katotohanan.
I scowl at him as I deny the idea. "Anong kinakaibigan ka riyan? Kung kinakaibigan niya ako dapat mabait siya, kalog, handa akong ipaglaban, at higit sa lahat, gentleman parang ikaw! Ganyan ang requirements ko sa mga kaibigan, 'no!"
Nagtititigan kami nang ilang minuto ni Troy. Para siyang nananantsa dahil sa titig niya hanggang naputol na lamang iyon nang yukuin niya ang isang paper bag na may lamang barbeque.
Kinakagatan niya ang stick at nagsasalita habang ngumunguya ng pagkain. "Tama nga naman ang sinabi mo. Pero, Nicolasia, anong klaseng pagkakaibigan ba ang iniisip mo? Maraming klase 'yan, pare. 'Yung totoo, nakaabot ka sa edad na 'yan nang walang ideya sa mundo?"
Nagtataka naman ako sa sinasabi nito at napapaisip na. "Best friend? Friends? May iba pa bang klase ng kaibigan?" I curiously ask.
Sinasapo niya ang kaniyang noo at pailing-iling pa na animo'y disappointed habang ngumunguya pa rin. Mas lalo akong nagtataka. Tinatapat niya ang stick ng barbeque sa mukha ko at winagayway pa iyon kaya lumalayo ako nang kaunti.
"Balikan mo na lang ako kapag na-realize mo na."
Kunot ang noo ko habang pinapanood siyang kumain. May iba pa bang ibig sabihin ang magkaibigan? May iba pang klase? Ano naman 'yon?
"Huh?" Binibigyan ko ito ng nagtataka at natatawang tingin. Hindi ko talaga makuha.
Umiiling siya at mapanghamak na ngumanganga bilang pang-aasar.
"Gwapo naman ba 'yon?" tanong nito sabay abot ng paper bag sa akin para makainom siya ng tubig.
My lips curl. "Sino? Si Draven?"
Natagalan siya sa pagsagot dahil sa paglagok. He makes a quenching sound after drinking. "Oo, ala namang si Bernard?"
I bite my lips as I recall that stupid and annoying face. "Sakto lang..."
Hindi bagay ang salitang sakto para i-describe ang mukha no'n. I mean... gwapo siya, okay? Pero hindi ko kukumpirmahin na nagagwapuhan ako sa kaniya.
Mas gwapo pa rin talaga si Dennis sa mga mata ko at walang magbabago roon.
"Sino'ng mas gwapo, si Draven o 'yung crush mong si Dalisay?" tanong pa ni Troy habang binabalatan ang isang supot ng ensaymada.
"Si Dalisay, syempre!" agad na sagot ko.
Bigla siyang napapahagalpak ng tawa. Halos mabulunan pa ang loko pero ilang saglit lang ay may iniinom na itong iced tea. Saka ko lang na-realize na nahawa na pala ako sa kabaliwan niya kaya iritado ko siyang hinahampas.
"Aray ko, Giana, isa!"
Sinasabunutan ko pa ang mahal niyang buhok pero wala naman siyang ibang magawa kundi ang umiwas at nguyain ang kinakain.
"Saan mo ba kinukuha 'yang mga pagkain mo?!"
"Hello po, Mama..."
Agad kong tinatawagan si Mama pagkatapos kong magpa-load sa isang tindahan malapit sa kanto namin. Kasama ko pa rin si Troy na kumakain naman ng chichirya sa gilid ko.
"Nak, Giana, asaan ka na?" Bakas ang pag-aalala sa boses ni Mama nung nagsasalita na. "Sabi ni Aling Rose nakita ka raw niya sa labas ng bahay natin kanina na umiiyak, asa'n ka na ngayon?"
"Mama, kasama ko po si Troy. Malapit na po kami. Akala ko po wala ka pa sa bahay kaya tumawag muna ako."
"Sige na. Uwi ka na rito..."
Nagpaalam na ako at agad kaming tumawid ng kasama kong patay gutom papunta sa kabilang kalsada. Makalipas ang ilang minutong paglalakad papasok sa maliit naming subdivision ay pinagbubuksan na kami ni Giselle ng gate.
"Kuya Troy!" sigaw niya nung makita kung sino ang kasama ko.
Binubuhat na siya ni Troy at hindi man lang ako tinapunan ng kaunting pansin. Para bang hindi kami magkasama at hindi ako nag-e-exist. Umiismid ako bago ibinabaling ang atensyon sa aso kong tinatalunan na ako.
"Archie-kuy! Bakit hindi mo ako pinagbuksan kanina!" Padabog akong nauupo sa harap ng aso kong walang malay.
Mukhang wala siyang balak na pansinin ako dahil busy pa siyang tahulan si Troy.
Dinuduro ko ang kaibigan habang nakatingin pa rin kay Archie. "Archie, hindi 'yan magnanakaw! Mukha lang! Si Troy 'yan, oh. 'Yung panget na nagpapakain sa'yo, hindi mo na ba maalala?"
"Paano ako maaalala niyan e sa babaeng bisita lang naman 'yan mabait! Teka! Huwag mo 'kong kakagatin!"
Hinahabol na siya ng aso ko papasok ng bahay habang buhat-buhat niya ang aking kapatid.
Natatawa na lang ako habang ibinababa ang aking bag sa sofa pero agad ding naaagaw ni Mama ang atensyon ko nang mabilis niya akong hinahatak para sa isang yakap.
"Ate... sorry..."
Kumakalas ako sa pagkakayakap ni Mama para tignan ang kaniyang mukha. Halatang nag-aalala ito dahil sa lamlam ng kanyang mga mata.
I smile. "Ma, para saan?"
"Hindi ko nasabing aalis kami... kwento ni Aling Rose paulit-ulit ka raw na kumakatok sa gate... kawawa naman ang ate ko."
Humihigpit ang hawak niya sa aking kamay kaya napapatingin ako roon.
"Ma, okay lang po. Pumunta po ako kina Tita Hillary tapos pinakain niya po ako sa restaurant niya. Sinamahan pa nga po ako ni Troy sa garden," I say to console her.
Bahagyang umuuwang ang bibig ng aking ina na parang may kakaibang narinig sa sinabi ko. "Pumunta ka ng Santa Miranda?"
Tumango-tango ako bilang sagot. Sinusuklay naman niya ang aking buhok gamit ang kanyang mga daliri at panandaliang natatahimik. Napapansin ko na rin tuloy ang buhok niya na hanggang balikat at nakatali ang kalahati gamit ng hair claw.
"Buti naman dumalaw ka sa Tita Hillary mo. Kamusta ang garden? Marami bang tao?" Nagkalayo kami nung bahagya niya akong itulak para magkaharapan kami.
"Wala pong katao-tao! Sabi ni Troy marami na nga raw po 'yung fifteen sa loob, ang konti naman no'n."
Ngumingiti siya sa akin nang malapad dahilan para lumabas ang dimples niya na minana ng Kuya GL ko.
"Marami na 'yon, anak, wala naman kasing masyadong taong napapadpad doon. Naghulog ka ba ng coin sa wishing well?"
Nanlalaki ang aking mga mata. "Hala, Mama! Nakalimutan ko..."
May wishing well kasing nakatago sa garden, malapit sa pinakadulong bahagi. Noong maliit pa nga ako, akala ko kapag lumagpas na kami roon ay maliligaw na kami sa gubat.
Nung tanungin ko pa si Mama kung saan sila nagpunta at bakit nakalimutan nila ako ay sinabi nitong namalengke lang pala sila at nakaligtaan talaga na sabihan ako. Hindi na rin naman ako nagreklamo dahil maganda naman ang mga sumunod na pangyayari pagkatapos kong maiwan sa labas ng bahay.
Katulad ng plano ay dito na nga naghapunan ang kaibigan kong patay gutom na nagngangalang Troy, akala ko ay aalma pa siya pero nung nilapag na ang pagkain sa hapag ay mas malakas pa itong kumain kaysa sa akin. Parang hindi napupuno ang tiyan.
Eat and run ang lalaki matapos kumain ng isang kaldero. Halos wala nang matira kina Papa at Kuya na hindi pa rin dumadating hanggang ngayon.
Nakahiga na ako sa kama at handa na sanang matulog pero kausap ko pa rin ang mga kaibigan ko sa text.
Inaasar namin si Celene tungkol sa pagiging competitive nito laban kay Luigi na tumatayo ring Valedictorian ng batch namin. Ang totoo kasi niyan ay si Celene ang sumunod sa kanya at madalas silang magkapalit ng pwesto sa honors, nga lang nangunguna ngayon ang lalaki.
Natatapakan ang ego ng kaibigan ko kaya naman pilit niya itong tinatalo.
Magtitipa na ulit sana ako ng ire-reply sa mga kaibigan nung bigla akong nakaririnig ng malakas na pagdadabog sa labas ng aking pintuan. Akala ko ay may nahulog lang pero maya-maya ay naulit din ito.
Tinitigil ko muna ang pagte-text saka unti-unting tumatayo mula sa aking kama para tignan kung ano'ng nangyayari sa labas.
"Sebastian!" Nagugulat ako dahil sa mariing boses ni Mama.
"Tumigil ka nga, maririnig ng mga bata ang pagdadabog mo! Tumawag na lang tayo ng..."
Dahan-dahan kong binubuksan ang pinto ng aking kwarto. Madilim na sa baba pero may ilaw pa rin sa hallway dito sa taas, mukhang nanggagaling iyon sa kwarto nina Mama.
Lumalabas ako ng aking kwarto, ingat na ingat na hindi makagawa ng anumang ingay. Gusto kong alamin kung ano'ng nangyayari sa mga magulang ko.
"E, hindi na nga mababalik ang perang nawala! Ano'ng magagawa natin, syempre dapat ireklamo natin sa mga opisyal para hindi na mangyari sa iba pang tao!"
Nakabukas ang pintuan ng master's bedroom. Maliit lamang ang siwang pero sapat na para makita ko kung ano'ng nangyayari sa loob. Lumapit ako at sinilip sila.
Nakikita ko si Papa na nakaupo sa gilid ng kama habang hinihilot ang kaniyang sentido.
"Walang magagawa ang pride mo! Kailangan nating magsampa ng kaso sa sekretarya mo!" patuloy na pagsasalita ni Mama.
"Mindy, ano'ng ipambabayad natin sa abugado?! Halos lahat nga ng pera tinangay na ng putang inang 'yon! Saan natin sila hahagilapin? Malamang tumakas na 'yon at lumuwas pa-Maynila, dala niya lahat ng kita sa nakalipas na anim na buwan! Iba pa 'yong w-in-ithdraw niya sa bangko! Tang ina! Bakit ba ako nagtiwala!"
Malakas na hinahampas ni Papa ang lamesa sa gilid ng kanilang kama. Bahagya akong napapaatras.
"Ngayon pa siya sumabay kung kailan may problema rin sa lupa. Pinuntahan na ako ng abogado kanina! Hayop na mga negosyante 'yan! Mukhang pera! Bakit ako ang dinidikdik nila? Malay ko bang naggagaguhan silang mag-anak sa lupa sa Yneza!"
Humihinga na ito nang malalim. Napapaupo naman si Mama sa lapag. Para bang nanghihina.
Papa inhales, harshly. "Kaya namang palitan ang nawala sa mga tindahan. Pero napakalaking halaga ang mababawas sa savings natin. Nag-aaral pa si Lucas ng pagka-doktor, mahal. Si Giana malamang kailangan na niya ng tuition fee. May mga babayaran pa tayo. Mapipiga tayo nang sobra, mahal. Magsasampa rin sila ng kaso sa atin kapag hindi pa naayos ang kontrata ng lupa..."
Parang bibigay ang tuhod ko habang tinitignan ang aking ama na mangiyak-ngiyak. Mabilis na tumatayo si Mama para yakapin ito.
May problema ang negosyo ni Papa ayon sa mga narinig ko. Ninakawan kami ng kaniyang sekretarya, may problema sa lupang kinatatayuan ng negosyo... kailangang mapalitan lahat ng nawalang halaga.
When I think my day is amazing, a problem suddenly pops up.
Ano'ng maitutulong ko sa mga magulang ko?
ns 15.158.61.20da2