Chapter 7
Sabay-sabay na tumatango ang mga kaibigan ko pagkatapos kong magkwento tungkol sa nangyari kanina. Kinikilig pa rin ako hanggang ngayon.
"Gentleman naman kasi talaga siya," komento ni Anika.
"Pero hindi halata," dagdag pa ni Yna habang kumakain.
"Baka naiingayan lang," anang Celene. "Naku, baka mamaya umasa ka na naman, ha? Tinulungan ka lang niya, girl, hindi papakasalan," pambubuska pa nito.
Umiinom na ako ngayon ng tubig para mabasa ang lalamunan ko. Wala lang kaming mapag-usapan kaya nakwento ko ito kahit alam kong hihilahin na naman niya ako pabalik sa reyalidad!
"Come on, Celene... huwag kang masyado bitter diyan. Kung naiinggit ka, hahanapan kita ng lalaking pwede mong gawing crush with a very good background story," pang-aasar ni Anika habang sinisimot ang pagkain sa kaniyang pinggan.
Umiismid ang kaibigan ko sabay hawi sa mahaba niyang bangs. "Mabulunan ka sana sa mga pinagsasasabi mo. Hindi ko kailangan ng dagdag na lalaki. Madami na sila masyado sa buhay ko. Gusto ko na ngang bawasan para gumaan din ang buhay ko."
"Sige nga, pahingi ako ng isang kuya mo," natatawang sagot ni Anika. Natatawa ko rin siyang tinutulak kaya nililingon ako nito nang nakangisi.
"Sira ulo ka talaga," sabi ko rito sabay hinihila ang kulot niyang buhok. Patawa-tawa pa ang loka hanggang sa bigla na lamang lumalagpas ang tingin niya sa balikat ko. Nagbabago na rin bigla ang ekspresyon ng mukha nito na animo'y handang mang-asar.
"Ay, girl! Andito na 'yung dagdag na lalaki sa buhay mo!" Histerikal niyang niyuyugyog si Celene kaya hindi nito tuluyang naisusubo ang pagkain sa daliri. Tinititigan siya nang masama ni Celene samantalang kami ni Yna ay lumilingon sa likod kung nasaan nga si Luigi kasama si Kris. Papunta sila ng canteen.
Medyo napapatahimik kaming apat sa lamesa nung paparating ang magkaibigan. Palipat-lipat lang din naman ang tingin ko mula sa mga lalaki pabalik kay Celene na parang iniiwasan ding tumingin doon. Nagsalita lang ako nung nasa loob na ang dalawa at may pagitan na kaming clear glass.
"Kung tinanggap mo siguro 'yung alok ng kalabang partido at naging magkalaban kayong dalawa, baka hindi lang dakdakan ang nangyayari sa inyo. Gyera!"
Tatlo na kami ngayong nakamasid sa ginagawa ni Celene. Suot na naman nito ang resting bitch face niya. Ang manipis nitong kilay na natural na naka-arko at mga matang animo'y sinisilip pati ang kaloob-looban ng iyong damdamin kung tumitig. Kung hindi ko lang siya kasabayan lumalaki, baka pati ako ay natatakot sa kanya. But I know her — we know her more than anyone. It's just her outer structure.
She gulps. "Alam niyo namang wala akong tiyaga sa gano'n. Leader nga sa group project ayaw ko... humawak pa kaya ng buong high school? Nakaka-drain 'yun ng kagandahan, kaya tignan mo nangyari kay delos Reyes. Panget!" she disses Luigi.
Napapatingin tuloy ako kay Luigi.
Gwapo naman siya, ah? Matangkad siya tapos maputi at may katamtaman na katawan. Tapos nakasalamin pa siya kaya nagmumukha siyang matalino. Hindi ko nga in-expect na magiging ganito ang itsura niya kapag nagbinata, noon kasi ay parang humihigop ng mga bully ang mukha at tindig niya.
"Gwapo naman si Luigi, Celene. Hindi mo lang ma-appreciate kasi galit ka sa kaniya," I say, matter-of-factly.
Nalulukot ang mukha niya na parang nandidiri sa sinabi ko. "Eww! Sa'n banda ang gwapo riyan? Yna, ibigay mo nga ang salamin mo kay Giana! Malabo na rin ata ang mga mata nyan!"
Ngumingisi na lang ako habang pinapanood ang pekeng reaksyon nito.
"Eto ang pointers para sa darating na exam. Prepare na rin kayo dahil magpapa-quiz ako bukas."
Kinabukasan, dahil sa narinig na anunsiyo ng aming teacher sa isang subject ay umingay ang aming classroom at nagdagsaan ang mga reklamo.
"Grabe talaga. Tapos may pinapagawa pa siyang survey," pagrereklamo ng katabi kong si Celene.
Tulala ako habang iniisip kung kailan ako magbabayad ng tuition fee. Mas mainam pa na i-divert ko ang isip sa problema na mas mabilis solusyunan. Expected naman na namin na triple ang pagpapahirap ngayong graduating na kami, pero hindi pa rin talaga pumapasok sa isipan ko na ilang buwan na lang bago kami mamaalam sa high school.
Ni wala pa nga akong final decision para sa kurso at eskwelahan!
Natahimik lang ang classroom namin nang may biglang kumakatok sa pinto at dumudungaw mula roon ay si Luigi. "Hi, Ma'am. May I excuse the classroom President?" paalam nito.
Makahulugan akong tumitingin kay Celene na agad pinangharang ang palad niya sa 'king mukha.
"Don't. Just don't," she warns like she already knows what I'm about to say.
Mahina akong natatawa. Binabaling ko na lang kay Yna ang aking atensiyon at nakipagngitian, 'yung ngiti na kami-kami lang ang magkakaintindihan.
Hindi nagtagal nung bumalik ang presidente namin sa classroom upang mag-announce naman. "Guys, papaikot ko 'tong class list natin tapos ilagay niyo raw 'yung cellphone number niyo. Cellphone number niyo raw hindi pwede ang parent's or guardian's."
"Paano kapag walang number kasi walang cellphone?" tanong ng isang lalaki naming kaklase.
"Problema ko ba 'yan? E 'di 'wag kang maglagay!" mataray nitong sagot kaya naghagikgikan ang mga lalaki.
"Ano naman kayang gagawin ng SSG? Baka magulat na lang ako mamaya may load na ako," rinig kong kumento ni Isko sa likod namin.
"Sino naman manlilibre sa'yo ng load?" pagpatol ni Celene na palaging inaalaska ang bakla sa likod.
"Si Luigi, syempre. Inggit ka?" Hinahawi ni Isko ang imaginary niyang long hair. Napatawa ako dahil doon. Pinauulit ko pa sa kanya ang ginawa niya at sumusunod naman ito hanggang sa iniikot niya na ang ulo niya.
"Asa ka, bakla. Ibang student council ang gusto mo manlibre sa 'yo. Uy, Ana, pansinin mo nga 'tong si bading!"
Biglang tumili si Isko nung tumataas na ang boses ni Celene. Tumatayo ang kaibigan ko mula sa pagkakaupo nang may malapad na ngiti dahil alam niyang nananalo siya sa asaran nila.
"Akala mo hindi ko alam na tomboy ka?!" Namumula ang mukha ni Isko dahil sa sinasabi ni Celene. "Nagbigay ka pa ng toblerone nung first year, 'di ka naman jinowa! Naamoy ka kasi-"
Agad na lumalapit si Isko para takpan ang bibig ni Celene na hindi na makahinga kakatawa habang binubusalan siya nito.
"Gago ka talaga, bading! Past is past nga! Bortabels pa ako no'n!" anito habang hinihigpitan ang hawak kay Celene na parang babalian na rin niya ng leeg.
Mabuti na lang maingay sa classroom dahil malapit na mag-uwian, kung hindi agaw-pansin na naman sila. Tawa kami nang tawang mga kasama nila sa row dahil sa pinaggagagawa ng mga 'to.
"Baka tomboy ka talaga, Isko, ha! Kasama ka pa naman namin mag-CR!" pang-aasar pa ng mga kaibigan niya sa likuran ko.
Kinagat ata ni Celene si Isko kaya siya nakawala mula sa pagkakabusal nito. Tawa pa ito nang tawa habang umaakbay kay Isko na nakanguso ngayon at higit na mas matangkad kumpara sa amin. Ito nga ata ang pinaka matangkad sa batch namin kaso nga sobrang lambot at palaging naka-headband.
"Tomboy 'to! Tanaw ko nga kwarto niyan sa bahay, puro mukha ni Ana!"
"Ah, talaga ba, alalay ni Luigi?!"
Hanggang sa tumunog ang bell at magdasal na kami ay puro asaran pa rin silang dalawa. Kulang na lang magbugbugan ang mga ito sa hallway kaya naman nung magpaalam na kami sa isa't isa ay halos 'di kami mapagtuunan ng pansin ni Celene kakarebat kay Isko.
"Hindi na pala kita masasamahan, Gi. Pinapauwi na kasi ako ngayon, e. Iwan na muna kita, ha? Text-text na lang!" Iyon ang huling sinabi sa akin ni Yna na dapat ay sasamahan ako sa library.
Nakanguso tuloy ako habang pinapanood ko siyang tumatakbo palabas ng building namin. Nakikita ko pa sa labas sina Celene na kalalabas lang din. Kanina naman sabi ni Yna sasamahan niya raw ako dahil dito naman talaga siya madalas naglalagi, kaso nung may nag-text sa kanya ay iniwan din ako.
Sinasarado ko ang pinto ng library at marahang tinitigan ang mga estudyante na nandito rin sa loob. Bigla akong nakaramdam ng hiya sa mga nag-aaral dito at nagbabasa ng mga academic books dahil gusto nilang madagdagan ang mga kaalaman nila, samantalang ako nandito lang para hiramin 'yung dapat hihiramin ko nung nakaraang linggo.
Naglalakad na ako papunta sa novel's section at habang tinatahak ang daan ay rumerehistro na naman sa utak ko ang nahuli kong ginagawa ni Joseph at ng kasama niyang babae.
Baka may makita na naman ako roon!
Pinili ko na ngang palampasin ang nakita ko at hindi na dumiretsyo ng office dahil miski ako ay nahiya na rin. Saka wala naman akong mapapakitang pruweba kung sakali! Kapag tinanggi nila 'yon, magmumukha lang akong tanga.
Ba't ba kasi ayaw na ayaw nila sa spot na 'to ng library? Ang ending tuloy nagiging motel ito dahil alam nilang walang estudyante na aaligid.
Nakahawak ako nang mahigpit sa strap ng aking bag habang sinusuri nang mabuti ang bawat madadaanan na book shelf. Baka mamaya meron na namang gumagawa ng milagro. Ayoko nang madumihan ang utak ko!
Nilalagpasan ko ang mga naunang section at nilalakad hanggang dulo ang hallway. Sinusuri ko talaga nang mabuti at tinatalasan ang aking pandinig. Mabuti naman at wala nang gumagawa ng kalokohan.
Kaso nga lang, napatalon naman din ako sa gulat nung pagkaharap ko pabalik ay nakita ko si Draven na nakasandal sa isang shelf malapit sa akin.
"Ano ka ba naman! Papatayin mo ba ako sa gulat?" asik ko rito nang nakahawak sa 'king dibdib.
Nandito na naman ang isang 'to! Sumusulpot na lang lagi!
He smirks. "Ano ba kasing tinitignan mo riyan? Kanina ka pa palinga-linga, tinitignan mo ba kung nandiyan ulit si Joseph?" Humahalakhak ito nang may panunuya.
My lips twitch. "Mabuti na 'yung sigurado! Baka mamaya magulat ulit ako sa makikita ko, 'no."
Nilalampasan ko si Draven at lumiliko na kung saan naroroon ang box na maraming libro.
"Whatever. Baka gusto mo lang panoorin..." pambibintang pa nito.
Nililingon ko ulit siya para titigan na nang masama. "Kadiri ka talaga, ano? Baka ikaw kasi nandito ka?"
Ibinababa ko ang aking bag para luhuran ang box sa sahig at makapagsimula nang maghanap.
"Bakit naman ako manonood kung pwede kitang ayain?"
Hindi na ako nakapag-isip pa nang mabuti nung hablutin ko ang isang libro para ibato 'yon sa kanya. Tumama ito sa noo niya na nagpapadaing dito.
"Ang bastos mo!"
"Aray!" pagdaing nito nang may lukot na mukha habang nakahawak sa kanyang noo. "Ayain umalis! Ano ba'ng iniisip mo?! Aayain kitang umalis para hindi mo sila mapanood! Ang dumi ng isip mo!"
"Draven, kung wala kang matinong sasabihin pwedeng-pwede ka nang umalis! Napaka bastos talaga ng bibig mong 'yan!" iritable kong ani, at saka umayos ng upo. Naririnig ko pa siyang dumadaing pero maya-maya lang ay humahagikgik na ito.
"Sorry na nga, e," lumalanay ang kaniyang boses. "Behave na ako. 'Di na kita aasarin." Umuupo pa siya sa 'king gilid na animo'y welcome siya sa pwesto ko.
"Ano ba'ng ginagawa mo rito? Iinisin mo lang ako, sisirain mo lang ang araw ko, e!"
Iniisa-isa ko ang mga libro na nasa loob ng box at hinahanap ang libro na gusto kong heramin last week kundi ko lang nahuli 'yong kaibigan nito na gumagawa ng kawalang hiyaan.
"Ano pa ba'ng ginagawa dito, Giana?" Napapatingin ako sa kanya kaya nakikita ko ang itinataas niyang libro na about sa greek mythology.
"Nagbabasa ka ng ganiyan?"
He shrugs his shoulders. "Obviously."
Umiirap ako sa hangin. Nice, ang ganda sumagot ng damulag na 'to.
Ilang segundo siyang tahimik habang nanghahalungkat ako ng box kaya akala ko napagod na siyang magsalita.
"Ikaw, ba't ka nandito? Maliban sa gusto mong mapanood ulit ng live si Joseph?" But then again, he just had to ruin my peace by opening his mouth.
"Isa! Sinabing hindi nga, eh!" Pinupukol ko ang ulo niya ng manipis na libro.
He chuckles. Nangungunot ang noo ko nung mapansin ang malapad niyang ngiti. Naka-indian sit pa siya at ang backpack sa likod ay nananatiling nakasuot.
"Joke nga lang. Oh, sige, titigil na ako. Zipped." Umaakto pa siya na zi-ni-pper ang kanyang labi.
Pinanliliitan ko siya ng mata bago muling ibinababa ang tingin sa kahon.
"Manghihiram din ako ng libro," matinong sagot ko.
"Anong libro?"
"Pake mo?" pagmamaldita ko.
Serves you right!
He inhales, harshly. "Suplada mo naman. Sinasamahan na nga kita para 'di ka lonely dito."
Umaangat ulit ang tingin ko sa kanya ngunit sa mas masamang timpla na ngayon. Tinutukod nito ang kanyang dalawang kamay sa likod kaya para siyang nakasandal habang nakatingin sa akin. I look at him from head to his folded knees, iyong tingin na makakapagsabi na hindi ko siya gustong kasama.
"Hindi ako mamamatay sa pag-iisa, Draven. Umalis ka na! 'Di kita kailangan dito." Iniirapan ko siya at pinagkukukuha na ang natitirang libro sa loob ng box.
Bakit nawawala 'yung libro na iyon?!
"Whatever. Ano ba'ng hinahanap mo? Tulungan kita."
Iniisa-isa ko ulit lahat ng libro.
Biglang lumiliwanag dahil sa cellphone ni Draven. Itinututok niya iyon sa box. I gather all my hair para ipirmi sa kanang dibdib ko dahil nagsisimula na itong maging sagabal.
Ilang beses ko pang hinanap ang libro at ilang beses na ring may tinuturo si Draven na iniilingan ko lang. "Romance? Romance novel 'yan, 'di ba? Mahilig ka sa love stories?" the curious cat asks.
"Maganda kasi 'yung synopsis no'n kaya hihiramin ko sana... kaso hindi natuloy dahil kay Joseph," pagpapaliwanag ko at muli siyang nililingon. Malapit na pala ito sa akin at kasalukuyang nakikidungaw sa box na hawak ko. Umaatras ako nang kaunti habang pinagmamasdan siyang nakikihanap.
Maluwag na ang necktie niya. Magulo ang medyo mahabang buhok. Namumungay ang mga mata na parang inaantok.
Nagpapakawala ako ng malalim na paghinga saka umaambang aayusin ang box pati ang mga libro na laman nito. I bite my lips inward.
"Baka naman nakuha mo na tapos na-misplace mo? Nahulog?" For the first time in my life, I finally hear him say something that makes sense.
Tumatayo na ako nang hindi siya binibigyan ng proper credits. Pinupuntahan ko ang mga pwesto na sa tingin ko'y nahulog ang libro. Sinusuri ko nang mabuti ang sahig, nagbabaka-sakali na nandoon ito. Iniilawan pa ni Draven ang lapag.
"Wala naman..." I mutter.
"Bakit kasi sa sahig ka lang naghahanap? Baka nasa shelves na! Utak mo kaya paganahin mo," panghahamak ni Draven nung harapin ko siya.
Tutulong na lang ang isang 'to nang-aasar pa.
Tinitignan ko kung may napadpad nga ba sa ibang shelf pero wala rin. Napapabuntong-hininga na lamang ako pagkatapos mapagod sa wala.
"Wala! Malas ka kasi. Alis ka na nga rito."
Tinutulak ko siya nang mahina nung lumalapit pa ito sa pinaghahanapan ko.
Agad siyang dumedepensa nang pagago. "Pampaswerte kaya ako. Tignan mo 'tong mukha ko, napakagwapo! Nakaka-good vibes!" Ngumingiti pa ito na 'kala mo naman talaga totoo ang sinasabi niya.
"Eh, ba't ako, naba-bad trip?"
D-in-ouble check ko na ang sahig pero wala talaga. Saan naman kaya napunta 'yon?
"Ikaw lang ang naba-bad trip sa mukha ko," aniya.
"Hindi lang ako... si Celene rin..."
"Si Celene, naiinis sa mukha ni Luigi. Hindi sa akin!" sagot ng kasama kong madaldal.
Binabalikan ko na ang bag ko na iniwan ko katabi ng box para pulutin ito.
"Oo na, sige na. Ang daldal mo!" Hindi ko na siya tinatapunan ng tingin at dire-diretsyo nang lumalabas ng novel's section papunta sa librarian, baka sakaling alam nito kung nasaan ang hinahanap ko.
Ramdam kong nakasunod pa rin sa akin si Draven na parang walang sariling buhay. "Ba't hindi ka na lang bumili ng kopya? Baka meron sa bookstore ng hinahanap mo."
Sinasabayan niya ako sa paglalakad kaya lumalayo ako ng kaunti habang tinitignan ang paligid kung may nanonood ba sa aming dalawa. Baka sabihin pa close kami nito.
"Wala akong pera. Bakit ang kulit mo?" Nakita niya naman siguro kung magkano ang laman ng wallet ko.
Agad kong in-approach ang librarian namin. "Hi, Ma'am. Tatanungin ko lang po sana kung may libro po kayo na ang title ay Lazarus. Nakita ko po 'yon sa novel's section last week," bungad ko sa aming librarian na may ginagawa sa ilalim ng desk niya.
Inaayos niya muna ang kaniyang salamin bago ako tinitingala. Hindi pa siya ganoon katanda kaya mahinhin pa ang kilos nito at approachable pa, 'di 'gaya ng mga nasa registrar's office.
"Lazarus 'yung hinahanap mo?" paniningit ni Draven. Sinesenyasan ko pa siya sa aking likod na huwag magsalita. Sabatero talaga.
"Ay, hija..." Ngumingiti sa 'kin ang librarian at may inilalabas galing sa ilalim ng kanyang desk. Ibinababa niya pa 'yon sa harap ko. "Eto ba?"
Pinagmamasdan ko ang libro na kanina ko pa hinahanap. Alanganin akong tumatango. Alam ko na kaagad na hindi ko iyon maiuuwi ngayon araw.
"Iyong librong 'yun pala 'yung hinahanap mo?"
Tinitignan ko nang masama si Draven na nasa likod ko pa rin habang naglalakad ako palabas ng library na mababa ang balikat.
Bakit hindi pa umaalis 'to?
"Uuwi na ako," paalam ko habang tinutulak ang pinto.
Tinutulungan niya ako sa pagtutulak gamit ang isa niyang kamay kaya gumagaan ito. "May kopya kasi ako no'n. Gusto mo bigay ko na lang sa'yo?"
Napahinto ako at mabilis na humaharap sa kanya. Nasa may pinto pa rin ito at tanaw ko pa ang mga estudyante at ibang faculty members na busy sa loob ng library.
"Paano ka naman nagkaroon ng kopya?" kuryoso kong tanong gamit ang mahina ngunit may pinaparating na boses.
'Di naman sa sinasabi ko na bakla ang mga nagbabasa ng love stories pero iba kasi ang kaso ni Draven. Sigurado ako. Bakla talaga 'to.
Nangungunot ang kanyang noo habang tumititig pabalik sa akin. "Hindi ako bakla. Alam ko 'yang iniisip mo!" Pinipitik niya ang aking noo kaya napapahawak ako roon.
"E, ba't may kopya ka?" Pinanlalakihan ko siya ng mata.
Pinapatunog niya pa muna ang kanyang dila bago umiiwas ng tingin sa akin. "Huwag mo nang tanungin. Basta meron."
"Ba't mo naman ibibigay sa akin? E 'di nawalan ka ng kopya?"
Binabalik na niya ang tingin sa mga mata ko. "Binigay lang sa akin 'yon. Hindi ko naman binabasa kaya sa'yo na lang. Meron pa nga 'yong pirma nung nagsulat, e. 'Ta mo."
That sounds fishy! I roll my eyes at bumibitiw sa pagkakahawak sa pinto para talikuran na siya.
"No, thanks. Heheramin ko na lang 'yung nandito. Saka bakit pa? Hindi naman tayo close at mas lalong hindi naman tayo friends!"
Dumidiretsyo na ako palabas ng library habang sinusuot ang aking backpack. Wala rin palang patutunguhan ang pagpunta ko rito kundi ang mainis sa presensya ni Draven. Kung alam ko lang sana.
"Peace offering then?" I hear him say dahilan para muli nitong maagaw ang aking atensyon.
Nakalabas na ako ng building nang sumulpot na naman bigla si boy whatever sa gilid.
I scowl as I look back at him. "Bakit? Para saan?"
Ngumingisi siya. "Basta. Sa'yo. Saka ayaw mo ba niyon? Nagiging mabait na nga ako, kaya dapat ceasefire na tayo. I wanna be your friend, masama ba 'yon?"
Sabay sa paghakbang niya ang paggalaw ng kaniyang balikat. Ngiting-ngiti pa siya na parang ang saya-saya!
Peace offering? May konsensya pala 'to?
Pero hindi ko pwedeng tanggapin 'yan. Simpleng sincere na sorry lang na galing sa puso, hindi niya pa magawa! Saka gusto niya akong kaibiganin? Sana imbes na nambi-bwiset siya, magpakita siya sa akin ng kabaitan!
"Ba't ka magbibigay ng gano'n kung wala ka namang kasalanan? Ano munang kasalanan mo?" anang ko sa nanunukat na tono.
Hindi siya nakasagot at ngumunguso lamang habang nakatingin nang diretsyo sa dinaraanan namin.
Ayoko talagang magkaroon ng koneksyon sa isang 'to. Puro kalokohan lang ang laman ng utak niya kaya wala akong tiwala!
"Do me a favor." Humihinto ako sa paglalakad at humaharap naman sa akin ang loko na parang excited sa sasabihin ko. "Kesa libro ang peace offering mo, mas mabuti..." sobrang mas mabuti, "...na layuan mo na lang ako. Huwag kang susulpot bigla kung nasaan ako tapos kunwari 'di tayo magkakilala. Basta walang pansinan. Mas okay 'yon, ha? Start tayo ngayon. Bye!"
Tumatakbo ako nang mabilis para iwanan si Draven.
Mabuti naman at hindi na siya sumunod. Madali naman palang kausap, eh!
Pero habang naglalakad pauwi ay naisip ko rin ang mga nasabi ko sa kaniya. Parang ang rude ko naman? Tama ba na sinabi kong layuan niya na ako e siya na nga 'tong nag-aalok ng peace offering?
Teka, kasalanan naman niya kung bakit ko siya pinapalayo sa akin, e.
Iniirita niya ako palagi!
Pero mali, dapat hindi na ako nanghingi ng favor tapos tinanggap ko na lang 'yung librong ibibigay niya. Kasi kung sa akin ginawa 'yung ginawa ko kanina, maiinis ako. Sabi pa naman ng papa ko, kung ayaw ko raw gawin sa'kin ay huwag na huwag kong gagawin sa iba.
Kainis!
Bakit nga ba ako nakokonsensiya e hindi naman 'yon nakokonsensiya?! Malay ko ba kung ano'ng nangyari do'n at nagbibigay ng peace offering.
Pakitang tao siguro?
Sinasalubong agad ako ni Archie pagkapasok ko sa gate pagkauwi kaya lumuluhod ako para haplusin ang balahibo niya.
"Hello, Archie!" Hinaplos ko ang kaniyang ulo at niyayakap na rin siya.
Isa siyang siberian husky na regalo sa akin noong five years old pa lamang ako. Ang sabi nina Mama kaibigan ko raw ang nag regalo kay Archie... kaso hindi ko naman maalala kung sinong kaibigan ba ang sinasabi niya.
May isa akong best friend na lalaki simula pagkabata pero kuripot 'yon. Sina Celene, Yna, at Anika naman ay noong elementary ko lang naging kaibigan, imposible namang sila dahil mulat na ako nung mga panahon na 'yon.
"Halika pasok tayo sa bahay..."
Pagkapasok namin sa bahay ay bumati lang ako kay Mama na gumagawa ng assignment kasama ang bunso kong kapatid. Nag-review lang din ako saglit sa aking kwarto pagkatapos kong mag-meryenda na nakatulugan ko rin agad. Gabi na nang magising ako.
Napabangon agad ako sa kama nung ma-realize ko na wala naman akong napag-aralan dahil tinamaan agad ako ng antok. Ch-in-eck ko ang oras at mag-a-alas otso na pala ng gabi. Napabuntong-hininga muna ako bago itinali ang sariling buhok.
Pagkalabas ko ng kwarto ay bumababa rin agad ako. Natatanaw ko si Kuya GL na nakahilata sa sofa. Nangingiti niya akong binabalingan nung tuluyan na akong makababa.
"Wow, Prinsesa! Good evening sa'yo!" panunuya nito.
I flash a smile without humor. "Kumain na kayo?"
"Opo, Ma'am! Kinakatok ko 'yung kwarto mo kanina hindi ka sumasagot. Four pa rin ba ng hapon ang uwi mo?" Bumangon siya mula sa pagkakahilata para mahinang hampasin ang braso ko. Hindi ko siya nagantihan dahil lumipat siya ng sofa, malayo sa madadaanan ko.
"Almost five na ako nakauwi kanina. Panget mo talaga."
Kinukusot ko ang aking mata habang tumitingin sa salamin na malapit sa hagdan.
"Kung ako panget, wala nang gwapo sa mundo," mayabang na anito. Umiirap lang ako at dumidiretsyo na sa kusina para sana kumain kaso naabutan ko ang mga magulang ko na parang nag-aaway.
"Mahal, kumalma ka nga muna..." Hinahawakan ni Papa si Mama sa balikat at pilit na pinapaupo.
"Paano ako kakalma? E-"
Bago pa man matuloy ni Mama ang kaniyang sasabihin ay pinutol na iyon agad ni Papa nang makita niya akong pumapasok sa kusina.
"Nak, Giana, uh..."
Napatingin din si Mama sa akin na biglang umaamo ang mukha.
Binibitawan ni Papa ang kaniyang balikat at sabay silang humaharap sa akin. Mukhang mga tensyonado.
"Ate, kumain ka na. Masarap ang ulam... paghahandaan na muna kita. Sige na, maupo ka na."
Parang mahika na biglang umaayos ang awra ni Mama nang makita niya ako. Ibang-iba sa naabutan ko kanina.
Ipinaghahatak ko ang sarili ng upuan habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.
"Papa, may problema po ba?" pagtatanong ko.
Umiiling ang mga ito at ngumingiti lamang. Nagpapatay-malisya.
"Wala anak, nag-uusap lang kami ng Mama mo. Kumain ka na muna..."
Tinatapik muna ni Papa ang aking balikat bago tuluyang umalis sa kusina.
Weird.
Napaisip tuloy ako dahil sa naabutan ko.
Nag-aaway sina Mama at Papa? Bakit? Tungkol saan?
Maraming naglalaro sa aking malikot na isipan. Ayokong manghula at mag-jump into conclusions. Pero baka naman nagkakalabuan na sila? O baka nahuli ni Mama na nagloloko si Papa?
Hindi naman siguro...
Hanggang sa natapos akong kumain ay 'yun ang laman ng aking utak. Iniwan ako ni Mama rito sa hapag kainan nang mag-isa at paniguradong sinundan niya si Papa.
Habang naghuhugas ay naalala ko na dapat na pala akong manghingi ng pang tuition fee, kaso hindi muna siguro ngayong gabi dahil baka makaistorbo ako sa kanila ni Mama.164Please respect copyright.PENANAvhFshGtOYY