Chapter 5
"Ate, gumising ka na raw! Lagpas alas-dose na tapos aalis ka pa raw! Baka hindi ka raw palabasin ni Mama!"
Nararamdaman ko ang mahihinang pagsampal sa akin ng nakababatang kapatid habang pilit niya 'kong ginigising. Tinatakpan ko gamit ng unan ang aking mukha.
"Sabihin mo susunduin ulit ako ni Celene. Kapag dumating siya saka mo ulit ako tawagin..." utos ko kay Giselle bago siya tuluyang pinagtatabuyan sa aking kwarto.
"Eh? Papaluin ako ni Mama kapag hindi kita napababa! At saka masarap ang almusal. Tinirhan ka namin ng scrambled egg saka ng hotdog! Ikaw kasi ang tamad-tamad mong bumangon nang maaga," pamimilit pa rin nito.
Tinatanggal ko ang unan na tumatakip sa aking mukha para titigan nang mas maayos ang bunso kong kapatid nang may mabibigat na mga mata.
Kung makapagsalita ay parang mas matanda pa siya sa akin.
Itinuturo ko ang pinto. "Bata, bumaba ka na. Babangon na ako!"
Ngumunguso siya sa akin sabay labas ng dila bago nagtatatakbo palabas ng aking kwarto. Umiismid ako kasabay pagbaling sa alarm clock at medyo nagulat dahil tama nga ang sinabi ni Giselle na lagpas alas-dose na!
Ilang minuto muna akong nagmuni-muni bago napag-desisyunan na bumangon at kumain na nga sa baba. Walang ayos-ayos o tingin man lang sa salamin ay nilalakad ko ang daan papuntang hapag-kainan. Mukhang wala si Papa dahil wala ito sa madalas niyang tambayan -- ang sofa.
Naabutan ko si Mama na naghihiwa ng mga gulay. Itinatali ko ang aking buhok bago naupo sa upuan sa tapat ng lamesa.
"Good morning, Ma..." I greet.
Pumapamewang siya sa harapan ko hawak ang isang kutsilyo. "Good afternoon na po. Anong oras ka na naman natulog kagabi at ngayon mo lang naisipang gumising?"
"Maaga naman po... medyo napasarap lang ng tulog."
Inosente akong ngumingiti. Kahit nagagalit ay kalmado pa rin ang boses niya. Sinusuri pa nito nang mabuti ang aking mukha bago muling bumalik sa kaniyang mga hinihiwa.
"Kahit kailan ka talaga..." anas nito at nagsisimula na naman sa pagpapangaral.
Kumukuha na ako ng pinggan at nagsasandok na rin ng pagkain habang nakikinig kay mama.
"Bukas, tulungan mo 'kong labhan 'yung binabad ko na puting damit, maaga tayo para maisampay agad at maarawan sa tanghali."
Tinapos ko muna ang aking pagkain at hinugasan ito sa sink bago nagmamadaling umakyat sa taas para makaligo na. Hindi ko pa nababanlawan ang shampoo at sabon sa ulo't katawan ko ay naririnig ko na ang malakas na pagkatok sa pinto ng banyo.
"Gi! Ang bagal mo! Akala ko pa naman gising ka na kanina pa! Kahit kailan talaga napakabagal mong kumilos! Bilisan mo na riyan!" Boses iyon ni Celene.
Natataranta tuloy ako sa pagbabanlaw dahil sa kanya.
Hindi ko naman akalain na makakarating sila nang hindi pa ako nakakapag-ayos kaya nakatapis lang ako habang lumalabas ng banyo. Napapansin ko na ang nakabukas na pinto ng kwarto ko kaya agad akong lumalakad papunta roon. Naaabutan ko nga silang tatlo na nasa loob at nakahiga sa aking kama habang may kinakain na junk food.
"Nanguha na naman!"
Napapanguso ako dahil 'yung paborito ko pa ang napagdiskitahan nilang kainin mula sa 'king food stash.
Nagmamadali na lang akong namimili ng damit mula sa aking cabinet. Tawa na naman sila nang tawa dahil sa pinagkukuwentuhan. Ako ang huli nilang sinundo katulad ng palaging nangyayari. Magkalapit lang naman kasi ang bahay nina Anika at Celene at madadaanan lang si Yna papunta rito sa amin.
Nagsuot ako ng isang pink na t-shirt at itim na leggings na pinaresan ko ng puting rubber shoes.
"Nung nagpaulan ng..." itinuturo ni Celene ang kaniyang dibdib habang ngumunguya ng chichirya. Nakatihaya siya sa kama ko. "Nakaidlip ka siguro, 'no?" Sabay tawa nito.
Hindi ko alam kung nagtatanong ba talaga siya o nang-aasar, e.
Kinakapa ko ang aking dibdib at sumasakto naman ang kamay ko sa cup nito. Kahit papaano may nahahawakan naman ako! Salbahe talaga 'tong babaeng 'to!
"Nakaidlip lang. Pero nakasalo pa rin naman ako. 'Di tulad mo nung nagpaulan ng good manners, knock-out ka sa kama," balik kong panunuya.
Mabilis na lumilipad sa ere ang isang unan na agaran kong iniiwasan. Tumatawa lang siya nang ihagis ko ulit pabalik sa kanya ang unan.
"Ang bait-bait ko kaya!"
"Tita! Alis na po kami!"
Isa-isang nagpapaalam ang mga kaibigan ko kay Mama habang nananalamin ako sa sala namin. Kinukulit ako ni Giselle na gusto raw niyang sumama pero hindi naman pwede kaya hinahalikan ko na lang ito sa ulo.
"Yna, ikaw na ang bahala sa mga kaibigan mo," pagpapaalala ni Mama habang tinatanggal ang pagkakakabit ng apron sa kanyang likod.
Nagbibilin pa siya ng kung ano-ano bago kami hinatid sa labas. Kahit si Archie ay nagpapaalam sa amin nang naglalambing ito sa may paanan ni Anika.
"Lapitin ka talaga ng mga aso, girl," panghahamak ni Celene sa kaibigan.
Nginingitian ko ang aso ko at nangako ng pasalubong sa kanya mamayang pag-uwi ko.
Magkakatabi kaming tatlo nina Anika at Yna sa likod ng SUV samantalang si Celene ay nauupo sa front seat. Kumportable na agad ako dahil eto naman ang laging gamit na sasakyan ni Celene at hindi ito ang first time na makakasakay ako rito.
"Hello, Kuya Leo..." bati ko sa bunsong kuya ni Celene nung bumalik ito sa loob ng sasakyan matapos batiin si Mama.
"Hello, Giana. Kumusta na? Ako muna ang maghahatid sa inyo at wala si Manong Tino," he greets back.
Nakikita ko pa siyang ngumiti sa rear-view mirror dahilan para impit na mapatili ang malanding katabi ko na nagngangalang Anika.
"Pogi!"
Napapailing na lamang kami sa kahihiyan.
"Anika..." saway ko sa kaibigan. Kinakagat niya ang kanyang labi at sumiksik sa akin. "Sorry po, Kuya. Hindi lang 'to nakainom ng gamot," pagbibiro ko.
"Mag-drive ka na nga diyan, Sangko, hindi 'yung nagpapa-cute ka pa. Sumbong kita kay ano," pananakot ni Celene sa kanyang kapatid na wala namang ibang ginawa kundi ang ngumiti.
Pogi nga naman kasi talaga ito at kung hindi lang talaga mataas ang tingin ko rito ay matagal ko na siyang ginawang crush. Kaso kasi 'yung image niya kagalang-galang... parang nakakahiya naman na magkagusto ang isang tulad ko na mukhang alila.
Hindi naman sa sinasabi ko na hindi kagalang-galang ang itsura ni Dennis, pero kasi bata pa siya, sakto lang para sa akin... samantalang si Kuya Leo, unang tingin pa lang alam mo nang malayo ang mararating sa buhay.
"Wala ka pong pasok ngayon?" pagtatanong ko habang nasa byahe kami.
"Mamaya pa ako papasok pagkahatid ko sa inyo. May ganap kasi sa school," he answers.
Isa pang rason bakit kahit gwapo siya ay hindi ko magustuhan, ay dahil best friend ito ng Kuya GL ko magmula high school.
"Oo nga pala, si Diko ang nag-volunteer na sumundo sa inyo mamaya," aniya habang kinokontrol ang manibela.
"Ayoko! Kung ano-ano na namang ike-kwento nu'n na mga kabulastugan e," angal ni Celene sa front seat.
"Wala kang magagawa. Nagsabi siya kanina habang nag-aayos ka."
Mabilis lang ang naging byahe namin kahit medyo traffic. Weekend kasi kaya maraming tao, pero dahil wala namang mga jeep papunta sa mall ay naging maluwag din agad ang daan.
Hindi na nag-park si Kuya Leo at ibinaba na niya kami kaagad sa may loading zone kung saan maglalakad pa kami para makapunta sa may entrance ng mall. Kumakaway ako sa kanya bilang pamamaalam.
"Ingat kayo. Ilayo niyo si Celene sa gulo! Yna, 'yung mga kaibigan mo," paalala nito.
Ang dating tuloy ay si Yna ang guardian namin dahil siya lang ang pinagkakatiwalaan.
"Ingat po!" sagot naman ni Yna habang kumakaway rin.
"Enjoy!" huling sinabi nito saka itinataas ang bintana ng sasakyan at pinapaandar na ito palayo.
"Sweetheart..."
Magkukunwari pa sana si Anika na hahabulin ang sasakyan kundi lang biglang pinaghahahatak ni Celene ang kanyang mahabang buhok para ilapit sa kanya.
"Hoy, Maria! Masyado kang malantod! Lahat ng kuya ko gustong patusin, girl?"
Inaayos ni Anika ang nagulo niyang buhok at naiinis na bumabaling kay Celene.
"Para more chances of winning!"
Nagyaya na rin naman kaagad si Anika na pumasok nung matanaw nito ang isang sikat na clothing brand sa bungad pa lamang ng mall. Iyon kaagad ang nakikita ng isang 'to.
Tahimik lang naman kaming dalawa ni Yna habang sumusunod doon sa dalawa at patingin-tingin ng mga magagandang damit na kakasya sa amin. Hanggang tingin lang muna ngayon at walang budget.
Hindi naman nagpapatalo si Anika at basta kasya at maganda sa kanya, binibili kaagad. Samantalang si Celene naman iyong pataas-taas ng kilay habang pinapanood si Anika. Taga-panghusga pa siya ng mga napipili nitong damit.
Nakikisiksik ako sa mga kaibigan na nasa harap ng isang malaking salamin habang nagbabarahan ang mga ito.
Inilalagay ko sa harap ko ang isang dress na kulay gray. I smile as the hem of the dress touches my knee. Ang ganda.
"Malaki sa'yo 'yan, Gi. Kuha ka ng mas maliit na size. Bagay sa 'yo! Let's get you one!" ani Celene habang inaagaw sa kamay ko ang hanger na pinaglalagyan ng dress.
I curl my lips inward before explaining. "Hindi naman ako bibili nito, e... tumitingin-tingin lang."
Sumulpot bigla sa aking gilid si Yna na tinitignan naman ang sarili sa salamin.
"Libre ko na lang?"
Iniilingan ko na kaagad ang alok ni Celene. Hindi naman 'to importante. Mas maraming murang damit sa mga tiangge!
"Huwag na, hindi naman importante 'to saka marami pa akong damit sa bahay!"
Nagtataas ito ng kilay ngunit sa hindi masungit na paraan. "Ano ka ba? Manlilibre ako kapag gusto ko manlibre! Card ni Diko! Ubusin natin ang laman," aniya at kumukuha na nga ng ibang size no'n.
Sinusubukan kong pigilan si Celene pero ugali naman talaga nito na hindi nagpapapigil sa anumang bagay.
Kapag gusto niya, gusto niya.
"Ang hilig mo manlibre," anang ni Yna habang nakahalukipkip at pinagmamasdan ang kaibigan namin. "Magtipid ka!"
Celene smirks. Hindi ito magkandaugaga sa pamimili ng damit sa rack. "Syempre! Kaysa naman sa akin lang napupunta lahat ng 'to, 'di ba? Sharing is caring! Wala naman pinupuntahan 'yung pera no'n kundi puro sa mga babae niya. Bawasan man lang natin, girl!"
Ngumingiwi ako. "Eh? Basta isang damit lang tapos okay na, ha?"
Hindi niya nga lang ako napansin at kung ano-ano na ngang mga boutique ng damit ang napasok namin. Ito mismo ang namili ng gusto niyang disenyo at kinuhanan kami ng sari-sariling size.
Dalawa na agad ang hawak na paper bag ni Anika pagkalabas namin ng huling boutique na pinasukan, samantalang 'yung aming tatlo nina Celene ay nasa iisang paper bag lang na ako ang may hawak.
"Tuwang-tuwa ka na naman, Maria?" pang-aasar ni Yna dahil malaki ang ngisi ni Anika habang kami'y naglalakad.
"Syempre, girl! Hello! This is heaven!" maarteng sagot ni Anika at pumapamewang pa.
"Heaven-heaven, sakalin kita para mapunta ka na talaga ng langit!" pambabara nitong si Celene.
Agad na rumebat ang isa. "At least sa langit punta ko! Eh, ikaw?" balak sanang hatakin ulit ni Celene ang buhok niya pero agad na umiiwas si Anika. "Teka, girl! Buhok ko na lang lagi puntirya mo!"
"Oo, talagang buhok mo pupuntiryahin ko! Isang araw kakalbuhin na lang kita, makikita mo."
Hinahayaan na lang namin silang dalawa na mauna sa paglalakad habang dumidistansya kami ni Yna. Nakakahiya talaga 'tong dalawang 'to kapag magkasama, laging nagbabarahan.
Dahil planado na namin ang sunod na pupuntahan namin ay agad na kaming dumiretsyo sa arcade sa third floor. Walang halos tao sa loob ng arcade pagkarating namin kaya mabilis kaming nakapagpapalit ng tokens. Hindi ako mahilig magsayang ng pera sa claw machines kaya doon ako sa car race dumiretsyo. Hinahayaan ko ang mga kaibigan ko na magkantahan sa karaoke na may maliit na entablado.
Ilang beses akong nabangga sa pagmamaneho hanggang sa makuha ko kung paano ito laruin nang maayos. Medyo dumadami na rin ang mga tao at naririnig ko pa rin ang boses ni Celene na kumakanta. Mamaya namamaos na 'yan pagbaba niya ng stage.
"Talo na 'yan, 'di marunong magmaneho, oh. 'Di ka makakapasa sa driving test niyan," rinig kong komento ng nasa likod. Nililingon ko ang katabing upuan na may naglalaro rin pero mukhang unbothered naman s'ya.
Hindi ko na lang pinapansin at sa dami ng tao na naglalaro ngayon ay imposibleng sa akin ang patama na 'yon. Naghuhulog na ulit ako ng token at hinihintay na maproseso ang laro.
Ikinagugulat ko nung may biglang nagbababa ng cup of ice cream sa may screen ko. Nang lingunin ko ang nagbaba nito ay tinatalikuran na ako ng lalaki at papaalis na.
"Uy!" I grab my bag pati na ang ice cream para sundan ang lalaking nakasuot ng mustard sweater. Mabibilis ang hakbang niya kaya nahihirapan akong habulin. "Bakit ka nandito? Sinusundan mo ba ako?"
Ayoko mang mapamilyar sa kanya e sa tagal na naming magkakilala at sa mga pang-aasar niya sa akin, alam ko na ang hubog ni Draven.
Bumababa ang tingin niya sa akin nung tuluyan kong harangan ko ang dinaraanan niya. Bahagya siyang ngumunguso. Iminumuwestra ko ang ice cream na hawak.
"Sinusundan? Sino kaya ang humabol sa akin palabas ng arcade?" mapanghamak nitong aniya.
I roll my eyes unconsciously. Natatawa siya.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" Matalim ko siyang tinititigan. "Sino'ng kasama mo? Si Dennis?"
Malas lang ba talaga ako at bakit sa lahat ng pupuntahan ko ngayon ay nando'n din s'ya?
He frowns. "Iyo ba 'tong mall at bakit parang bawal akong pumunta? Daig mo pa guard, ah?"
Humihinga ako nang malalim. May point naman ang sagot niya pero hindi naman 'yan matinong sagot ng tao!
"Ewan ko sa 'yo, Draven. Ice cream mo, oh!" Tinutulak ko sa dibdib niya ang hawak na cup. Napatingin muna siya roon bago muling ibinabalik ang tingin sa mga mata ko.
He sighs. Pinapatunog niya ang kanyang labi na parang namomroblema. Ang mga kamay niyang kanina'y nasa bulsa ay pinagkukrus na niya ngayon sa kanyang dibdib.
"Iyo na 'yan, Giana," aniya sa mababaw na boses. "Maglalaro sana ako sa arcade kaso nakita kita. Alam kong tatalon lang ang isip mo kapag nakita mo ako doon at sasabihin mo lang sinusundan kita. Asa ka," he says the last phrase with emphasis. Nilalapit pa nito ang mukha sa akin kaya lumalayo ako.
Ngumingisi ang loko. "Nakuha ko 'yan sa claw machine, iyo na."
Nananantsa ko siyang tinititigan. Nagkibit-balikat lang ito habang nakangisi. Parang mali na tanggapin ko ang ice cream pero parang mas mali na tanggihan siya.
He tilts his head while looking at me. Ngising-ngisi pa rin ang aso. "Ano, sasama ka ba sa akin? Ibubulsa kita?"
I scowl at him at saka gumigilid para makadaan ito. Bahagya siyang humahalakhak.
"Minsan nga kapag nakita mo ako, huwag ka nang lumapit pa. Iisipin ko lang talaga niyan sinusundan mo ako," anang ko sa kanya. Saglit kong ibinabalik ang tingin sa bungad ng arcade na marami nang taong pumapasok.
He's already scrunching his nose when I look at him again. "Maliit ang mundo, Giana. Kung madalas mo akong maisip, talagang palagi mo akong makikita. Huwag mo akong isipin para hindi ako nahahatak kung nasaan ka," he smugs.
I find myself baffling by what he says. Hindi ko na kayang kausap ang lalaking 'to! Nababaliktad ako!
"Bahala ka na sa buhay mo. Bye!" pamamaalam ko at umalis na nang hindi lumilingon.
"Bye, crush!" pahabol pa niya.
Diyos ko talaga. Naaalala ko na naman ang mga pagkakataon na lagi kaming nagkikita sa labas ng campus. Hindi ito ang una, mas lalong hindi ito ang pangalawa, o pangatlong beses. Makakasalubong ko 'yan madalas sa may Poblacion o kaya sa Santa Imelda kapag kakain ako sa paborito kong kainan. Hindi kami nag-uusap pero alam kong nakikita niya rin ako. Panay sulpot siya na parang kabute at lumala pa yata lalo ngayon!
"Ano'ng nangyari sa'yo? Nawala ka sa car race, ah?" tanong ni Yna nang lumapit ako sa kanila. Nasa basketball ring naman sila ngayon at busy mag-away si Anika at Celene.
"Lumabas lang ako saglit," sagot ko bago ibinababa ang tingin sa hawak na ice cream.
Nakakasira talaga ng araw. Pakiramdam ko may bumubulong sa lalaking iyon kaya alam niya kung saan din ako naroroon.
Nakatulala lamang ako at malalim ang iniisip habang nakaupo na ngayon sa loob ng isang pizza parlor. Pilit kong inaalis sa utak ko ang mga nakita kahapon at ang mga sumunod na nangyari pagkatapos nu'n. Nakita ko pa kasi si Draven kaya pati iyon naaalala ko.
"Hoy, Gi! Ayos ka lang? Pahingi kako ng tissue?" Kunot ang noo ni Celene habang nakatingin nang diretsyo sa akin. Natataranta ko namang ibinibigay sa kanya ang hinihihingi nito.
Ginagatungan na ni Anika ang pamumuna niya. "Kaya nga, eh. Kanina ko pa pinagmamasdan parang ang laki ng problema."
"Huh? Ako? May naisip lang akong importante..." sagot ko sa kanila bago tuluyang isubo ang pizza na in-order ng kaibigan. Alam naman nila na paminsan-minsan talaga ay lumulutang ang isipan ko.
Mabuti na lang at agad na nag-iba ang pinag-uusapan namin.
"Punta kayo sa party ko, okay? Sweet sixteen!"
May inaabot sa aming sobre si Anika na kulay lavender na paniguradong invitation para sa sinasabi niyang birthday party nung matapos kaming kumain.
"Ba't ang aga mo naman magbigay ng invitations?" pagtatanong ni Yna habang binubuksan ang sobre na iyon.
"Inuna ko talaga kayong bigyan. First layout kasi 'yan, e nae-excite na ako," sagot ni Anika na sumisipsip sa kanyang juice.
Binubuksan na rin ni Celene ang invitation. "Saan naman 'to gaganapin?"
"Uso magbasa, girl! Kaya nga may ganiyan, so ano'ng silbi?" pilosopong sagot ni Anika kaya binabalingan siya ni Celene nang may nanlilisik na mga mata.
Bahagya tuloy akong natatawa.
"Charot, girl. Love you!" Humahagikgik ang babae. "Sa isang branch ng hotel namin? O baka sa resort. Not sure, baka mabago pa..."
"Bakit hindi na lang sa may bakuran niyo, ang laki rin doon," I suggest.
"Mas okay na rin iyan. Kayo lang naman and ibang kaklase ang inimbitahan ko. The rest puro relatives na..."
Hindi ko na binuksan pa ang akin dahil nakalantad naman na iyong kay Celene. May nakasulat doon sa papel na isang malaking sixteen at kung kailan iyon gaganapin na sakto naman sa araw ng totoong kaarawan niya.
"Para ka namang magde-debut nito. Pati pala sixteen cine-celebrate?" Sinisipat ko ang papel habang sinasabi iyon. Mukhang kahit invitation niya ay pinagkagastusan.
"Ganoon talaga kapag walang kapatid na kahati sa mga bagay-bagay. Lahat ng yaman nila, dyan mapupunta sa babaitang 'yan."
Agad na pinabubulaanan ni Anika ang sinasabi ni Celene. "Hindi, ah! Baka ikaw, Celene. Future gas girl."
Napapaismid ako sa usapan ng dalawang humble na 'to. Kami nga kahit kumpanya wala, samantalang silang dalawa maraming family business.
"Halika na, Gi! Alis na tayo." Nagbibirong tumatayo si Yna.
Ang magulang ni Yna ay kapwa OFW kaya naiiwan sa kaniyang lola ang pangangalaga ng mga kapatid niya at kapag dumarating galing school ay nagpapalit sila.
Ang pamilya ko naman ay may franchising business. Usually ay convenience store at merong isang food chain, 'yun na ang pinakamalaki. Si Papa ang naghahawak tutal iyon din naman talaga ang tinapos niyang kurso nung kolehiyo.
"Gusto ko may intermission number kayong mga best friend ko sa party. Dapat ikaw, mag-violin ka o kaya kumanta." Tinuturo ni Anika si Yna. "Ikaw naman, Gi, sumayaw ka! Si Celene naman... wait, girl, wala kang talent, e?"
Sumasama ulit ang tingin ni Celene na muling nagpapatawa sa aming lahat.
"Joke lang! Bahala ka na. Basta gusto ko mag-perform kayo, ah? Lalo ka na, Gi! Ipakitang gilas mo naman 'yung talent mo sa pagsayaw," bawi ni Anika at bumabaling sa akin.
Hindi man ako nabiyayaan ng magandang boses, magaling naman daw akong sumayaw. Sinasali kasi kami dati ni Mama sa mga workshop, nahinto lang nung nag-teenager ako kasi nawalan na ng oras. May dance group nga ako dati kaso mas pinili kong mag-focus sa pag-aaral.
Nagkukwentuhan pa kami habang kumakain at ine-enjoy ang oras naming magkakasama. Hindi nga lang dito natapos ang malling namin dahil nag-aya na naman si Celene na pumunta naman ng department store.
"Ayoko ng may hook. Mas gusto ko nga 'yung sports kasi mas komportableng gumalaw... parang nakasando lang!"
Ako ang nahihiya dahil sa bibig ng kaibigan ko. 'Yung mga saleslady napapatingin na lang sa kaniya habang hinahawakan niya 'yung mga foam ng bra.
"Mag-silicon ka na lang tapos itapal mo na rin diyan sa bibig mong maingay."
Tahimik lang kaming dalawa ni Yna habang pinapanood na magbarahan ang dalawa naming kaibigan. Hindi ko alam kung aawat ba ako sa kanila o ano. Sanay na sanay na 'ko sa bibig ng dalawang 'to.
"Mamili ka na lang, Celene..." angal ko.
Hindi kasi matatapos 'tong mga 'to kung salungat sila ng gusto. 'Yung totoo, sino ba talagang magsusuot ng bra na 'yan?!
Iniwan ko na lang muna sila roon at nagsarili sa pagtingin naman ng damit. Mukhang hindi rin naman bagay sa akin ang mga nandito sa section na 'to. Kumukuha ako ng isang natipuhan at inihaharap ito sa salamin. Hindi bagay!
"Ma'am, ano po'ng hanap nila?"
Nginingitian ko lamang ang saleslady na nagpa-pressure sa 'kin.
Wala akong matipuhan sa mga damit na tinitignan at kung meron man ay wala naman talaga akong budget. Paglingon ko pa sa mga kaibigan ko ay ayun na naman si Anika at balak pang magsukat.
Natatagalan kami lagi sa kaartehan ni Celene at Anika. Gusto kasi nilang lumibot-libot at nagpapalusot pa na para raw bumaba ang kinain namin.
Sus, gusto lang talagang magwaldas ng pera.
"Si Diko nga pala nasa parking na daw," ani Celene matapos ang sampung taon na pagsho-shopping nila.
Pati sa mga home decor ay nakarating pa kami kaya naman napakasakit ng paa ko!
"E 'di puntahan na natin," luminga-linga ako at napansing nawawala si Yna. "Asa'n si Yna?" tanong ko.
Nalingat lang ako saglit at naupo ay nawala na! Sabi pa nga niya kanina ay pagod na raw siya.
"Lumabas na yata... huwag muna kayong umuwi, ah? Nood tayo movie sa bahay saka nag-bake ako ng cake kahapon, tikman niyo!" anang Celene sabay kuha ng paper bag mula sa kahera.
Tumatango na lamang ako. Kinukuha ko pa ang resibo na kakaabot lang sa kaniya at nalaglagan ng bibig nung mapagtanto ang presyo ng lahat ng iyon. Higit na mas malaki ang bill ni Anika na kung ano-ano na lang ang binili. Tr-in-y naman namin siyang pigilan pero sabi niya ay kailangan niya raw ang iba ro'n.
Ano naman kayang gagawin niya sa mga pailaw? Sa mga basurahan? Sa sandamakmak na pink na mug?
Bigla na lang din sumusulpot si Yna sa tabi ko at sabay-sabay kaming naglalakad sa parking lot habang nagkakagulo.
Napapailing ako.
Masayang kasama ang mga kaibigan ko pero kinakailangan talaga ng mahabang pasensya at drum ng enerhiya para makasabay sa kanila.
Pero sa totoo lang, kahit magulo at puro barahan ang kadalasang maririnig sa amin, hindi ko kailanman ipagpapalit ang pagkakaibigan na meron kami.
Dahil kahit magkakaiba kami ng karakter at katayuan sa buhay, nagkakaisa kami. Pinagbuklod kami ng isang tiyak na katangian na meron kaming lahat — at ito ang pagiging mabuting tao.
Saka kagandahan, syempre.153Please respect copyright.PENANA5w1tayxD0a