Chapter 6
"Giana, mag-almusal ka muna," anyaya ni Papa habang busy ako sa pagpuno ng tubig sa aking lalagyan.
Iniilingan ko siya.
"Hindi na po, Pa, baka mahuli na po ako," pagpapalusot ko kahit trenta minutos pa naman bago mag-alas syete.
Sumisimangot si Papa habang mataman akong pinagmamasdan.
"Hindi ka naman siguro male-late kung kakain ka muna. Dalhan mo na lang ang teacher mo kung magagalit," anito habang tinuturo ang upuan sa kaniyang tabi.
Hindi ko alam kung nagpapatawa ba ang tatay ko o seryoso siya sa sinasabi niya. Wala na akong iba pang nagawa kundi ang sumunod. Bibilisan ko na lang ang lakad ko mamaya.
"Si Giselle isabay mo muna dahil kanina pa umalis si GL, didiretsyo ako ng tindahan pero mag-aayos muna ako ng kailangan papeles. Mag-jeep kayo, ingatan mo ang kapatid mo," anang Papa.
Sakto naman ang pagdating ng kapatid kong bunso rito sa kusina. Gusto ko sanang magreklamo. Paano ako makakalakad nang mabilis nito kung kasama ko s'ya?
Hindi ako nagtagal nang limang minuto sa lamesa at agad ding tumayo para hugasan ang pinagkainan. Nang matapos doon ay sinusubuan ko naman ang kapatid kong bunso.
"Bilisan mo..." bulong ko sabay subo ng isang punong puno ng pagkain na kutsara sa bibig nito.
Si Papa talaga ang madalas naghahatid kay Giselle sa school kapag papasok ito. Minsan si kuya kapag nandito siya sa bahay. Iba ang school ni Kuya dahil nag-aaral siya sa isang University sa kabilang bayan kung saan kumukuha ito ng medicine-related course, medyo malayo kaya every two days lang siya kung umuwi.
Kulang na lang ako na rin ang magbuka sa bibig ng bunso namin para mapabilis lang siya ngumuya. Mukhang wala akong choice kundi sumakay dahil male-late na talaga ako kung maglalakad pa kami.
Sampung minuto na lang ang natitira nung magpaalam kaming magkapatid sa magulang namin.
"Ate, may baon ka pa ba?" tanong ni Papa na naglalabas ng pera sa kaniyang wallet sabay inaabot iyon sa akin.
"Hindi na po, Pa... may ipon po ako," pagtatanggi ko at sinisimulan nang hatakin ang aking kapatid palabas. "Salamat, Papa. Ingat po kayo! Alis na kami."
Wala na akong naririnig pa nung nakalabas na kami ng gate. Tulog pa ang aso naming si Archie kaya hindi ko na ito inistorbo.
Hawak ko ang isang kamay ng aking kapatid habang naglalakad kami papunta sa sakayan ng jeep. Hindi ko namalayan na halos kaladkarin ko na pala siya.
"Ate! Saglit lang!" reklamo niya habang sinasabayan ang mabilis na lakad ko.
Tanaw mula sa pwesto namin ang isang maluwag na jeep na nakatigil sa may kanto. Sabay kaming tumatakbo para makaabot doon. Buti at mabait 'yung driver dahil hinintay talaga niya kaming makasakay.
Mabigat ang aking paghinga nang makaupo na kami sa loob nito.
"Magbaba-bye pa sana ako sa friend ko, Ate!"
Mukhang hindi napagod si Giselle sa pagtakbo dahil 'yun pa talaga ang unang sinabi niya sa akin.
"Sinong friend?" I curiously ask.
Wala naman siyang nakukwento na kaklase niyang kapitbahay namin. Wala din naman siyang kaibigan doon sa subdivision. Puro mas matatanda kasi sa kanya 'yung mga batang naglalaro, karamihan pa mga batang lalaki.
"Iyung nasa puno ng mangga. Maaga nga siya ngayon e," sagot nito.
Natitigilan ako sa pagkuha ng pera sa aking coin purse dahil sa sinasabi niya. Kung kanina ay hinihingal ako, ngayon ay parang malalagutan naman ako ng hininga.
Napakurap-kurap ako habang tinitignan ang inosenteng mukha ng kapatid. Sabi-sabi ng mga kapitbahay, may maligno raw na nakatira ro'n sa puno ng mangga sa tabi ng aming bahay.
Kung gano'n nga, baka minamaligno ang kapatid ko?!
"Sabihin mo nga sa akin kung ano'ng itsura niya..." utos ko bago inabot ang bayad namin sa drayber.
Walang pag-aalinlangan na sumasagot si Giselle. "Siya? Mabait siya, Ate..."
"Kinakausap ka ba niya? Paano kayo nagkakausap? Saan ka niya dinadala?"
Tina-try kong hulihin kung gumagawa lang ba siya ng kwento.
"Nandu'n lang siya kapag free time daw nya. Basta, Ate Gi. Huwag ka na lang matanong."
Kailan pa nagkaroon ng schedule ang mga engkanto? Ano 'yun? Palipat-lipat siya ng puno?!
Nasisiraan na ata ng bait ang kapatid ko. May imaginary friend!
"Ano nga'ng itsura? Nakaputi? Malaki ang tenga?"
She shakes her head with hand gestures pa. "Hindi! Iba-iba. He always wears headband sa neck niya o 'di kaya sa ulo niya. Kaso kakaibang headband... malaki 'yun! May tig-isang bilog sa left ear tapos right ear niya... and may music..."
Nangungunot ang aking noo.
At may designated uniform pa pala sa isang araw ang engkanto!
"Ano'ng pinag-uusapan niyo?" pagtatanong ko ulit.
She giggles. "Secret! Bawal sabihin!"
Napapailing na lamang ako dahil sa kahibangan niya. Sigurado akong may imaginary friend lang ang kapatid ko, o 'di kaya pinagti-trip-an na naman niya ako dahil alam niyang takot ako roon.
Tumitigil na ang jeep sa may loading zone ng aming eskwelahan at sinasalubong kami ng isang guard sa pagbaba namin para makadaan kami nang maayos.
Sinusuklay ko gamit ang aking mga daliri ang lumilipad na buhok at inaayos na rin ang aking uniform bago balingan ang aking kapatid. Ilang minuto na lang paniguradong magbe-bell na. Masamang nahuhuli sa klase kapag Lunes dahil may parusa talaga. Hindi ko alam kung bakit nawala 'yun sa loob ko kaya huli akong nagising ngayon.
Lakad-takbo na ang ginagawa namin para makarating sa building ni Giselle. Ang dami ko pang naging paalala bago ko siya pinakawalan. Pakiramdam ko nga ayun talaga ang magpapa-late sa akin, e.
Nung makasigurado na ako na maayos na siya ay takbo ulit ako papunta naman sa building ko. Sa awa ng Diyos, mabilis akong nakarating pero marami namang sakay ang elevator. Nag-alangan pa ako kung gagamit ng hagdan bilang nasa fifth floor pa ako!
Nakakailang pindot na ako sa elevator para bumukas iyun nung masaraduhan ako dahil sa dami ng sakay. Nang sa wakas ay nagbubukas na ang isa ay agad na naman itong dinudumog ng ibang mga estudyante.
Napuno iyon agad at ni hindi man lang ako nabigyan ng chance na sumiksik.
Gumagamit na ng hagdan 'yung ibang kasabayan ko habang ako ay nandito, matatag, naghihintay ng elevator.
Ang tagal! Late na ako!
Hanggang sa tumutunog na nga ang kinatatakutan kong bell. Kinakatok ko ang elevator, umaasa na bubukas ito bigla. Out of order kasi 'yung isa kaya talagang dinudumog itong kabila.
"Hijo, out of order 'yan," bago pa ako makapagdesisyon na gumamit ng hagdan ay narinig ko na ang janitor na nagsalita sa gilid ko kaya napalingon ako sa kaniya.
Agad kong nakilala kung sino ang kinakausap nito.
Nagdidikit si kuyang janitor ng papel sa isang elevator na may nakasulat na out of order iyon bago s'ya mabilis na umalis.
Tinatanggal ni Dennis ang headphones sa kaniyang ulo habang binabasa ang nakasulat sa papel. Umiiwas agad ako ng tingin at napapalunok nang higit sa sampung beses!
Sakto naman at bumubukas na ang elevator sa harap ko at wala itong laman na kahit sinong estudyante. Nagdalawang-isip pa ako kung papasok ba ako pero syempre pumasok din ako dahil naalala ko na late na nga pala kami.
Sumusunod si Dennis na hindi man lang ako tinitignan. Pero okay lang! The fact na nasa iisang elevator lang kami at magkasama ay nakakahimatay nga naman talaga.
Ang bait-bait ng tadhana ngayon, ah? Pinaglalapit kami!
Sumisiksik ako sa gilid at siya naman ay nasa harap ng pinto ng elevator. Hindi pa nagsasarado 'yun kaya nagkusa na akong pumindot sa button para sana wala nang iba pang makapasok kaso nagkasabay kami at muntikan nang magdikit ang aming mga daliri!
Halos sumabog ang puso ko. Hindi naman iyon nagdikit pero para akong kinuryente...
"Ako na..." aniya sabay pindot sa floor namin.
Triple na ang pagtibok ng puso ko at feeling ko anytime ay pwede akong atakihin. Humahawak pa ako sa handrails para alalayan ang aking sarili. Nanlalambot ang tuhod ko at pakiramdam ko ay napakatagal ng takbo ng oras. Minsan lang mangyari 'to!
Hindi ko na magawang problemahin ang late ko dahil sa presensya niya. Kagat ko ang labi ko habang nakatitig sa kanyang likod.
Kung ganito naman lagi tuwing male-late ako, e 'di papa-late na lang ako araw-araw!
Kaso lang biglang tumigil sa pagsara ang elevator na nagpatigil din sa kasiyahan ko.
Teka? Bakit biglang nausog?!
Wala pa nga kaming ten seconds magkasama ay may eeksena na kaagad!
Pagbukas ng elevator ay bumungad agad ang pagmumukha ni Draven na hinahabol ang kanyang paghinga.
"Wow. Good morning, Dennis," bati niya sa kaniyang kaibigan at nakipag-fist bump pa kahit sa akin naman talaga nakatingin. Partida at nahihirapan pa siyang huminga at parang namimilipit.
Malisyoso masyado ang titig nito habang papasok ng elevator. May iilang butil na rin ng pawis akong nakikita na nahuhulog mula sa kanyang noo habang papalapit sya sa akin. Pinaniningkitan ko siya ng mata bago irapan.
Sinasabi ko na nga ba't pinatikim lang ako ni tadhana ng saya.
Tumatabi sa akin ang kupal na lalaki kaya sinisiksik ko lalo ang sarili ko sa sulok. Rinig na rinig ang mabilis na paghinga niya.
Tumakbo ba ito?
"Huwag kang OA, hoy. Ang layo pa niyan," pamamansin nito sa paglayo ko.
Iniirapan ko siya. "Heh. Ayoko sa'yo," bulong ko dahil ayokong marinig kami ni Dennis.
"Sino'ng gusto mo kung gano'n?" pang-uuyam nito saka mapang-asar na ngumingiti.
Pumipikit ako nang mariin at hindi na siya pinapansin. Ayokong magwala. Kahit nakasuot ng headphones si Dennis ay malapit lang siya kaya hindi ako pwedeng mag-transform into a monster.
Pagbukas ng elevator ay lumabas agad si Dennis. Akala ko susunod agad si Draven kaya nanatili muna ako ngunit hindi naman nito ginawa.
We look at each other. Nagtatantsahan pa.
"Ano na hoy? Bilisan mo kaya?!" singhal ko.
"Ladies first," aniya. Tinataasan ko muna siya ng kilay at lalabas na sana ng elevator pero inunahan din naman niya ako kaagad. "Kaso hindi ka nga pala lady." Kumikindat pa siya sabay tawa.
Ang sama ng tingin ko rito habang naglalakad kami. Hindi ba siya matatalisod bigla para man lang makabawi ako?
"Wait lang, Lapid, Cruz, Velasquez... hindi na kayo pwede, e. Utos ni Ma'am Sandigan na kapag na-late raw ngayon, hindi na pwedeng dumiretsyo sa kanilang classroom. Sa quadrangle daw hanggang ten o'clock."
Hinaharangan kami ng isang student officer.
Nakapamewang si Dennis sa isang gilid habang nakatingin kay Draven.
"Huh? Ang aga pa, ah! Wala pa ngang flag ceremony!" I react.
"Tumunog na ang bell. Alam niyo naman ding Lunes ngayon at bawal ma-late," sagot nung isang officer na para bang kasalanan ko pa na hindi gumana ang isang elevator at may stampede!
Sinubukan ko pang mag-rason para hayaan nila kami na makapasok ng classroom pero parang plinano nila na makahuli talaga ng estudyante, at nagkataon naman na kabilang ako sa mga nabingwit.
Pinipigilan kong maiyak dahil sa frustration pero hindi ko talaga kayang magpigil ng luha lalo na kapag naiinis ako! Akala ko pa naman ang bait sa akin ng tadhana ngayon.
Kasalukuyan kaming nakaupo sa mga monobloc chair sa gitna ng quadrangle. Buti nga sana kung marami kami o kaya kaming dalawa lang ni Dennis, kaso tatlo lang kami at nandito pa ang madaldal na Velasquez! Sobrang nakakahiya pa dahil pinagtitinginan kami ng ibang college students.
"Sana tambay na lang tayo sa iba't ibang classroom, malamig pa," reklamo ni Draven habang paiba-iba ng pwesto sa kanyang kinauupuan.
Nasa gitna siya habang ako ang nasa kanan at si Dennis ang nasa kaliwa niya na walang headphones pero nakatulala naman sa kawalan.
Hinihigpitan ko pa lalo ang pagyakap sa aking backpack at tinatakpan gamit ng aking buhok ang buong mukha.
"Ang sakit sa likod ng monobloc na to. Sana pinaupo na lang tayo sa swivel chair man lang," patuloy sa pagdaldal si Draven kahit wala naman siyang kausap.
Binalot kami ng katahimikan sa loob ng ilang minuto. Pinipigilan ko ang paghikbi. Sana sunduin na ako ng adviser ko.
"Umiiyak ka ba?" Bahagyang hinahawi ni Draven ang buhok ko kaya iniiwas ko iyon.
"Pake mo..."
"Ano'ng pake ko? Whatever," aniya at narinig ko ang paggalaw ng upuan.
Bahagya akong sumisilip at nakita kong lumapit pala siya.
Hinahawi niya ulit ang buhok ko kaya hinahampas ko ang kamay niya at mabilis na pinupunasan ang aking mga luha.
"Ba't ka umiiyak? Abnormal ka ba?" He chuckles. Pilit pa rin niyang hinahawi ang buhok ko pero pinipigilan ko siya.
"Ano ba?!" angal ko. "Kasalanan mo 'to, e. Kung 'di mo sana pinigilan 'yung elevator e 'di sana nakarating na kami kaagad sa taas!"
Napapaatras ito at hindi ako makapaniwalang tinititigan. "Whatever, Giana! Kahit naman hindi ako sumakay late pa rin kayo at magkakasama pa rin tayo dito." He then laughs. "Sira na talaga tuktok mo."
Hinahatak niya ang bag ko dahilan para mawalan ako ng kayakap. Ibinababa niya 'yun sa lapag at may kinapa-kapa sa bulsa pero wala namang inilalabas.
"'Tol, may panyo ka ba riyan? May isip-bata dito na umiiyak e..."
Napapatingala ako dahil du'n. I sniff. Sumisilip ako para tignan si Dennis. Nakatingin na pala siya sa akin habang may hinuhugot sa kanyang bulsa na kulay blue na panyo. Inaabot niya 'yon kay Draven sabay tingin ulit sa kawalan.
Umaayos ako ng upo nang muling humaharap sa 'kin si Draven. Nakataas ang isang kilay niya pero maya-maya ay sumisilay na ang kinalolokohan ng marami na ngisi nito.
"Ayan, ah? Bumawi na 'ko," anito sabay abot nung panyo.
Agad ko iyong kinukuha at dinadala sa aking mukha. Aarte pa ba ako?
"Hindi pa naman magugunaw ang mundo para mag-iiyak ka riyan na parang nangyayari na. Bakit ba kasi late ka? 'Di ka ba makatulog dahil sa akin?"
Iniismiran ko siya habang pinupunasan ang aking mga luha. "Ikaw yata ang nasisiraan ng ulo. Bakit kita iisipin? Artista ka ba? Gwapo ka ba? Nakakahumaling ka ba?"
Mayabang siyang tumatawa at kumakagat-labi. Dinidilaan niya pa iyon nang mangilang beses saka muling inaayos ang kanyang buhok. "Artista? Pwedeng pwede akong magpa-scout. Gwapo?" He cackles once. "Sobra! Etong mukhang 'to ang magpapabago sa takbo ng mundo. Nakakahumaling?" Kumikindat siya sa akin. "Simulan mo nang pumikit kapag nakakasalubong mo ako at baka isa ka na sa mga mabaliw sa kamandag ko."
I purse my lips while looking at his smug face. "Ikaw ang magsimulang pumikit kapag nakakasalubong mo ako dahil sasampalin kita ng sapatos ko," banta ko pero hindi naman nawala ang nakakabwiset niyang ngisi.
"Whatever, Giana," aniya at binanggit na naman ang paborito nitong sabihin.
Boy Whatever.
Nilalayo ko ang aking upuan habang kinukuha ang backpack na nilagay ni Draven sa sahig para muli itong yakapin. Pasimple kong inamoy-amoy ang panyo ni Dennis. Mukhang hindi pa nagagamit kasi hindi pa ito lukot at mukhang plantsado.
Ang bango-bango! Amoy pabango ng lalaki.
"Oh, ano na namang ginagawa mo?" tanong nitong katabi ko pero hindi ko na siya pinansin. Malamang iniirapan na naman ako ng Whatever na 'yan. "Bro, 'lika alis na lang tayo."
"Lalo tayong mapapahamak sa mga suggestions mo," ani Dennis. Hindi siya nakaharap kay Draven imbes ay nakatingin lang siya sa building ng grade school.
Medyo malayo ang building na 'yon dahil may kalakihan ang aming campus ngunit nakikita ko pa rin kung may mga estudyante bang nakadungaw. Malinaw yata ang mata ko, 'no!
Naaagaw ang aking atensyon ng isang batang kumakaway mula sa isang bintana sa second floor ng gusaling iyon.
Tinitignan ko 'to nang maayos. Kapatid ko ba 'yun? Parang, e... pero iba ang ayos ng kaniyang buhok. Nakapusod na 'to.
"Ate!" sigaw nung bata pero hindi naman ga'nong malakas dahil malayo kami.
Kung wala siguro ang atensyon ko sa kanya ay hindi ko ito maririnig. Nakumpirma ko nga na kapatid ko 'yun, may sinisigaw pa siya ulit pero hindi ko naman maintindihan. Kumakaway ako sa kanya pabalik para matigil na siya ngunit kahit anong kaway ko ay hindi ito matigil.
"Kapatid mo?" pagtatanong ni Draven na sa tingin ko'y nakatingin na rin doon.
Tumatango ako. Kumakaway rin siya na para bang isa siya sa kinakawayan ni Giselle. Himala nga lang at pagkatapos niyang gawin 'yon ay tumigil na ang kapatid ko at sinarado na ulit ang bintana.
"Oh? Mukhang fan ko na siya kaagad," pagyayabang ni Draven sabay tawa.
Ako ang napairap dahil sa sinabi niya. Kapal talaga ng mukha.
Lumipas pa ang oras hanggang sa unti-unti na ngang lumalabas ang mga schoolmate namin mula sa building para sa recess — syempre, agaw-pansin kaming tatlo.
May nga nagbubulungan pa habang nakatingin sa gawi namin at malamang hinuhulaan kung bakit kami nandito ngayon.
Sorry naman, 'no?
Sa dami kasi ng estudyante kaming tatlo lang ang na-late!
"Giana..."
Nililingon ko ang aking mga kaibigan na bagong dating. Hindi malaman ni Yna kung ano'ng itatanong niya habang papalit-palit ang tingin sa aming tatlo.
Agad akong yumayakap sa kanila na para bang may nangyari sa 'king napakasama.
"Na-late kasi ako... hindi kami pinadaan ng officers..." malungkot kong pagkukwento.
Nanlilisik ang mga mata ni Celene habang pinagmamasdan ako. "Letse talagang mga pusakal na mga officer 'yan!" asik niya na kunot-noo habang hinihimas ang aking ulo.
"Si Ma'am Sandigan daw nag-utos nu'n," sabat ni Draven sa gilid ko.
Bumabaling tuloy sa kaniya si Celene. "Ikaw ba kausap ko?" panunungit ng kaibigan ko.
Sumisipol si Draven na parang pinipigilan ang sarili na matawa. "Sinabi ko lang. Bakit, masama ba?"
"Oo, lalo na kapag ikaw ang nagsasalita!"
Bago pa sila tuluyang magpatayan ay inaawat na sila kaagad ni Yna. Bumibitiw ako kay Celene para lingunin si Draven. Sakto naman ang pagdating ng ibang tropang pakers.
"Ano'ng meron? Bakit kayo nandiyan?" salubong ni Kyle.
"Ang tanga mo talaga. Kakasabi lang ni Luigi, e." Iniiwas ko ang tingin ko kay Joseph nung makita ko siya.
"Syempre gusto ko marinig ang version nila. Masyadong kang epal, 'tol."
"Pwede ba?" paniningit ni Luigi.
Hinahatak naman ako bigla ni Celene dahilan para mapatayo ulit ako.
"Halika na, mag-recess na tayo!" aniya at nagsisimula nang maglakad habang hila-hila ako.
"Miss Estrada, hindi pwedeng umalis ang mga na-late sa pwesto nila hangga't hindi pa inuutos ng level head," pigil ni Luigi na nagpapahinto sa amin.
Celene sneers. "Bakit ikaw? Kaya ka rin naman nandito kasi sinusundo mo rin 'yung mga kaibigan mo, ah?" akusa ng kaibigan ko pabalik.
Tumataas ang kilay ni Luigi pero halata naman na tumama si Celene. "Sino ba'ng may sabi na pumunta ako rito para sunduin sila? Dumalaw lang kami, nangangamusta." Tinatapik na niya ang balikat ni Draven at Dennis na nakatingala sa kanya. "Oh, okay lang kayo? Oh, alis na kami, ha? Ba-bye!"
"'Tol, sabi mo-" agad na tinatakpan ni Kris ang bibig ni Kyle.
Wala nang ibang nagawa ang kaibigan ko kundi bitawan ang aking kamay. Tinatanong pa nila ako kung may gusto raw ba ako pero pinauuna ko na sila. Sumunod din namang umalis ang tropang pakers kaya lumipas na naman ang isa pang oras nang nakatulala kami.
Saktong alas dyes na nung dumating ang adviser ko para sunduin ako at papanikin na sa classroom. Nakakatawa ang pwesto ng dalawang magkaibigan dahil nakasandal si Draven sa ulo ni Dennis at si Dennis naman sa balikat ni Draven. Nakapikit pa silang parehas nung ayusin ko ang gamit ko para sundan si Ma'am, nung tignan ko sila muli ay halos mahulog ang puso ko nang makitang diretsyong nakatingin sa akin si Draven.
"Nagulat naman ako sa'yo!" I say as I tap my chest.
"Papanik ka na?" pagtatanong niya habang kinukusot ang isang mata.
I nod. Nakatulog nga talaga ito. "Oo. Hintayin niyo daw si Sir Borja..."
As if on cue, biglang may sumisigaw na ipit na boses sa likod ko.
"Hoy, Cruz at Velasquez! Bakit kayo na-late?!"
Nililingon ko iyon at katulad ng madalas na pormahan ng aming guro, mukha siyang papasok ng parlor. May mahaba siyang scarf sa leeg, may hikaw na hanggang balikat tapos nakapilikmata pa at makapal na foundation. Kumikintab din ang kaniyang pisngi na tinatalo pa ang sikat ng araw.
Ang buhok niya ay gupit panlalaki na may blonde highlights at lagi siyang may hawak na pamaypay na kung hindi niya ipapaypay ay ipanghahampas at ipambabato niya naman.
"Good morning po, Sir," bati ko.
Napatingin siya sa akin.
Umiismid ito. "Seventy-five ka kaagad. Ma'am dapat hindi Sir! Mukha ba 'kong Sir?! Nakahikaw at kuntodo eye shadow pa ako tapos sir?!" asik nito.
"S-Sorry po, Ma'am!" kabado kong bawi.
He laughs. "Charot lang. Manginig-nginig ka naman sa takot..."
Kumukurap ako nang maraming beses. Biro lang 'yon?
Muli niyang binalingan ang kaniyang mga estudyante.
"Mr. Velasquez, bigyan mo ako ng sampung rason kung bakit ka late! Isulat sa isang yellow paper at ipapasa mamayang homeroom! Ikaw naman Cruz, maglinis ka ng kwarto mamayang uwian. Ikaw lang mag-isa! Kahit idol ko pa ang nanay mo at siya ang puno't dulo ng kabaklaan ko, hindi ko mapapalagpas ang late na 'to, okay?"
Pasimple kong kinukuha ang aking backpack. Nakikita ko pa ang paghihikab ni Dennis na nagising dahil sa malakas na boses ng kanilang adviser.
"Ikaw naman Ms. Lapid, gusto mo ring magsulat?" pagbaling nito sa akin nang nakataas ang kilay. Agad naman akong umiiling. "Parang gusto mo, e? Gusto mo?"
Pinanlalakihan niya pa ako ng mata habang nagpapaypay siya. Sunod-sunod ang aking pag-iling.
"Ayaw mo talaga? Okay... mag-iingat ka nga pala sa magkaibigan na 'yan, parehas pa man ding matinik. Baka matusok ka." Makahulugan siyang ngumingisi sa 'kin bago kumembot-kembot papaalis.
Sinusundan ko na lamang ng tingin si Sir Borja. Ano'ng ibig niyang sabihin na matutusok at matinik?
Bakit, isda ba sina Draven at Dennis?
"Dra, come on," ani Dennis at nang tinignan ko sila ay naglalakad na ang dalawa papalayo.
Pinagpatong-patong ko ang mga upuan na ginamit namin at hinahatak na ito papunta sa aming building. Nakita ko kasi na nilabas ito kanina ng mga officers mula sa loob ng building. Baka mawala kung walang magbabalik.
Gumagawa ng ingay ang paghatak ko sa mga upuan dahil sa friction. Hindi ko naman ito kayang buhatin dahil mabigat... wala naman sigurong magrereklamo!
Nasa entrance na ng building ang dalawa nang bigla silang huminto at sabay na lumingon sa akin. Humahakbang si Draven ng isang beses pabalik ngunit si Dennis ang tuloy-tuloy na naglakad pabalik at papalapit sa akin. Napapahinto rin tuloy ako dahil doon.
Teka, bakit?
Tumitigil siya sa harap ko nang hindi man lang tumitingin sa 'king mga mata.
"Ako na, maingay, e..."
Hindi ako humihinga nung kinukuha niya mula sa akin ang mga upuan, lalo pa noong nagdikit ang mga kamay namin... parang tumigil bigla ang mabilis na pagtibok ng puso ko dahil sa nangyaring 'yon.
Imbes tuloy na bitiwan ko ang mga upuan para tuluyan niya nang makuha ay mas lalo pa akong napakapit doon, dahilan kung bakit napatingin siya sa 'kin.
Straight sa mga mata. Eye to eye!
Nanunuyo ang aking lalamunan ngunit hindi ko naman magawang lumunok. Parang nanghina ang aking katawan, kahit ang pinaka basic na paghinga ay parang hindi ko na kayang gawin.
"Let go..." he utters.
Nabalik agad ako sa reyalidad.
"Uhm... sorry! Ayan na..." kagat-labi kong binibitawan 'yung mga upuan. Tumatango lamang siya sa akin sabay kuha roon.
Pinanonood ko siyang maglakad papasok ng building. Hinihintay siya ni Draven na nakatitig lamang sa 'kin, nang nahuli ko siya ay umiiwas din naman ito at kaagad na pumasok sa loob.189Please respect copyright.PENANABnzW3VZhzt