Chapter 8
Nagkakaroon na ng stampede palabas ng aming classroom dulot ng mga nagpapaunahang kaklase. Hayok na hayok na silang lumabas dahil dalawang araw na kaming nakaharap sa aming mga libro.
"Pwede bang magpaiwan dito sa loob? Mas worth it itulog 'yung isang oras kaysa maglaro sa labas," pag-iinarte ni Celene habang nakataas ang paa sa isang armchair at pahilatang nakasandal sa upuan.
"Ano ka ba naman, girl? Dapat lumanghap man lang tayo ng sariwang hangin!"
Tumayo si Yna para hilahin ang paa ni Celene na gumaganti naman ng sipa.
"Lalabas ba tayo o hindi? Mukhang maganda naman ang panahon ngayon, kahit manood lang tayo ng talunan na basketball game," sambit ko.
Sabay na natatawa sina Celene at Yna na ipinagtataka ko.
"Talunan naman talaga ang mga kaklase natin sa basketball. Totoo nga talaga na hindi pwedeng lahat ng magagandang attributes ay nasa tao. Kung matalino, matalino lang. Hindi na kasama ang sports sa talento." Hinahawi ni Celene ang kurtina sabay humaharap sa amin pagkatapos 'yong sabihin.
Kaming tatlo na lang ang natitira rito sa classroom kahit sinabihan na kami ni Sir Manlangit na wala raw matitira sa loob ng clasaroom. Paano ba naman kasi ang sulsulera ni Celene!
Hindi nagtagal ay nakarinig kami ng malakas na katok sa pinto at bago pa ako datnan ng kaba ay mabilis na pumapasok si Anika sa aming classroom.
"Mga babaita, ba't kayo nandiyan?" anito habang naglalakad papunta sa amin nang nakangisi.
"Ayaw naming bumaba. P.E niyo na rin ba?" tanong ko sa kaibigan na hapit ang suot na t-shirt kaya nahuhubog ang korte ng katawan.
"Oo! Buti na lang dumiretsyo ako rito dahil kabisado ko kayong tatlo. Punta tayo ng court at maglalaro daw ang tropang pakers laban sa ibang section!" anito na sa akin lang nakatingin.
Si Celene ang naunang nagtanong. "May humamon ba galing sa section namin?"
Mahinang pinapalo ni Anika ang binti niya. "Malay ko! Kaya nga tignan natin!"
"Matutulog na lang ako rito kaysa panoorin silang maglaro ng patintero. Hala, sige! Baba na!" Pumoposisyon si Celene sa upuan at ipinipikit na ang kaniyang mga mata.
Maglalaro raw ang tropang pakers? Ibig sabihin nandoon si Dennis? Makikita ko ulit siyang maglaro?!
"Halika na, Anika! Panoorin natin si Dennis na maglaro!" Mabilis akong lumalapit sa kaibigan sabay hinihila na siya palabas ng aming classroom.
Gwapo si Dennis araw-araw kahit ano'ng anggulo niya o kahit ano pa man ang ginagawa niya, pero mas lalo siyang gumagwapo nang higit sa one-hundred percent sa tuwing naglalaro siya ng basketball.
Ewan ko ba at bakit parang wala namang araw na naging pangit siya sa paningin ko.
Iniwan namin si Yna para pilitin si Celene na bumaba. Habang tumatakbo kami ni Anika papuntang elevator ay nakasalubong pa namin si Sir Manlangit na nakapamewang at pinapanood kami.
"Miss Mendez and Miss Lapid! Sino pa ang nasa loob ng classroom!?"
Sa sobrang excitement ko ay hindi ko na sya napapansin at nadaanan lamang kaya si Anika na ang sumasagot dito.
"Gi, wait lang! — uhm, Sir, parang wala na po!"
Agad kaming tumatapak sa loob ng elevator na kabubukas lamang kaya nawala na ang boses ni Sir. Maligaya kong pinipindot ang ground floor pagkatapos ay humaharap na kay Anika na parang natatawa sa akin.
"Ini-snub mo si Sir Manlangit, girl!"
"Sa tingin mo nagsisimula na silang maglaro?" excited kong sambit at hindi na mapigilan pa ang pag-ngiti.
"Mukhang hindi pa, Gi. Pero nakita mo man lang ba si Sir Manlangit?" Nasasapo niya ang kaniyang noo sabay umiiling.
Marami nang tao sa court nang makarating kami, ang iba ay hindi naman namin ka-year pero nakiki-usyoso. Mukhang hindi pa naman sila nagsisimula kaya pumwesto na lang kami sa may espasyo at doon nakisiksik. Hawak ko ang kamay ni Anika at wala naman siyang ibang nagawa kundi ang sundan ako.
"Ano ba naman 'to! Nakitang may tao sa harap niyo!" angal nung isang first year na nasa harap kanina at siningitan namin. Kung kanina ay nasa likod kami, ngayon ay nagawan ko na ng paraan na mapunta kami sa harapan.
"Pst! Hoy! Bakit, pagmamay-ari mo, 'te? Uupo na lang kami para 'di naman nakakahiya sa'yo," naririnig ko ang boses ni Celene na nagsasalita sa likod kaya napapalingon ako.
Naaabutan ko siyang nakahalukipkip at lukot na naman ang mukha habang minamalditahan ang first year na sumita sa amin.
"Arte-arte, nakikinood lang naman. Doon ka sa nursery niyo, ineng!"
Nagtatawanan ang ibang tao dahil sa sinasabi ng kaibigan ko.
"Akala ko ba hindi ka bababa?" tanong ni Anika at nagkikibit-balikat lamang 'yung isa. Tumatabi na sa akin si Yna.
"Pinagalitan kami ni Sir Manlangit, kasabay pa nga naming bumaba," sagot ni Yna at pagkatapos no'n ay ang malakas na tunog ng pagpito.
"Ang mananalo, automatic na perfect sa darating na examination. Kaya galingan niyo, boys."
Maraming nagreklamo dahil sa sinabi ni Sir Manlangit. Bumabaling siya sa gawi namin kung saan maraming fourth year. "Bakit, tinanong ko kayo kanina kung sino'ng gustong maglaro 'di ba?"
Ang tagal naman magsimula!
"First to get fifty points, wins!"
Tinatanaw ko si Dennis na nasa likod ng kaniyang mga kaibigan. Nakatiklop ang jogging pants niya hanggang tuhod at 'di pa man nagsisimula ang laro ay pinagpapawisan na agad siya.
Sus, ginoo. Napakagwapo!
Malakas na tilian ang umaalingawngaw sa outdoor court nang inihahagis na ang bola sa ere at ang agad na nakakuha no'n ay si Draven.
Mabilis ang galaw niya habang nagdi-dribble. Sa kilos pa lang niya alam na agad na kabisado nito ang kanyang ginagawa, alam niya kung saan ipapasa, kung — pake ko nga ba sa kanya?! Dapat ipasa niya ang bola kay Dennis!
Mabilis niyang nai-shoot ang bola sa loob ng ring nang gano'ng kabilis. Wala man lang kahirap-hirap!
Triple na yata ang lakas ng tilian.
Nakuha naman ng kabila 'yung bola kaya biglang natahimik ang mga nanonood. Agad naagaw ni Kris ang bola na wala ring kahirap-hirap at sh-in-oot ang bola mula sa kinatatayuan niya.
Three points!
"See? Ang titigas ng mukhang lumaban, matatalo rin naman," pabulong-bulong ng nasa likod ko.
Zero pa rin ang score nung kabila habang ang tropang pakers ay may five points na agad... at wala pang limang minutong nagsisimula ang laro.
Nung hawak na ni Dennis ang bola ay naalala ko ang dahilan kung bakit nga ba ako nanonood ng laro nila. Dahil nga pala sa kanya. Na-amaze naman kasi ako sa bilis nilang makapuntos, eh.
"Dennis, dito!"
Pinapasa ni Dennis ang bola kay Draven na pinapasok naman nito sa ring.
Tahimik lamang akong nanonood ng laro nila sa buong oras, samantalang 'yung mga kaibigan ko ay nagkayayaan nang pumunta ng cafeteria kaya ako na lang mag-isa ang nakaupo at tinatapos panoorin ang pagba-basketball ng boys.
Forty-five points versus twenty-four points.
Alam naman ng mga kaklase ko na talo na sila pero lumalaban pa rin. Kunsabagay, wala namang masamang mag-try. Baka sakaling biglang pumanig ang tadhana sa kanila.
Pero five points na lang at panalo na ang tropang pakers!
"Luigi!"
"Joseph!"
Sayang rin naman kasi ang exemption lalo na rito sa section nina Anika na puro tamad mag-aral. Hindi sa pagiging judgemental pero totoo naman ang sinasabi ko. Lahat naman ng section merong mga tamad at walang interes sa pag-aaral, naging tambakan lang talaga ang section nila ngayong taon.
"Tangina! Pati ba naman dito talo kayo?" pagalit na sigaw nung kaklase kong naglalaro habang nagdi-dribble siya ng bola.
Buti at mukhang hindi narinig ni Sir Manlangit kundi foul siya.
"Tangina ka rin, e 'di sana ginagalingan mo para 'di tayo matalo!" sagot nung isang lalaking kakampi niya dapat na taga-ibang section.
Mukhang sineseryoso nila masyado ang laro na para lang naman sa activity!
"Dude, kalma. Habol na lang kayo," agap ni Dennis, kausap 'yung dalawang dapat ay binabantayan niya.
"P're, laro lang tayo. Walang suntukan," awat ni Luigi.
Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakakarinig sa pinag-uusapan nila dahil malapit ako sa kanila o sadyang malakas ang mga boses ng mga lalaking ito?
Baka mag-away pa 'yung dalawa e magkakampi nga dapat sila. Eto ang hirap sa hindi makatanggap ng pagkatalo, naghahanap ng sisisihin.
"Ba't ba kasi nandito 'to? Bano ka naman, eh! Harap ka na lang ulit sa libro mo, Santos!" Mapang-asar na nginingisian nung isang lalaki ang kaklase ko.
Nakikita ko ang biglang pamumula ng mukha ni Santos bago niya marahas na ihagis ang bolang hawak sa ere.
"Gago!"
Malakas na suntok ang nakita ko pang lumapat sa mukha nung isa bago ako mapahiga sa sobrang lakas ng impact ng tumama sa ulo ko. Sunod na naririnig ko ay ang malalakas na tilian ng mga taong nakapaligid sa akin.
Napahawak ako sa ulo ko at napapikit na lamang dito dahil sa sakit at pagkahilo. Pansamantala kong nakalimutan kung sino ako at kung ano'ng ginagawa ko.
May amnesia na ba ako?
Nag-isip ako ng mga memorable na nangyari sa buhay ko, just in case na nagde-delete na ng memories ang utak ko, at least may mai-se-save ako.
"Giana!"
"Magsitigil nga kayong mga demonyo!"
Nararamdaman ko ang pag-alalay sa akin paupo. May humahawak na rin sa 'king braso, paa, at sa kamay na nasa ibabaw ng ulo ko.
Sa pagmulat ko ay bumubungad ang pagmumukha nina Anika na naka-alalay sa 'king leeg, si Draven na nakahawak sa aking braso, at si Yna na nasa may paanan ko katabi si Luigi.
"Giana?"
"Tumawag naman kayo ng nurse sa clinic!"
"Kaya mo bang maglakad? Punta tayo ng clinic."
"Hindi ba pwedeng 'yung nurse na lang pumunta? 'Pag ikaw kaya tinamaan ng bola kakayanin mo pang maglakad?"
"Ang OA niyo! Kalma nga!"
"Hoy, Santos at Abejo! Nag-aaway pa kayo e parehas lang naman kayong bano! Kita niyo ginawa niyo!"
Nag-loading muna ang lahat bago ko na-realize na wala naman pala akong amnesia kasi nakikilala ko pa naman sila.
Pero nahihilo talaga ako...
"Magpatayan na lang kayong dalawa sa labas hindi 'yung mandadamay kayo! Pakain ko sa inyo 'yang bola, eh!" Boses pala ni Celene ang kanina ko pa naririnig na sumisigaw.
Maraming nakapaligid sa akin na estudyante na palagay ko ay nakiki-usyoso... para naman akong artista nito sa nakukuha kong atensyon.
"Hindi pa ako patay..." anang ko kahit nahihilo na talaga.
"Kaya mo ba'ng maglakad?"
"Malamang hindi!"
"Kanina ka pa gumaganyan, kung binubuhat mo na lang at dinadala sa clinic!"
Mariin kong ipinipikit ang aking mga mata para kahit papaano ay makontrol ko ang pagkirot ng aking ulo. Muli ay naririnig ko ang pagtatalo ng aking mga kaibigan.
Maya-maya lamang ay naramdaman ko na ang pag-angat ko mula sa lupa.
Hindi ko na inabalang tignan kung sino man ang mabait na taong inangat ako sa langit. Nahihilo pa rin ako.
Ang sakit! Mamamatay na ho ba ako? Marami pa akong pangarap... huwag muna!
Kung minamalas nga naman, kung sino pa'ng pwedeng tamaan ng bola ay 'yung nakaupo pa. At bakit ba kasi hinagis sa ere?! Sa ulo ko tuloy tumama!
Mabilis ang lakad ng may buhat sa akin at pati ang paghinga niya'y rinig kong bumibilis na rin.
"Hindi pa po ako mamamatay..." pagpapakalma ko sa kaniya kahit 'di naman ako sigurado kung sino ba ito.
Masyado pa akong nahihilo para imulat ang aking mga mata.
"Next time hindi ka na pwedeng manood sa harap," aniya.
Napamulat ako ng mata nung narinig ang boses na iyon.
Napapasinghap ako. "Hay nako, si Boy Whatever pala!"
Lalo tuloy sumakit ang ulo ko. Gusto ko pa siyang tarayan pero wala akong lakas!
Hindi na ako dumilat ulit para tignan si Draven. Ayoko siyang makita lalo pa ngayong wala akong magawa habang buhat-buhat niya ako.
Pero ang totoo niyan ay natatakot lang talaga akong malaman kung gaano siya kalapit sa akin! Pakiramdam ko ilang inches lang ang pagitan ng aming mga mukha dahil nararamdaman ko ang paghinga niya.
But in all fairness, mabango siya!
"Ano'ng nangyari?" tanong ng nurse pagkapasok namin ng sa tingin ko'y clinic — kakaiba kasi ang lamig at amoy alcohol na ang hangin.
"Tinamaan po ng bola sa ulo," boses ni Yna ang sumasagot.
Himala at nasundan pa niya kami kahit mabilisan ang lakad ng may buhat sa akin.
"Gaano kalakas 'yung pagtama?"
Nararamdaman ko na ang pagbababa sa akin sa isang malambot na kama. I let my left arm hang from the edge of the bed na mabilis din namang inaayos ng nagbuhat sa akin.
"Malakas po, napahiga siya..."
"Ma'am, pakitingnan nga s'ya. Tinamaan daw ng bola sa ulo," utos nung nurse sa kasama niya na agad namang ch-in-eck ang mga mata at pulso ko.
Habang abala ang mga nurse sa pag-aasikaso sa akin ay naririnig kong kinakausap nila ang mga kasama ko rito. "Sige, pwede niyo na muna siyang iwanan dito."
Napapamulat ako nang wala sa oras dahil doon.
Yah! Ayoko!
Baka tusukan ako ng kung ano rito tapos wala akong makakapitan!
"Hindi ka tutusukan dito. Ulo mo masakit, baka operahan ka na."
Mukhang bumabakas ang takot sa mukha ko kaya nagagawa akong lokohin ni Draven.
Mahinang natatawa ang nurse. "Hija, wala kaming itutusok sa'yo. Babantayan lang natin dahil baka magsuka ka."
Tinititigan ko ang nurse nang mabuti... mukhang hindi naman siya armado. Pero natatakot pa rin ako sa mga nurse o doktor.
"Hindi po ba pwedeng magpaiwan kahit isa lang sa amin?"
"Okay lang naman siya rito. Magpapahinga lang then ipapatawag na lang namin kayo pagkatapos," ani nurse na mukhang inuuto lang naman ako.
Paano kung mapag-alaman nilang malala ang pagkakatama nung bola? Paano kung lumubog 'yung bumbunan ko? Baka may head injury?
"Hindi 'to hospital, Giana. Kung may problema sasabihin naman agad. Iwan ka muna."
Napapanguso ako nang naramdaman ang pagkirot ng aking ulo.
Tinitignan ko si Anika na nagsabi no'n. Akala mo talaga ako lang ang may ayaw dito sa clinic, siya rin naman! At bakit nandito na rin siya? Sumusulpot-sulpot bigla ang mga tao!
Napapansin ko rin naman kaagad si Draven na nakahalukipkip sa likod niya. Diretsyo ang tingin nito sa akin at seryosong seryoso ang mukha.
Nakaka-conscious naman ang titig ni Boy Whatever kaya umiiwas na lang ako at muling pumipikit.
Naalala ko tuloy 'yung huling pag-uusap namin ilang araw na ang nakalipas. Sabi ko pa layuan niya ako... dapat siguro mag-thank you ako kahit papaano dahil siya ang bumuhat at nagdala sa akin dito.
Kaso nahihiya ako...
Bahala nga siya riyan. Hindi dapat si Draven ang iniisip ko kung hindi ang walang hiyang nakatama sa 'kin ng bola!
"Bye, Gi. Susunduin ka namin mamaya," pinipisil ni Yna ang kamay ko nang hindi ako dumidilat.
Sa tingin ko ay silang tatlo lang ang naghatid dito sa akin sa clinic. Asaan kaya si Celene? Ang huling naaalala ko nagsisisigaw pa siya.
Wala akong nagawa kundi ang magpaalam na lamang sa kanila nang hindi pa rin iminumulat ang aking mga mata. Pinahihiga ako sa dalawang magkapatong at malambot na unan bago tuluyang idinidikit sa ulo ko 'yung yelo. Hindi ko na nararamdaman ang presensiya ni Anika sa gilid kaya sa tingin ko'y lumabas na sila.
"Huwag ka munang matutulog, ha?"
Inaayos ng nurse ang nasa ulo ko. Bahagya ko siyang tinanguan.
Ang problema... inaantok ako.
Iniisip ko na lang din kung ano'ng gagawin ko sa kaklase kong may kasalanan nitong nangyari sa 'kin... sisipain ko ba siya o babatuhin din ng bola?
Lumipas ang dalawang oras na nasa loob ako ng clinic. Nakatulog ako kalaunan at naalimpungatan dahil sa mga kaluskos. Umayos agad ako ng upo.
Hindi po ako natutulog!
"Gising ka na pala..."
Hinahawi ng isang nurse ang nakasaradong kurtina at naaabutan nya akong tumatayo na mula sa kama. Balak ko na sanang magpaalam na aalis na ako.
I nod. "Ah... opo."
Hindi ko na nararamdaman ang sakit sa ulo pero alam kong hindi pa ako sobrang okay dahil mabigat pa ang pakiramdam ko. Hindi naman ako masyadong nag-aalala dahil siguradong wala lang iyon katulad ng sinabi ng nurse.
"Hmm... kapag sumakit ang ulo mo nang wala kang ginagawang kahit ano, pumunta ka kaagad dito, okay?" aniya na tinatanguan ko lamang. Once again, ch-in-eck nito ang pulso ko at ang ilalim ng mga mata.
Iniwanan niya din naman ulit ako kaya agad-agad na akong tumatayo para ayusin ang sarili ko sa salamin.
Mukha akong zombie!
Maga pa ang mga mata ko na galing sa tulog. Inaayos ko ang mukha ko at ang aking buhok. Kinakapa ko rin 'yung ulo ko na tinamaan ng bola kaya sumakit iyon.
Nang makuntento sa aking itsura ay nagpaalam na ako ulit sa dalawang nurse na nasa loob at nagpasalamat. Pagkalabas ko ng clinic ay agad kong nakita si Draven na nakaupo at nakasandal sa railings ng hagdanan. May hawak pa siyang paper bag.
Kanina pa siguro naghihintay 'to. Psh. Paano ko naman nasabi na hinintay niya ako makalabas?
'Di kami close! Porket naghihintay siya rito ay ako na kaagad ang hinihintay? Saka, bakit parang natutulog na siya?!
Naglakad ako papalapit dito para tignan kung natutulog nga ba talaga siya.
Pagkalapit ay naupo ako sa harap niya upang magkalebel kami. Mukhang tulog nga dahil sa lalim ng paghinga niya.
'Di ba nito naisip na baka madaanan siya ng teacher dito at mapagkamalang nagcu-cutting classes? O 'di kaya ma-picture-an siya ng ibang mga estudyante.
Tumatayo na rin ako agad para pindutin ang elevator papaakyat. Iiwan ko na siya riyan tutal kaya naman na niya ang sarili niya... matanda na siya!
Palipat-lipat ang tingin ko sa elevator at kay boy whatever.
Sino ba kasing hinihintay nito? Bakit siya nakatulog? Ibig ba sabihin kanina pa siya at nabagot na? Ako ba hinihintay niya? Imposible naman 'yon! Baka naman hinihintay 'yung... kahit sino.
Nang sa wakas ay bumukas na ang elevator ay humakbang na ako papasok ngunit biglang nag-alinlangan sa pagtuloy.
Dapat ko ba siyang iwan dito?
Pumapadyak ako sa sahig. Ako ang nahihirapan sa pwesto ni Draven. Nakalaylay ang ulo dahil nahulog na mula sa pagkakasandal! Dapat gisingin ko man lang siya at magpasalamat doon sa kanina.
Pero ang awkward kapag nagkataon!
Muli akong lumalapit kay Draven at mahina siyang pinagkakalabit.
"Hoy, Draven." Niyugyog ko ang balikat nito. "Gising diyan. Baka makita ka ng principal."
Nagtataka na ako nang hindi man lang siya natitinag kahit anong yugyog ang ginawa ko.
"Draven, patay ka na?"
Hinahawakan ko na ang magkabilang balikat niya at nilalakasan ang aking ginagawa. Ilang beses ko pa siyang niyugyog pero walang nangyayari. Tinitignan ko ang tiyan niya at gumagalaw pa naman.
Nauupo ako para makita ang kanyang mukha. Nagpapakawala ako ng malalim na paghinga habang tinitignan ang mata niyang nakapikit at bibig na medyo nakauwang.
Bakit ba may mga taong pinagpala at kahit natutulog na ay kaaya-aya pa rin ang mga mukha nila?
"Draven!"
Sinasampal ko na siya nang mahina sa pisngi ngunit hindi pa rin ito nagigising kaya naman ang sumunod ay with full force na, iyung tipong babakat!
"Aray," he mutters.
Nagising rin!
"Tulog mantika ka!" Kunot-noo siyang tumitingin sa akin habang nagkukuskos ng mata. Tuluyan na akong tumayo habang umiiwas ng tingin ngunit bumabalik din naman ang mga mata ko sa kanya. "Baka may dumaan na teacher dito mapagalitan ka pa!"
Napapailing ako dahil sa boses na nagsalita sa aking utak habang pinagmamasdan si Draven. Mabait lang talaga ako at kahit sino namang makita ko sa ganiyang lagay ay gigisingin ko talaga.
Kahit sino!
Hinihintay kong magbago ang ekspresyon ng mukha nito na hindi naman nangyari. Kunot-noo pa rin siya na para bang takang-taka na makita ako.
"Nakatulog ka. Sa may hagdan. Tayo ka na," pagpapaliwanag ko with matching hand gestures pa kung sakaling 'di niya pa rin ako maintindihan, mukhang bangag pa kasi ito.
"O-Okay ka na?" tanong niya sa namamaos na boses at mapungay na mga mata.
Humahawak ako sa aking ulo. "Uhm... okay naman na..." huminga ako nang malalim, naghahanap ng tsempo. "At saka..."
Paano ba magsabi ng thank you?
"At saka ano?" he prompts.
Dahan-dahan siyang tumayo. Napapansin ko ang pagkakalukot ng P.E uniform nito, tanda na kanina pa talaga siya rito.
"Err... papanik na ako," I awkwardly say before turning my back on him.
Muli kong pinagpipindot ang elevator. Agad naman 'yong bumubukas.
Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat! Kinikilabutan ako sa isiping 'yon. Hindi ako sanay na nagsasabi ng thank you sa taong hindi ko kasundo.
Sumusunod sa akin si Whatever sa loob at siya na mismo ang pumipindot sa button paakyat. 'Di ko maiwasang hindi tumingin sa kaniya. Nakanguso at magulo ang buhok, halatang inaantok pa.
Kung alam ko lang na inaantok ka pa e 'di sana hindi na kita ginising.
"Nakatulog pala ako," aniya.
Umiiwas agad ako ng tingin nung nagsasalita na siya.
"Obvious nga," anas ko.
"Buti ginising mo ako..."
Nababalot kami ng katahimikan which is weird. Kapag magkasama kami inaasar niya ako lagi. Mukhang iba ang yata ihip ng hangin ngayon. Natauhan na ba siya?
Nauna akong lumabas ng elevator. Akala ko aasarin pa niya ako ngunit hindi naman nangyari.
Bait, ah?
Sana lagi siyang ganito, kaso mukhang malalim lang 'yung iniisip niya. Ano naman kaya 'yon?
Binabagalan ko tuloy ang aking paglalakad para testing-in siya. Kapag nauna 'to ibig sabihin okay lang siya, kapag nahuli ibig sabihin lutang pa talaga.
Lumilipas na ang ilang segundo pero hindi pa rin niya ako nalalagpasan.
Ano'ng problema nitong si Draven?
Nililingon ko siya at naabutang nakayuko ito habang ang isang kamay ay nasa loob ng bulsa.
"Hoy!" Sigaw ko. Tinitingala niya ako. "Lutang ka ba?"
Tumataas ang isa nitong kilay. Mukha pa rin siyang inaantok because of his puffy eyes. "Bagong gising ako, what do you expect?" Sabay irap pa.
Sungit!
Oo nga naman, Giana. Bakit mo ba siya minamanduhan?
Napapalunok ako nang matindi. "Bahala ka nga riyan," tanging lumalabas sa bibig ko at tuluyang na siyang tinatalikuran para maglakad.
Isang classroom na lang bago ang sa amin kaya nagmamadali na rin ako.
"Wait!" he yells.
Hindi ko siya pinapansin. Malay ko ba kung sino'ng tinatawag niya?
"Giana!"
Napahinto niya lang ako sa harap ng pintuan ng classroom ko. Tahimik ang buong hallway dahil walang mga tao, sarado pa ang mga kurtina ng bintana kaya kami lang talaga ang nasa labas.
Balak ko na sanang buksan ang pinto ito kundi niya lang ako tinawag sa pangalan.
Dapat ba akong lumingon?
"Hey..." tawag niya ulit.
"Ano ba 'yon?" Naiirita akong lumilingon sa kaniya.
May inaabot siya sa aking paper bag, 'yung kanina pa niya hawak-hawak.
Ngumingiwi ako. Aanhin ko naman 'to? Tatapon ko?
"Ano'ng gagawin ko riyan?" pagsusungit ko.
Akmang pipihitin ko na ang doorknob nang bigla naman niyang hinila ang isa kong kamay at ipinatong doon 'yung paper bag.
"Sa iyo na 'yan," aniya sa mababang boses. Humihinga pa ito nang malalim. Pinagmamasdan ko siya at nananatili sa paper bag ang titig nito.
Nakakainis ang pagiging tahimik niya. Walang buhay ang mga salita!
"Ano ba ito?"
Kinukuha ko rin naman iyon para silipin ang laman. Then I suddentlu freeze in my seat nung makitang iyong libro pala na gusto kong hiramin sa library. Bakit naman niya ako binibigyan nito?
Inaangat ko ang aking tingin para salubungin ang kanyang mga mata.
"Para kanino?" takang tanong ko.
"Baka para kay Ma'am Pepa," he sarcastically replies. "Para sa'yo nga 'di ba? Ang kulit."
"E, bakit?"
Nangungunot ang kaniyang noo. Para na siyang naiinis sa akin sa dami kong tanong. "Ano'ng bakit?"
Wala akong ibang masabi. Hindi ko naman siya pwedeng sagutin nang pabalang, ang seryoso nito ngayon, eh. Nakakapanibago na wala siya sa normal state niya.
Nagkakatinginan kaming dalawa pero hindi ako umiiwas dahil hinihintay ko siyang mauna. Ang kaso, hindi rin ito umiiwas! Ano ba talaga'ng problema?
Ba't ang tahimik mo?
"Sabi mo lumayo ako..." nagtataka ako dahil sa sinasabi naman niya. Nagsasalita na nga pero mababa ang boses, halos ayaw iparinig pero dahil malapit siya sa akin ay malinaw iyon.
"Huh?"
He licks his lower lip before stepping backwards. "Hindi ko gagawin. Bahala ka," anito sabay lakad papaalis.
Kunot-noo kong pinagmamasdan ang likod nito na papalayo nang papalayo. Bumubuntong-hininga ako at doon ko lang tuluyang nasabi ang kanina ko pa binubuwelo.
"Draven," mahinang pagtatawag ko. "Thank you," I mutter under my breath.200Please respect copyright.PENANAAsBPD1J0qD